Advertisers
Bago ang lahat, congratulations sa bagong-talagang National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Brigadier General Vicente Danao sa napaka-deserving na promosyon.
Agad-agad ay binalaan nito ang mga police commander na gawin ang kanilang tungkulin kung ayaw nilang masibak sa puwesto. Sabi ni Danao, dapat paigtingin ng mga kapulisan ang law enforcement operations sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic dahil maari nga naman itong samantalahin ng mga masasamang-loob.
Mayroon palang rating si Danao na ginagawa bawat distrito ng pulisya kaya’t ang sinumang hepe ng pulisya o station commander na makakakuha ng mababang rating ay sisibakin niya sa puwesto.
Kasabay niyan ay inatasan din ni Danao ang lahat ng chief-of-police na magsagawa ng accounting ng kanilang mga tauhan at armas.
Sa kabila ng napakalaking responsibilidad na kanyang hinaharap bilang bagong NCRPO chief, nagawa din ni Danao na tumulong sa mga sinalanta ng bagyong ‘Ulysses’ sa Cagayan at Isabela.
Pinangunahan ni Danao ang NCRPO sa pagpapadala ng bigas at relief packs sa Cagayan at Isabela na dumanas ng matinding pagbaha at landslide bunsod ng bagyong Ulysses at pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.
Nakatutuwang mabalitaan na bago tumulak papunta sa mga nasalantang lalawigan ay nagdaos si Danao at kayang mga tauhan ng isang taimtim na sama-samang pagdarasal para sa mapayapang relief operation at kaligtasan ng mga maghahatid ng tulong.
Sa pamamagitan ng naturang relief operations, nakapaghatid ang NCRPO ng may P500,000 halaga ng bigas at relief food packs, gamit ang apat na six by six truck ng Team NCRPO at ang dalawa pang six by six truck na mula naman sa Camp Crame.
Kasama sa relief operation ng NCRPO ang mga miyembro ng pulisya na pamilyar sa mga naturang probinsiya ng Cagayan at Isabela. Bukod nga naman sa mas kabisado ng mga nassabing pulis ang lugar, makatutulong pa sila sa kanilang mga sariling kababayan.
Dahil napagod ang mga tauhang lumahok sa relief operation na umabot ng may 50 lahat, bibigyan naman daw sila ni Danao ng isang linggong bakasyon para makapagpahinga at makabawi ng lakas, bukod pa sa binigyan din niya ang mga itoo ng panggastos.
Nakatutuwa na hindi lang magaling na opisyal ng kapulisan si Danao kungdi may tunay na malasakit din sa kapwa. Sana lahat ng pulis ay kagaya niya.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.