Advertisers
SUGAL SA ORIENTAL MINDORO PROTEKTADO NG MGA MATATAAS NA OPISYAL (PART-2)
DISMAYADO ang samahang sibiko, non-government organizations, simbahan lalong-lalo na ang mga residente sa pagiging pabaya umano ng mga hepe ng kapulisan para sugpuin ang talamak na iligal na sugal sa Oriental Mindoro.
Bukod sa ‘untouchable’ illegal numbers game na jueteng at mga pergalan, maraming malalaking kaso at iba pang uri ng kriminalidad sa nasabing lalawigan na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano malutas-lutas tulad na lamang ng patayan nakawan ng motorsiklo at yong napabalita kamakailan na POGO sa Puerto Galera na ni raid ng NBI.
Ayon sa ilang source, simula nang maitalaga umano sina Oriental Mindoro Provincial Director PCOL SAMUEL DELORINO at PRO MIMAROPA Regional Director PBGEN. ROGER QUESADA ay saglit lamang na nahinto ang jueteng at sugal sa Perya tulad ng drop ball, baraha, baklay at color games matapos mapatay ng Perya operator ang radio broadcaster na si CRIS BUNDUQUIN na isa rin sa mga tumutuligsa sa talamak na sugal sa kanilang nasasakupan.
Giit ng mga residente, lubhang apektado ang mga padre de pamilya at ilaw ng tahanan na imbes magsipagtrabaho ay nahuhumaling sa pagtaya ng jueteng at pagsu-sugal sa Pergalan (Perya-sugalan) ang inaatupag.
Karamihan sa mga sugapa at adik sa sugal ay natututo na umanong mangutang, magsanla at magbenta ng kanilang mga ari-arian para lang matustusan ang kanilang bisyo.
Ipinagbigay-alam na rin ang mga hinaing at reklamong ito sa tanggapan nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nagagawang kaukulang aksyon ang nabanggit na mga opisyal.
Ayon sa reklamo, maimpluwensiyang LGUs at matataas na opisyal ng kapulisan ang nangangasiwa sa hi-tech jueteng corporation sa Oriental Mindoro na may direktang koneksyon diumano sa Malacañang.
Bunga nito, marapat lang na mag-imbestiga sina Abalos at Marbil sa impormasyong ito upang matukoy kung sino-sinong mga police officials at LGU sa lalawigan ni Governor Humerlito Dolor ang nasa likod ng pamamayagpag ng iligal na sugal at pambabastos sa RA 9287 at PD 1602 anti-illegal gambling.
Sinasabing kakambal ng iligal na sugal ang ilegal na droga na diumanoy malala na rin ngayon sa nasabing lalawigan.
Naging hi-tech na rin ang jueteng operation sa Oriental Mindoro dahil gumagamit na ng apps sa kanilang cellphone ang mga kubrador, kabo at mananaya.
Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinadadala na sa mobile wallet tulad ng GCash at PayMaya ang bayaran.
Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.
Ang hi-tech jueteng ay nag-o-operate ay matagal na umanong namamayagpag sa bayan ng Naujan, Victoria, Socorro, Pinamalayan, Roxas, Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Gloria, Puerto Galera, Mansalay, Bulalacao, Bongabong, Bansud, at Calapan City.
Naniniwala ang mga nagpaabot ng reklamo sa inyong lingkod na imposibleng walang bendisyon sa taas ang presensya at hayagang operasyon ng mga iligal na sugal.
Sa dami umano ng mga naarestong tauhan ng Pergalan, kubrador at kabo ng jueteng ay mistulang wala ring silbi ang ibinida ni PNP Chief Marbil na sa ‘BAGONG PILIPINAS ANG GUSTO NG PULIS LIGTAS KA”!
Paano magiging ligtas ang mamamayan aber, kung ang bawat lugar sa Oriental Mindoro ay pinamumugaran ng samut-saring iligal na sugal.
Tila “moro-moro” o “budabil” din ang mga ginagawang pag-aresto ng mga otoridad sa mga operator ng Pergalan at sa mga kubrador ng jueteng dahil nagre-request lamang ng ilang tao na huhulihin ang mga otoridad para makagawa diumano ng report para may maipadala sa Camp Crame.
Kung tutuusin, challenging ang impormasyong ganito para kina Secretary Abalos at PNP Chief Marbil dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatain.
Dahil dito, hinihiling din ng konsumidong mga residente na magbitiw na lamang sa pwesto sina Gen. Quesada at Col Delorino maging ang mga iniluluklok nilang LGUs dahil wala umano silang nakikitang aksyon para sugpuin ang nasabing bisyo at kriminalidad sa nasabing lalawigan.
“Nakakahiya kayo,” wika pa ng mga galit na galit na residente.