Advertisers
BINIGYANG-PUGAY at pinasalamatan ng mga Palawenyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa kanyang aid program na dinala sa Palawan.
Sa kanyang pagbisita, inilunsad ni PBBM ang Presidential Assistance for Farmers, Fisherfolk, and their Families (PAFFF) na naglalayong magbigay ng suporta sa mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya.
“Maraming salamat na binigyan tayo ng ganitong mga financial assistance katulad ng 10,000 pesos. Malaking tulong sa aming mga mahihirap, katulad sa amin na mahirap talaga,” ani ni Rowel Socrates, isang 53-taong gulang na magsasaka mula sa bayan ng Roxas. Gagamitin niya ang tulong pinansyal upang makabili ng mga gamit pangsaka at punla.
“Malaking tulong po sa amin ang binibigay ng gobyerno sa amin,” sabi naman ni Rafael Macalua, isang 50-taong gulang na magsasaka sa lugar.
Pinasalamatan din ni Bella Baquiao ang Pangulo dahil sa programang Ayuda sa Kapos (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). “Maraming salamat po sa ating Pangulong Bongbong Marcos na kami ay binigyan ng pagkakataon na makatanggap ng assistance po,” ani Baquiao, na gagamitin daw ang tulong para sa tuition ng kanyang anak sa kolehiyo.
Binanggit naman ni Pangulong Marcos na ang El Niño ay nagdulot ng pinsalang nagkakahalaga ng P3 bilyon sa rehiyon ng Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan (MIMAROPA).
Sa pamamagitan ng whole-of-government approach ng administrasyong Marcos, sanib-pwersa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang saklolohan ang mga nangangailangang Pilipino.
Namahagi ang Department of Agriculture (DA) ng mga punla, pataba, at kagamitan pansaka habang naglaan din ito ng pondo para sa Survival and Recovery Program at Agri-Negosyo Loan Program, at nagkasa ng mga training upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) naman ay nag-distribute ng limang bangka, tatlong ferry, at dalawang fish cage sa mga mangingisda sa lugar habang ang National Irrigation Administration (NIA) ang nanguna sa pamamahagi ng P8 milyon para sa operation and maintenance subsidy ng mga irrigators’ associations (AIs) at nagbigay ng certificate of condonation and exemption sa mga landowner upang mabawasan ang kanilang utang.
Higit P200 milyong halaga ng irrigation projects din ang ipinamahagi sa mga magsasaka ng Papualan, Sumbiling, Timburan, Bagong Bayan, at Apurawan. Magbibigay naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng pondo sa mga lokal na pamahalaan ng Dumaran, San Vicente, Roxas, Taytay, Cagayancillo, at Araceli.
Pagkakalooban din ng suporta ang mga rebel returnee at maging ang kanilang mga pamilya.
Kung hindi ako nagkakamali, para higit pang mapabuti ang ekonomiya ng MIMAROPA, tinatapos ng gobyerno ang Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project sa Aborlan at ang Dr. Damian Reyes Road sa Marinduque.
Prayoridad ng administrasyong Marcos ang Puerto Princesa Airport Development Project at ang Pag-asa Airport Development Project na inaasahang magpapalakas sa sektor ng turismo at transportasyon ng lalawigan.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos ang tulong ng gobyerno sa mga Palaweño sakaling tamaan sila ng kalamidad sa pagpasok ng La Niña.
Sinasabing may nakalaang pondo at stockpile ng relief goods na nagkakahalaga ng P140 milyon para sa MIMAROPA bilang paghahanda sa mga kalamidad na maaaring idulot ng nasabing weather phenomenon.
Sa kanyang mga hakbangin at dedikasyon, tunay na pinakikita ng ating Pangulong Marcos ang malasakit at pagmamahal niya sa mga Pilipino, lalo na sa mga kababayan natin sa Palawan.
Nagsisilbing inspirasyon at pag-asa ang kanyang administrasyon sa pagbangon ng bansa mula sa mga pagsubok na ating kinakaharap.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.