Advertisers
Ni Nick Nañgit
PINAULAKAN natin kamakailan lamang ang paanyaya ng Art VII na dumalo bilang espesyal nilang panauhin sa pagbubukas ng eksibit sa sining na pinamagatang Ganito Kami Noon … Paano Kaya Ngayon? bilang paggunita sa ika-100 taon ng pagkakasilang ni Pambansang Alagad ng Sining natin sa Pelikula na si Direk Eddie Romero.
Nakasama natin sa pagpuputol ng laso sina Bb. Gloria Diaz, ang kauna-unahang Miss Universe ng Pilipinas taong 1969; Direk Frank Rivera; Sir Ogie ng UP School of Economics; at ang anak mismo ni Direk Eddie na si Direk Joey Romero.
Kasama sa Art VII ang mga manlilikhang sina Rene Tolentino, Marko Bello, ang magkapatid na Dino at Banog Blanco, at ang mga artistang sina Jao Mapa at Krishnamurti aka Cris Villanueva.
Ayon kay Tolentino, naisipan nilang magbigay pugay kay Direk Eddie sa pamamagitan ng pagguhit, gamit ang iba’t ibang medium, na naaayon sa tatlo niyang pelikula – Ganito Kami Noon … Paano Kayo Ngayon?; Aguila; at Kamakalawa. Sa tatlong pelikulang ito ay lumabas si Christopher de Leon, subali’t hindi siya nakarating. Tanging si Diaz lang na nakasama niya sa pelikulang Gaano ang nakapunta.
Bakit mahalaga ang parangal na ito?
Una ay dahil makabuluhan pa rin hanggang ngayon ang mga mensahe ng kanyang sining.
Pangalawa ay dahil, bilang ipinanganak sa Taon ng Daga, tama lamang na kilalanin muli sa kasundo nitong Taon ng Dragon ang kanyang mga likha. Ito’y para sariwain sa alaala ng maraming Pilipino ang kanyang henyo.
At pangatlo ay dahil sa talumpating binigkas ni Direk Rivera na may tatlong “P” ang nagbubuklud-buklod hindi lamang sa mga likha nila, kundi maging sa mga nagsidalo, at ang mga ito ay ang Puso, Pusod, at Puson. Nandiyan malapit sa ating mga karanasan, pagmamahal, at pasyon ang pagbibigay timbang sa kalinangan ng Pilipino.
Napakagaganda at tunay na gumagaling ang Art VII mula noong huli ko silang natunghayan sa isang gallery sa Mandaluyong. Hindi lamang oil at acrylic ang nagpakita ng kanilang husay, kundi maging ang mga mensahe ng kanilang gawa. Naisalarawan nila sa canvas ang mga eksena at kuwento na napapanood sa tatlong pelikulang yun. Magandang balikan at panoorin muli ang nga obra maestra ni Direk Eddie, at mapatutunayan ninyo na tanging Art VII lamang ang makapagpipinta ng mga kapantay na obra maestra.
Kaya pumunta na kayo at bisitahin ang Galerie du Soleil sa Usasan, Taguig. Medyo napapaloob ang Bagong Calsada kung saan ito ay matatagpuan at nasa dulo nito ang isang dalawang palapag na bahay. Hindi masasayang ang inyong suporta, kapag nagkaroon kayo ng kahit isa man lang sa mga magagaling na sining ng Art VII. Lalong tataas ang halaga ng mga ito balang araw. Magtatagal ang kanilang eksibit hanggang ika-3 ng Agosto, 2024.
Yun na muna. Subaybayan ninyo at lumagda na rin sa pahina ng Nickstradamus sa Facebook/Meta at sa channel nito sa YouTube. Ugaling magpusu-puso at magbibigay ng kuru-kuro sa mga posts na hindi lamang masasaya kundi may mga aral din.
Nakapost na ang ilang patikim na bidyos ng konsiyertong musikal na pinamagatang Timeless 2. Para sa mga nasa ibang bansa, maaari ninyo pa ring mapanood ito via online link. May libreng tarot reading pa kayo at makatutulong ngayong Kapaskuhan sa Hospicio de San Jose. Mag mensahe lamang kung paano kay Grace Almazan, at magpadala ng sulatroniko sa ariel1996mermaid@gmail.com. Yan din ang email kung may mga katanungan kayo tungkol sa astrolohiya, crystals, at iba pang uri ng kababalaghan.
Abangan ang inaayos nating bagong channel at website ng Nickstradamus at ang mga serye ng Stories of the Unknown sa 89.5 The Playroom, para mas matuto at matuwa kayo sa mga inihahandog naming paksa, kasama ang chikahan ng maraming OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hanggang sa muli, Light Love and LIfe, lalo na kay R, Namaste!