Advertisers

Advertisers

TSISMIS NA KAKALABANIN NI ISKO SI MAYOR HONEY, MAHIRAP PANIWALAAN

0 41

Advertisers

Sa gitna ng ugong-ugong na kakalabanin ni Isko Moreno ang tinatawag niyang ‘Ate Honey (Lacuna)’ sa darating na 2025 elections, marami ang hindi makapaniwala na magagawa ito ni Isko kay Mayor Honey.

Isa ako sa mga ito, dahil isa namang bukas na aklat sa lahat kung anong klase ng relasyon meron ang dalawa. Ate Honey ang tawag ni Isko kay Mayora samantalang si Honey, mula noon at maging hanggang ngayon na naging mayor na siya, ang tawag niya kay Isko ay ‘Boss.’

Malaking dahilan din kung bakit marami ang hindi makapaniwala (at dismayado) ay dahil alam ng lahat kung paano itinuring ng buong pamilya Lacuna si Isko, dahil nga wala itong kapatid at wala na ring ama. Lalo na nung pumanaw din ang kanyang ina.



Hindi rin lingid lalo na sa mga taga-Maynila kung paano tumayo bilang ama-amahan sina Vice Mayor Danny Lacuna at City Administrator Bernie Ang, na kapwa inalagaan si Isko mula pa nung ito ay isang konsehal na naninirahan sa maliit na tahanan sa Tondo.

Hindi lamang siya inalagaan nina Vice Mayor Danny at City Ad Bernie bilang isang politiko sa pamamagitan ng partidong itinatag nila, ang Asenso Manilenyo, kungdi maging sa personal na aspeto ng buhay nito, kung saan sila ay hindi nawala sa kanyang tabi lalo na sa mga panahon ng krisis.

Pinag-aral pa nila ito upang makabawi sa panunuya ng marami sa pagiging high school graduate nito at ginabayan para makaangat sa kahirapan sa buhay.

Niyakap at minahal ng buong pamilya Lacuna si Isko bilang parte ng kanilang pamilya mula noon hanggang ngayon at sa palagay ko naman, hindi itatapon ni Isko nang ganun-ganun na lamang, nang dahil lamang sa pulitika, ang ganitong uri ng kabutihang-loob na kanyang tinanggap hindi lamang mula sa mga Lacuna kungdi maging sa kanilang partido at higit sa lahat, kay Vice Mayor Danny at City Ad Bernie.

Ganito lang kasi ‘yan. Kapag ikaw ay kumalaban sa isang tunay na kaibigan na kapatid ang turingan ninyo, dapat may sapat at tamang dahilan.



Sa kaso ng dalawa, ano ba ang mga katanggap-tanggap na dahilan para kalabanin ni Isko si Honey?Pinabayaan o pinahinto ba ang mga proyektong iniwan niya? Hinde at sa halip ay pinaganda pa. Pangalawa, tinanggal ba ang mga tao niya? Hinde at sa katunayan, ‘yung mga ni-reject dahil walang civil service liability, ipinuwesto kapalit nila ay anak o asawa at bukod diyan, alam mismo ng mga opisyal na sila-sila pa rin ang nakaupo. Ikatlo, naputol ba ang mga ‘pakinabang’ ni Isko? Hindi rin. Ikaapat, tinarantado ba siya ni Honey? Lalong hindi.

Ngayon, kung magkatotoo ang chismis na kakalabanin ni Isko si ‘Ate Honey’ niya, ano ang pupuwedeng gawing dahilan ni Isko? Ipagpalagay nang hindi siya nasisiyahan kay ‘Ate Honey’ niya, di ba pupuwedeng tawagan ito at kausapin dahil ‘Boss’ pa din naman ang tawag nito sa kanya? Bakit kailangang kalabanin?

Naniniwala pa din ako na isang taong may utang na loob si Isko at gaya ng sinasabi niya palagi, na siya ay may isang salita at ‘naisasanla’ ang kanyang laway dahil sa isang taong mahirap o galing sa hirap, importante ang palabra de honor.

Ilang ulit niya binanggit sa mga interview na kapag natalo siya sa pagtakbo bilang Pangulo ay ‘retired’ na siya sa pulitika.

Nananalig din ako na gaya ng lahat ng Pilipino, may pagpapahalaga si Isko sa utang na loob. Hindi ito nababayaran ng salapi o anumang materyal na bagay at ang utang na loob ay nariyan hanggang magpantay ang iyong mga paa sa lupa.

Maaring makaganti ka sa pamamagitan ng mabuting gawain sa pinagkakautangan mo ng loob pero ito ang uri ng utang na tinatanaw habambuhay.

Higit sa lahat, kultura na ng Pilipino ang pagpapahalaga sa ‘pamilya.’ Hindi kailangang kadugo dahil madalas, ‘yung hindi magkakadugo ang mas tunay na kapamilya ang turingan. Kung sino ang mas nariyan kapag kailangan mo ng kaagapay, katulong o saklolo, ‘yun ang tunay na pamilya, lalo na kung sila ay nariyan nang mga panahong wala ka pang pera o posisyon.

Balita ko ay itinatago ng magkakapatid na Lacuna mula sa kanilang ina ang mga balitang ito dahil baka sumama ang loob. Itinuring din kasi nito bilang tunay na anak si Isko sa loob ng napakaraming taon at pinagkatiwalaan na magiging kakampi ng kanilang pamilya sa lahat ng oras, mula nang kupkupin siya ng Asenso Manileno.

Huwag naman sana masira ang pagiging pamilya nila nang dahil lang sa pulitika. Kung totoo ang chismis, sana ay magbago pa ang isip ni Isko dahil hindi maganda para sa kanya. Baka hindi matahimik sa kanyang kinalalagyan si Vice Mayor Danny.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.