Advertisers
HINDI na bagong balita sa atin na may ilan sa ating mga pulis ay nasibak at sinampahan ng kaso matapos silang mahuli na nag-escort ng mga pribadong indibidwal at guma gamit pa ng mga sasakyan ng Philippine National Police sa kanilang mga illegal na aktibidad.
Kamakailan lang ay naging mainit na usapin din ang pag-uutos ni PNP chief, P/Gen. Rommel Francisco Marbil na bawasan ang police security escorts ni Vice President Inday Sara Duterte.
Agad namang inihayag ni Gen. Marbil ang dahilan – kailangang-kailangan ng Metro Manila o National Capital Region (NCR) ang dami ng kapulisan.
Paliwanag pa ni Marbil may tamang koordinasyon naman ang pangyayari. Kinausap niya ang kanilang Police and Security and Protection Group (PSPG) at ang Office of the Vice President (OVP) at ipinaliwanag ang kakulangan ng pulis sa Kamaynilaan.
Nagbabala din ang Mama na na may kalalagyan ang mga pulis na mahuhuling nagmu-moonlighting bilang mga bodyguard o security escort ng mga mayayaman at sikat na indibiduwal o mga very important persons (VIPs).
Ayon kay Marbil, hindi dapat nalilimita sa isang indibidwal o VIP ang pagseserbisyo ng mga pulis.
Hindi rin maaaring magbigay agad ng police escort sa mga taong nangangamba lamang sa kanilang buhay. Wala nga raw “perceived threat” ang sabi ni Gen. Marbil. Threat or no threat lang ang basehan ng pagbibigay ng mga police escort.
Ang mahalaga ay proteksiyon na ibinibigay ng kapulisan sa ‘madlang people’, sa publiko. Pang kalahatan na pag-escort kung baga. Magbantay para sa kasiguruhan ng lahat. Yan ang pag-eescort.
Binigyang-diin ni Marbil ang katapatan sa paglilingkod ng mga pulis ay dapat na nakatuon sa mga Pilipino at hindi sa mga may kakayahang maglabas ng malaking halaga ng pera upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Aniya, ang pulisya ay dapat na handa sa lahat ng oras upang tugunan ang mga pangangailangan at alalahanin ng publiko.
Inilabas ni Marbil ang kautusanna iyan, kasabay ng pagpapakalat ng hindi bababa sa 85 porsiyento ng mga pulis sa mga lansangan at komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng sambayanan.
Giit pa ng PNP chief, mas kailangan ang maraming pulis sa lansangan at hindi sa opisina at hindi rin sa pag-eescort.