Advertisers
SIMULA nitong Martes, Agosto 4 hanggang 14, ay nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Rizal at Laguna.
Tugon ito ng gobyerno sa panawagan ng health workers na bigyan sila ng “timeout” dahil pagod na pagod na raw sila sa walang tigil na pagpasok ng mga pasyente na infected ng coronavirus disease 2019 (COVID ‘19). Puno na raw ang mga hospital, wala nang paglagyan ng pasyente.
Sabi ni Dra. Maricar Limpin, bise presidente ng Philippine College of Physicians, ang hiningi nilang “timeout” ay hindi lamang para mapigil ang mga nahahawaan ng virus kundi para rin makapahinga ang health workers at makapag-isip din ng mga bagong estratehiya ang gobyerno kung paano makontrol ang covid sa bansa, na mula Marso 17 pa nasa ilalim ng community quarantine dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga nahahawaan.
Dahil dito, bawal ulo bumiyahe ang public transportations tulad ng jeepney, taxi, MRT/LRT.
Ang pinaka-kawawa rito ang mga jeepney driver na ilang araw palang nagsimulang bumiyahe. Gutom na naman. Tsk tsl tsk…
Maraming negosyo rin na ilang linggo palang nagbukas matapos ang halos tatlo hanggang apat na buwang sarado tulad ng gyms, parlors at shops ang sarado uli.
Ayon kay Sergio Luis-Ortiz, presidente ng Employers Confederation of the Philippines, 2 to 3 million ang mawawalan uli ng trabaho sa pagbalik-MECQ. At posibleng hindi na makabalik sa trabaho ang mga ito kapag tuluyan nang nagsara ang kanilang mga pinapasukan.
Sabi ni Ortiz, nasa 90% ng business enterprises ay maliliit. Kapag naubusan ito ng puhunan, tiyak mahihirapan nang makakabalik. Mismo!
***
Ang desisyon ng gobyerno na pakinggan ang hirit na timeout ng health workers ay bunga narin ng lumawak na panawagan ng netizens lalo ng mga nagpapapoging politiko na pagpahingahin naman ang mga nurse, duktor at iba pang frontliners sa mga hospital.
Kasabay nito, inaprubahan ni Pangulong Rody Duterte ang hiling ni Health Secretary Francisco Duque na pagkalooban ng P10K risk allowance ang frontliners, bukod sa mga suplay na personal protective equipments (PPEs) para hindi mahawaan ng China virus.
Hindi parin nawala ang yabang ni Duterte. Gawin daw P15K ang allowance ng frontliners. Wish ko lang!
***
Sa pagbalik-ECQ, maging seryoso na tayo rito. Huwag nang lumabas ng bahay para gumala, lalo ang mga bata at matatanda. Ang may importanteng gagawin at may trabaho lang ang puede. Huwag kaligtaan ang pagsuot ng facemask at iwasan ang umpukan. Sa pamamagitan nito, malulusaw natin ang covid. Let’s do it, folks!
***
Sa kanilang miting Linggo ng gabi, binanatan ni Duterte ang barangay officials.
“Kayong barangay captain stop acting like God. Wala na akong respeto sa inyo. Magtrabaho kayo. Ibalik nyo ang honor sa mga tao na nagbigay sa inyo.”
Ang ngitngit na ito ni Digong sa mga barangay captain ay bunga ng natuklasang mga katiwalian sa special amelioration program (SAP).
Pinakakasuhan ni Digong ang barangay officials na nagbulsa ng pondo ng SAP. Tama lang!