Advertisers
MATAPOS mabuking ang talamak na operasyon ng sindikato ng buriki ng petrolyo o garapalang pagnanakaw ng krudo, gasolina at Liquified Petroleum Product (LPG) sa mga tanker at capsule truck na bumabiyahe sa CALABARZON at ibang panig ng Luzon, ay pansamantalang nagpalamig sa kanilang pandarambong ang naturang mga ilegalista sa ilang lugar sa Batangas, Quezon, Laguna at Rizal.
Sa Cavite, partikular ang Carmona ang iniuulat na pinagkukutaan ng isa sa pinakamalaking grupo ng magnanakaw ng produktong petrolyo na mahigpit na kinokondena ng Anti-Crime Group. Pagsabotahe sa ekonomiya ng bansa ang malawakan at di masupil na ilegal na aktibidad na ito ng naturang sindikato.
Isang alyas Amang ang nagpapatakbo ng burikian sa Brgy. Bancal sa siyudad ni Carmona City Mayor Dahlia Loyola. Si Amang din ayon sa ating mga KASIKRETA ang kanang kamay ng big time na operator ng Violago Group na nakabase sa lalawigan ng Bulacan. Nag-ooperate din sina Amang at ang Violago Group sa Mariveles at Limay sa lalawigan ng Bataan, sa Tarlac, Pampanga at iba pang mga lalawigan na sakop ni Region 3, PNP Director BGen. Jose Hidalgo Jr.
Kampante at tuloy-tuloy ang operasyon ng pagnanakaw ng petro-product nina alyas Amang at Violago Group sa Brgy. Bancal, na isa sa pinaka mataong lugar sa siyudad ng Carmona pagkat di ang mga ito tinitinag nina Cavite PNP Provincial Director Col. Eleutero Ricardo Jr. at Carmona City Police Chief LtCol. Jefferson P. Izon.
May kinalaman kaya ang daang libong protection money na weekly intelhencia na kinokolekta ng isang alyas Sgt. Richard M. na nagpapakilalang bag man ni Col Ricardo Jr.?
Si alyas Sgt. Richard M. ay basta na lamang sumulpot sa Cavite PNP Provincial Police Office at nagpakilalang pulis ilang araw matapos na maitalagang PNP OIC- PD ng Cavite si Col. Ricardo Jr. Ipinagyabang nito na siya ang enkargado ng ilang matataas na police official ng PNP Region 4A at ng tanggapan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil upang kolektahin ang tongpats mula sa mga vices, buriki operator at iba pang ilegalista.
Unang tinarahan ni alyas Sgt. Richard M. ng lingguhang kolek-tong na Php 1M ang untouchable na buriki operator na si Amang at ang Violago Group; tig Php 100k weekly naman ang mga sakla operator na sina Hero, Elwyn, Anacan at Ka Minong na nag-ooperate sa mga siyudad ng Cavite, Bacoor, Dasmarinas, Maragondon, Magallanes, Amadeo, Noveleta, Naic at Bailen. Ang mga bookies operator naman na sina Nita Kabayo, alyas Jun Toto at iba pa ay may lingguhan tig Php 300k para walang bulabog at pulidong makapag-operate ang mga ito ng kanilang bawal na pasugal kasama na ang pagbebenta ng shabu sa Cavite at ibang pang lalawigan sa rehiyon.
Dati-rati ay 24/7 ang pagnanakaw ng sindikatong pinamumunuan ng isang aktibong Duterte Die Hard Supporter (DDS) na PNP colonel at ng katiwala/hitman nitong pekeng pulis na si Sgt. Buloy malapit lamang sa main gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta Clara at maging ng grupo ng isang alyas CJ Pilar alyas Agojo, Delzon Adik alyas Etring Payat at Efren sa San Pascual Bypass Road sa bayan ni Mayor Antonio Dimayuga.
Ngunit pansamantalang “nagpalamig” ang mga ito na ang ibig sabihin ay hindi ganap na tumigil ang pagpapanakaw sa mga tanker at capsule truck ng kanilang kakutsabang mga driver, kundi nilimitahan lang nila ang oras kung kailan “magpaparating” ng mga pagnanakawang tanker at capsule truck.
Ayon sa ating police insider, nag-aantay lamang ng tawag sa kanilang mga cellular phone ang truck driver at pahinante sa abiso kung anong oras sila magbuburiki, magbabawas, magpapatulo, magpapaihi o magpapaawas ng “white product“ (krudo, gasolina at gaas) o kaya ay magpapasingaw ng LPG tank at isasalin sa mga basyong tangke na pag-aari ng sindikato.
Hindi malinaw kung binalaan nga muna nina Batangas City Police Chief LtCol. Jephte Banderado at San Pascual Police Chief Maj. Ricky Malinao Fornolles ang mga nabanggit na ilegalista upang limitahan ang kanilang aktibidad habang mainit pa ang isyu tungkol sa laganap na buriki operation sa kanilang hurisdiksyon.
Itinuturo namang nagbibigay ng “bendisyon” para sa pangalan ng ilang PNP official sa Batangas, Region 4A at Crame ang isang nasibak na police na si alyas Sgt. Adlawan upang makapag-operate ang lahat na ileglista lalong-lalo na ang mga buriki maintainner na DDS na PNP colonel at fake na Sgt. Buloy sa Batangas City at magkakasosyong alyas CJ Pilar aka Agojo, Delzon Adik alyas Etring at Efren sa bayan ng San Pascual. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144