Advertisers
MAY nakausap kaming isang Fil-Am na may kaalaman sa nakatakdang inagurasyon ng tambalang Jose-Biden at Kamala Harris sa Washington D.C. sa ika-20 ng Enero, 2021. Kasama sa inihahanda ng transition team ni Biden ang guest list ng mga taong aanyayahan na saksihan ang makasaysayang inagurasyon.
Bahagi ng protocol ang imbitahan ang mga pinuno ng mga iba’t-ibang bansa na sa tingin ng Estados Unidos ay mga kaibigan at kaalyado sa maraming bagay. Inaanyayahan ang mga ibang taong nais imbitahin ng susunod na pangulo. Kahit hindi sila mga pinunong bayan.
Ibinahagi sa amin ng kaibigang Fil-Am na may inihahandang listahan ng mga kilalang freedom fighter sina Biden. Sila ang mga tao na sa kanilang tingin ay patuloy na nakikipaglaban para sa simulain ng demokrasya, kalayaan, at karapatang pantao.
Hindi kami magtataka kung kabilang sa listahan si Leila de Lima, ang senadora na kasalukuyang nakapiit dahil sa mga pinagtahi-taking salaysay ng mga kriminal, drug lord, at iba pang nakapiit na karakter. Maaaring anyayahan ang kanyang kaanak bilang kinatawan o siya mismo kung sakaling makakalaya bago ang inagurasyon.
Hindi kami magtataka kung anyayahan si Bise Presidente Leni Robredo sa inagurasyon. Hindi bilang pangalawang pangulo kundi bilang isang nilikha na naniniwala sa demokrasya at karapatang pantao, isang usapin na pinaniniwalaan at kinakapitan ng tambalang Biden at Harris. Hindi namin nakikita na aanyayahan si Rodrigo Duterte.
Masahol pa sa basura ang tingin ng mga Amerikano kay Duterte. Hindi nila nalilimutan ang insulto ni Duterte kay Barack Obama noong siya pa ang pangulo ng Estados Unidos. Hindi kumibo si Obama ngunit hindi nangangahulugan na absuwelto na si Duterte at hindi nakakalimutan ang insulto niya sa maimpluwensiyang lider ng Amerika.
Maaaring imbitahan si Leni bilang panauhin ni Kamala Harris. May mga pananaw na magiging maganda ang pag-uusap ng dalawang pangalawang pangulo. Hindi malayo na ikuwento ni VP Leni ang sitwasyon sa Filipinas lalo ng humagupit ang anim na bagyo sa loob ng anim na linggo at ang masamang idinulot ng pandemya.
Maraming scenario ang maaaring mangyari sa inagurasyon ni Biden at Harris. Pinakamahalaga na maunawaan na bukas ng linya ng talastasan sa pagitan ng mga puwersang demokratiko ng Filipinas at ang papasok na administrasyong Demokratiko ng Estados Unidos. Ito ang dahilan sa pagbabago ng foreign policy ng Amerika sa Filipinas at iba pang bansa.
***
HINDI tayo nalalayo sa mga Amerikano. Mayroon tayong sariling bersyon ng Thanksgiving Day na katulad ng sa Estados Unidos. Bahagi ito ng pamana ng mga Amerikano sa ating kultura noong kolonya pa tayo. Pansamantalang nawala ito ng dumating ang mga Japon noon 1942, ngunit ibinalik ito ni Pangulong Sergio Osmeña Sr. Ipinagdiwang ito hanggang dumating si Ferdinand Marcos noong 1966.
Binago ni Marcos ang Thanksgiving Day nang ideklara niya ang batas militar noon 1972 at mammuno bilang isang diktador. Itinapat ang Thanksgiving sa ika-21 ng Septiyembre, ang petsa ng pirmahan niya ang Proclamation No. 1081 na nagsailalim sa bansa sa batas militar. Naging katawa-tawa itong bersyon ni Marcos dahil paano magpapasalamat kung kinitil niya ang demokratikong sistema at mga kalayaang sibil?
Nang tumalilis si Marcos sa kasagsagan ng himagsikan sa EDSA noong 1986, nagwakas ang kanyang diktadurya at ang tuwad at huwad na pagdiriwang gh Thanks giving Day. Nawala na ang salitang thanksgiving sa bokabularyo ng mga Filipino, lalo na sa kabataan at tinaguriang “millennials.” Panahon na upang magpasa ng isang batas na magtatakda ng bagong National Thanksgiving Day. Ngunit may mga nagbabala na hindi ang kasaluyang Kongreso ang magtatakda ng bagng petsa. Masyadong korap umano.
***
PATULOY ang pagdagsa ng fake news at black propaganda sa social media. Sa mga isinagawang fact check, lumalabas na halos lahat ay gawa ng mga taga-suporta ni Duterte at mga Marcos. Mabilis na inaalis sa social media kapag sumailalim ng fact check.
Pangunahin ang rappler.com, VeraFiles, at Agence France Presse sa mga nagsasagawa mga fact check. Walang magawa ang mga taga-suporta ni Duterte at mga Marcos kundi lunukin ang kanilang laway sa tuwing idinedeklarang “Fake News” ang gawa ng kani-kanilang bayarang troll. Sa maikli, hindi na sila epektibo. Bistado na ang kanilang raket.
May ilang taga-suporta sa kanilang hanay ang nagtakda ng “Fact Check to the Fact Checkers,” ngunit malutong na halakhak ang isinagot sa kanila. Wala naman kasing ngipin ang kanilang fact check to the fact checkers. Sino ang luko lukong magtatanggal sa kanilang mga meme at post sa sandaling ideklarang fake news. Kahit maghihiyaw sila sa langit, walang mangyayari sa kanila. Tutubuan lamang sila ng kulugo sa ngala-ngala pero hindi sila papansinin.
***
HINDI nalalayo ang mga taga-suporta ni Donald Trump sa mga pro-Duterte. Pare-pareho silang nabubuhay sa ilusyon. Pare-pareho silang naniniwala sa mga fake news. Walang mga bait sa sarili. Mga panatiko. Sa maikli, pare-pareho silang kasuklam-suklam.
Hindi matanggap ng mga pro-Trump na natalo ang mabungangang pulitiko kay Joe Biden. May dayaan ngunit wala naman silag maiharap na pruweba. Pawang ibinabalibag ng mga huwes ang anumang demanda na kanilang inihaharap sa hukuman na nagkaroon g mga dayaan. Iisa ang sagot sa kanila: wala silang ebidensiya.
***
QUOTE UNQUOTE: “Red tagging of activists, lawyers, independent senators, church leaders, HR defenders and environmentalists, and those speaking out against the government is a diversionary tactic of the Duterte Regime, the reactionary military and lapdogs to divert the attention. Of Philippine citizens away from the Duterte administration mishandling of the Covid 19 Pandemic, extreme poverty brought about by government neglect and the difficulties the people suffered during the successive tropical storms, joblessness, corruption, extrajudicial killings, environmental banditry by mining, logging, forcible dislocation of indigenous people on their ancestral domain to give way for destructive and environmentally unsafe projects like dams and other socio-economic and political problems.” – Edwin Mercurio, netizen
“They underestimated VP Leni. Beneath the gentle exterior, the lady dragon spits fire. And nothing, threat or insult, could stop her from loving and caring the way she alone could.” – Christina Astorga, netizen