Advertisers
Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division (NBI-CCD) ang limang hackers na sangkot sa pag-hack sa website ng Commission on Election (Comelec) at Sky Cable.
Ikinasang entrapment operation nitong Hulyo 9, 2024 sa Tagaytay City, Cavite at naaresto ng NBI sina Eden Glenn Petilo, Carlo Reyna, John Kenneth Macarampat at Leonel Obina, at isa pang indibidwal di pa napapangalan na pawang miyembro ng Blood Security Hackers na isang cybercrime group.
Nag-ugat ang operasyon dahil sa mga “unauthorized breaches” ng mga government websites.
Sa impormasyong natanggap ng NBI-CCD, may isang grupo na responsable sa mga cyber intrusions ng Comelec at Sky Cable Data ang iniaalok na ibenta.
Kaagad na umaksyon ang NBI-CCD at nagsagawa ng surveillance operation at nang makumpirma na responsable ang mga suspek sa pinakahuling cyber intrusions ikinasa ang entrapment operation.
Nakipagtransaksiyon ang NBI CCD para kunwari’y bilhin ang data breach ng Sky Cable na naglalaman ng impormasyon ng mga subscriber.
Noong Hulyo 9, 2024, ikinasa ng mga ahente ng NBI-CCD ang entrapment operation na nagresulta ng pagkakaaresto sa apat na hackers.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 26 paragraph (b) (Unauthorized processing of personal sensitive information) at Section 29 (Unauthorized Access or Intentional Breach) of the Data Privacy Act (R.A. No. 10173); Section 5 (b) (Attempt in the Commission of Cybercrime) at Section 4 (a) 1 (Access of the whole o any part of a computer system without right) of the Cybercrime Prevention Act (R.A. No. 10175).(Jocelyn Domenden)