Advertisers

Advertisers

CHINA — “Rapist” sa West Philippine Sea

0 38

Advertisers

ANAK ng tipaklong, tayo pa ngayon ang sumisira sa Ayungin Shoal, lintik talaga itong China kung makapagbintang para siyang isang puta na ipinagmamalaking siya ay birhen.

Kung sa isang akusadong rapist, itong China ang nagpaparatang na ang biktimang Pilipinas ang siyang may sa kasalanan at nag-uudyok na siya ay gahasain.

Ganyan ang tingin ng maraming kababayan sa mala-barbarong asal ng Beijing na wala na yatang kasukat sa kasinungalingan, kabulastugan at pagpapakita ng ugaling maton sa pag-agaw at pag-angkin sa lahat ng karagatang nasasakop ng South China Sea.



Pati ang ating sariling karagatan sa West Philippine Sea at ang mga bahura at batuhan na nasa loob mismo ng ating exclusive economic zone (EEZ) at nasasakop ng ating 200 nautical miles na bahagi ng ating territorial waters ay sa China rin daw?

At ito ang kasinungalingang ikinakalat ng Beijing: ‘yun daw pagkabahura ng BRP Sierra Madre (LS-57) ay nagdudulot ng matinding pagkasira ng kapaligiran at katubigan ng Ayungin Shoal, sabi ng mapanlilinlang na ‘Chinese experts’ — anong malaking katarantaduhan ito?

Kayo, China ang experto nga sa pagsisinungaling at pagkakalat ng maling impormasyon, gayong ang totoo, sa maraming pangyayari, kayo, China ang maraming ulit na sumira, gumahasa sa malabirheng ganda at kasariwaan ng korales, at mga isda at halamang dagat at iba pang buhay sa WPS.

Ikaw, China ang patuloy na sumisira sa karagatan at madalas na nagbibigay peligro sa kabuhayan at buhay ng marami naming kababayang Pilipino.

Kayo na nga ang magnanakaw sa loob ng aming pamamahay, kayo pa ang sumisigaw na kayo ang ninanakawan, o tama yata ang kasabihang ang masisiba, ang mangangamkam ay walang kasiyahan at siya pang laging sumisigaw na nawawalan at inaagawan.



Eto ang paliwanag ni Sir Jonathan Malaya, National Security Council Assistant Director General sa kabulastugan ng China.

Mismong sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 ay sinabi sa Page 464 of the Arbitral Award na ang China ang nagwasak ng environment sa karagatan — sa paanong paraan?

” xxx it states that China has aggravated the dispute by building a large artificial island on Mischief Reef (Panganiban Reef); inflicting permanent, irreparable harm to the coral habitat of Mischief Reef (Panganiban Reef); and commencing large-scale island-building and construction work in Cuarteron Reef (Calderon Reef) xxx”

Eto pa ang sabi ng PCA — winasak rin ng China ang Fiery Cross Reef (Kagitingan Reef), Gaven Reef (Burgos Reef), Johnson Reef (Mabini Reef), Hughes Reef (McKennan Reef), at ang Subi Reef (Zamora Reef) nang itayo ang mga artificial islands, kasama ang naitayo sa Panganiban Reef at Calderon Reef na ngayon ay mga Chinese military bases.”

Imposibleng makapagtayo ng mga kongkretong isla nang hindi gagalawin, hindi wawasakin ang lahat ng mga bagay na may buhay sa ilalim ng tubig.

Kailangang wasakin ng China ang mga korales, galawin, halukayin, kuhanin at ugain ang mga nasa ilalim ng lupa sa karagatan upang maitayo ang pundasyong bakal, semento at iba pa sa pagtatayo ng artipisyal na isla na ngayon ay base militar at kuta ng mga flota ng mangingisdang Chinese.

Kungdi ito paggahasa sa natural na ganda ng kalikasan sa South China Sea na kabahagi ang West Philippine Sea, ano ang maitatawag dito?

Sa paggahasa sa katubigang ito ay malinaw na nakasaad sa desisyon ng PCA sa The Hague Netherlands.

Alam na alam ng mga opisyal sa Beijing, lalo na ang militar at nabal nito ang pagwasak sa kalikasan ng kanilang kababayan, at saksi ang mundo at nalathala sa maraming media sites, may video pa kung paano marahas na kinakamkam ng mga mangingisdang Chinese ang malapit nang maubos na lahi ng mga pawikan, mga higanteng kabibe at taklobo, at mga halamang-dagat, mga isda at kung paano pinatay ang mga korales na kanlungan at paramihan ng binhi at buhay ng libo-libong uri ng isda sa karagatan.

Maliwanag, krimen sa kalikasan ang ginawa at patuloy na ginagawa ng Beijing.

Sabi pa ni Sir Jonathan, alam, batid ng China ang pagwasak na ito sa South China Sea na ipagmamalaking sila ay may-ari, pero ano ang kanilang ginagawa, aba’y patuloy na winawasak, maiwawangis sa isang babaeng birhen na ginahasa na, at pinatay pa!

