Advertisers
SA huling 18 months ng Duterte administration patindi nang patindi ang mga nabubunyag na katiwalian.
Sa bawat Senate inquiry nabubuking ang mga nakawan sa bawat ahensiya ng gobierno. Daan daang milyon hanggang ilang bilyong piso ang pinag-uusapan dito. Salamat sa Commission on Audit (CoA) sa kanilang masusing pagbusisi sa bawat transaksyon at mga nalulustay na taxpayers money ng bawat ahensiya.
Saluduhan din natin itong Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa pagbubulgar sa mga katiwalian ng ilang opisyal sa bawat ahensiya at ilang politiko partikular kongresista na kumakana naman sa mga proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kung pakikinggan lang natin sina Senador Franklin Drilon at Senador Ping Lacson, malulula ka sa mga halagang nawawala sa kaban ng bayan.
At ang labis na ipinagtataka nina Drilon at Lacson ay kung bakit tila hindi manlang nagagalit o napapamura si Pangulong Rody Duterte sa mga nabubunyag na katiwalian gayung ang ipinangako niya sa mamamayan kaya siya nahalal noong 2016 ay ang sugpuin, todasin, ipakain sa mga isda sa Manila Bay ang mga tulisan sa pamahalaan. Why o why?
Ang masaklap pa rito ay ipinagtatanggol pa, inaabsuelto ni Pangulong Digong ang mga “appointee” niyang nasasangkot sa katiwalian tulad nina Health Sec. Francisco Duque, nagbitiw na Philhealth President Ricardo Morales, nagbitiw na Justice Sec. Vitaliano Aguirre, nagbitiw na Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo, sinipa na Customs Commissioner at BuCor Director Nicanor Faeldon, inabsuelto rin niya sa aniya’y grabeng katiwalian sa Public Works si Sec. Mark Villar, at marami pa.
Nabunyag din ang “pagkakatago” ng P33 billion na pondo ng mga ahensiya ng gobierno sa Philippine International Trading Corporation (PITC). Grabe!
Hindi tuloy maiwasang magkomento ng malulupet ang netizens: Na ang huling mga buwan daw ng Duterte administration ay asahan na ang mga pangungulimbat ng mga opisyal. Sa lagay daw ba ay bababa sa puwesto ang mga ito nang walang pasan na sako-sakong pera. Naman!
Ang grabeng korapsyong ito ay tiyak na ibabato ng oposisyon sa mga kandidato ng administrasyon sa 2022. Pramis!
Oo! Asahan na ang matinding bakbakan sa darating na halalan. Waswasan ito ng mga ninakaw na pera!!!
***
KUNG talagang seryoso ang NBI Cyber Crime Department sa pagtugis sa ONLINE SABONG na iligal ang mga operasyon, sabi ng PAGCOR, madali lang nila itong mabuwag.
Yes! I-google lang ang online sabong ay maglalabasan na ang websites tulad ng SABONG EXPRESS ni Pineda na sa loob pa ng hotel sa Clark, Pampanga ginaganap, SABONG LIVE 618, SABONG INTERNATIONAL, JCAP Palito, SABONG WORLD, at marami pa.
Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, nakipag-usap na si PAGCOR Chair Andrea Domingo sa NBI para tugisin ang online sabong na kumikita ng daan-daang milyong piso kada araw nang walang binabayaran sa gobierno. Pero bakit wala manlang tayong nababalitaan na may sinalakay na online sabungan ang NBI? Hindi kaya naka-timbre narin sa NBI ang mga online sabong? Puede!
Sa totoo lang mga pare’t mare, sinubukan kong maglaro sa online sabong. Holdap! Bakit? Aba’y napakalaki ng kaltas. Manalo ka sa dehado konti ang kabig, pag tumama sa llamado ang liit ng kabig. Luging lugi ka rito. Pramis!