Advertisers
PATULOY na umaarangkada ang operasyon ng ilegal na sugal sa lalawigan ng Oriental Mindoro na bawal ito alinsunod na batas PD 1602 ay patuloy itong namamayagpag sa halip na ipatigil ito.
Batay sa sumbong na ipinarating sa inyong lingkod ng ilang concerned citizen, ilegal umano ang jueteng bunsod sa wala itong lisensya mula sa PCSO kung saan laganap ngayon ang naturang illegal numbers game sa 14 na bayan at isang siyudad sa nabanggit na lalawigan.
Napag-alaman pa umano na mas lalong pinaboran ng Kapitolyo, Police Provincial Office at Police Regional Office MIMAROPA ang lantarang sugal na ito kaysa sa PCSO na rehistrado sa gobyerno.
Lumalabas sa reklamo na isang police colonel ang nagsisilbing tagapangasiwa ng ilegal na sugal sa lalawigang hawak ang mga kabo at kolektor kaya’t patuloy na tinatangkalik ng taumbayan maging ng mga katutubong mangyan dahil sa protektado ng lokal na pamahalaan at kapulisan.
Naniniwala ang ilang sektor na bumabatikos nito na hindi matutuldukan ng kapulisan ang sugal na ito dahil ipinagmamalaki umano ng maimpluwensiyang pulitiko na may basbas umano nina Col Samuel Delorino at Gen. Roger Quesada ang tayaan nito sa kasuluk-sulukan ng lalawigan.
Kaugnay nito, sumingaw rin na itong sina alyas Sgt Hernandez at Sgt Liyag na diumanoy kolektor umano ng intelihensya para sa tanggapan ng S2, R2, PD at RD kung kaya hindi masawata ang naturang sugal ng mga hepe ng kapulisan dahil sa takot na masibak sa tungkulin.
Nananawagan naman ang simbahan at grupong tumutuligsa nito sa Malakanyang at Department of Interior Local Government na imbestigahan ang reklamong ito upang tuluyan nang matigil ang sugal at mapanagot ang ilang opisyal na protektor nito.
Itinanggi naman ng opisina ni Col Delorino at Gen. Quesada na pinahintulutan nila ang anumang uri ng ilegal na sugal sa lalawigan.
Ayon sa opisina ng mga nabanggit na opisyal, patuloy at walang humpay ang kampanya ng kapulisan laban sa anumang uri ng ilegal na gawain sa kanilang nasasakupan.
Subaybayan natin!