Ito ay kasalanang karumaldumal at kung sa tao ito, hindi ba ang hatol sa China sa mga rapist ay bitay!

Pero kahit alam ng Beijing na ginahasa ng kanyang mga sundalo at mangingisda ang birheng kalikasan ng SCS, sa halip na pigilan at parusahan, sinuportahan pa nga at ano ang matibay na ebidensiya?

Ayon mismo sa CSIS Asia Maritime Transparency, mahigit sa 1,295 ektaryang kalupaan ang kabuuan ng naitayong seven (7) artificial islands sa SCS!

Isipin na lang kung gaano kalawak ang winasak na kaibabawan, kalaliman na kinaroroonan ng buhay ng yamang dagat ang winasak, dinambong na bunga ng konstruksiyon ng mga islang ito na sinimulan noon pang 2013.

At sa lalo pang pagtindi ng tensiyon, nakasentro ngayon sa Ayungin Shoal, kitang-kita ang masakim na intensiyon ng China, at ano ito, sa palagay ng marami nating kababayan?

Nakabahura sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre, at kung magagawa nila na mapaalis iyon dun, expected na magiging kasunod ay ang pag-okupa sa bahura at malamang kaysa hindi, magtayo roon ang China na isa pang artificial island.

Eto pa ang dagdag na ulat tungkol sa kalapastanganan ng China sa mga biyaya at yamang dagat natin.

Sabi ni Sir Malaya, sa ulat noong 2023 ng independent non-profit organization Center for Strategic International Studies (CSIS), natuklasan ang pagwasak ng China sa SCS ng mahigit sa 6,200 acres (25 sq. kilometers) ng batuhan at nakalatag na korales upang maitayo ang kanilang artificial island.

Di pa nasiyahan, mayroong 16,353 acres (66.1 sq. kilometers) ng batuhan at korales ang sinira sa pagkuha sa ilalim ng dagat ng mga Chinese fishermen ng higanteng kabibe at daan-taong gulang na dambuhalang taklobo.

Para makuha ang mga taklobo at kabibe, kailangan ang paghalukay, pagbungkal sa kailaliman ng dagat, at upang maitayo ang mga islang bato, ang ginawa ng China ay tinabunan ang 4,648 acres (18.8 square kilometer) ng bahura at korales sa karagatan!

Matatawag itong rape o paggahasa sa kalikasan; kung sa tao — karumaldumal itong pagdahas sa lantay na katawan ng isang babaeng walang dungis pero winalanghiya ng kasakiman sa laman, kasunod na makuha ang matamis na halimuyak, ay pinatay.

Sa hukuman ng alin mang bansa, kasama ang China, malupit na kamatayan o pagkabilanggong habambuhay ang parusa sa ganitong karumaldumal na krimen.

Pero ang krimeng ito ng Beijing ay walang kahihiyang itinatanggi nito, at ang Pilipinas pa ang pinararatangang kriminal!

Dagdag dito ang mga ebidensiyang nakalap ng National Security Council laban sa pandadahas ng China sa kalikasan: Responsable ito sa pagkasira ng mga korales sa Bajo de Masinloc, Rozul Reef, Escoda Shoal, Sabina Shoal, and Pag-asa Cays 1, 2, and 3, at iba pa.

Bukod pa rito, ang walang patumangga, walang pasintabi na ilegal na pangingisda ng Chinese Maritime Militia (CMM) sa mga bahura, batuhan at kailaliman ng katubigan ng WPS at ito ay patotoo ng tahasang pandarambong sa ating sariling teritoryo!

Kailangang pakinggan natin ang panawagan ng NSC sa madlangbayan at sa mga kalapit na bansa sa Asia tungkol sa karumaldumal na gawaing ito ng China.

Sabi pa ni Malaya, tagapagsalita ng National Task Force on West Philippine Sea (NTF-WPS) na kailangan na magkaroon ng isang independent third-party marine scientific assessment sa WPS na mga experto na walang pinapanigang interes na siyang magsuri sa katubigan, sa ilalim ng lupa sa dagat, mga bahura, batuhan, korales upang matiyak ang lawak at masamang epekto ng pagwasak sa kapaligiran ng WPS.

Hindi lamang ang Pilipinas ang dapat na mabahala at magtaas ng tinig sa karahasang ito ng China sa WPS pagkat ang buong South East Asia ay kasangkot dito.

Kung ganap na maangkin ng China ang karagatang angkin ng Pilipinas, ano ang pipigil sa kanya na gawin din ito sa iba pang katabing bansa.

Kaya ang panawagan si Spokes Malaya sa mga bansa sa Indo-Pacific ay sumama, makiisa sa Pilipinas na itulak at buuin ang isang matibay na pagbibigkis-bisig at maagap na kilos upang mapangalagaan, mapayaman ang mga buhay sa karagatan at kalupaan sa buong rehiyon sa Asia.

Panahon na, at ‘wag nang magpatumpik-tumpik sa pag-iisip at pag-aalinlangang pagkilos, dapat nang kumilos ang lahat ng makabayang Pilipino.

Ipagtanggol natin ang atin, pagkat tunay na atin ang West Philippine Sea!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.