Advertisers

Advertisers

Hinalay o Ginahasa?

0 87

Advertisers

Ni Nick Nañgit

TRENDING ang reklamong isinampa sa GMA-7 ng mag-amang sina Niño at Sandro Muhlach laban kina Jojo Nones at Richard Cruz na nasundan pa ng imbestigasyon na ginawa ng NBI at paglabas ng CCTV footage galing sa hotel kung saan ay naganap daw ang paglapastangan sa Sparkle talent na si Sandro.

Ang dalawang personalidad na nabanggit ay mga “independent contractors” daw ng GMA-7. Si Nones ay isang “creative consultant” at “headwriter” ng ilang programa sa estasyon, at si Cruz naman ay isang “headwriter” lamang doon.



Wala pang detalyeng lumalabas hinggil sa nilalaman ng reklamo. Subali’t ipaliliwanag natin ang mga posibilidad at kahihinatnan, lalo pa’t naibalita na na si Sandro ay higit 18 taong gulang na.

Kung may pagkapa o pagsubong naganap, ang mga ito ay maaaring ituring na kahalayan o “acts of lasciviousness” sa ilalim ng ating batas.

Kung may pagpasok sa likuran naman, ito ay panggagahasa o “rape”.

Ang parehong krimen na ito ay may kaakibat na kulong at multa.

Ngayon, kung may pananakot (intimidation) o puwersa (force) pa na ginawa, para matupad ang layunin, mas mataas ang magiging parusa. At kung may ilegal na droga pang ginamit, madadagdagan pa at mas mabigat ang magiging parusa, ayon naman sa ibang batas natin.



Ang mga nabanggit natin ay mga uri ng krimen. Kailangang patunayan nang walang kaduda-duda o “proof beyond reasonable doubt”.

Para makamit ang paghuhusga, sa tanggapan muna ng piskalya o Office of the Prosecutor ihahain ang pormal na Reklamo. Titignan muna kung may basehan nga ba ang reklamong kriminal, ayon sa ilalahad at ebidensyang ipakikita ng nagrereklamo, bago ito isasampa sa korte.

Kung ang reklamo naman ay sibil lamang, deretso na ito sa korte Walang kulong o multang ipapataw kung sakaling mapatutunayang may ginawang hindi kanais-nais, pero hindi katumbas ng krimen. Ang maiuutos lamang ng huwes ay ang pagbabayad ng danyos perwisyos, ayon sa ebidensyang matitibay o “substantial evidence”.

Ano ang magiging silbi ng reklamo sa GMA-7? Internal na usapin lamang ang magiging resulta ng imbestigasyon nito, dahil isang pribadong kumpanya lang ang estasyon.

Kung mapatutunayan mang hindi kanais-nais na ginawa silang dalawa, maaaring mag resulta ito sa pagputol ng kanilang kontrata bilang independent contractors (o paglipat lamang sa ibang programa na hindi na makakasama pa ang talent), o kung sila man ay mga empleyado, maaaring matanggal sila sa trabaho, ayon sa mga alituntunin ng kumpanya at CBA, kung meron man.

Kung hindi mapatutunayan ang ihahain na reklamo o kung sakaling ang umanong biktima ay ang naghikayat pa mismo sa kaganapan, papasok na ang pagsang-ayon o “consent”, at maiiba ang kalalabasan at magiging hatol.

Una, hindi na siya isang menor de edad, at kahit ano pang sabihin ng ama nito sa publiko ay walang timbang ito sa hukuman. Hindi siya maaaring magsampa ng reklamo, dahil hindi naman siya ang biktima. Suportang moral lang ang magagawa niya sa kanyang anak. Subali’t, kapag nasa korte na ang reklamo, may sinusunod na “sub judice rule” na ang ibig sabihin ay hindi na maaaring pag-usapan pa sa labas ng mga pagdinig nito.

Pangalawa, kung walang ilegal na drogang kasama sa reklamo, susubukan ng tanggapan ng ADR na magkaayos na lang ang bawa’t panig.

Ang nangyaring ito ay malamang hindi kagustuhan ng estasyon. Walang pananagutan ito sa personal na mga kaganapan na wala rin namang kaugnayan sa kanilang mga trabaho, kahit pa ba nasa hotel ito kung saan idinaos ang kanilang pinuntahang pagtitipon.

Ang maidadagdag natin ay dahil nasa loob na tayo ng Pluto Rx, nabunyag ang isang lihim na maaari pang magbukas sa paglalahad ng ilan pang nakatagong pagmamalabis at paglalapastangan, kung meron man, sa mga artista at maging sa mga ibang kasama sa likuran ng produksyon.

Bukod diyan, may Saturn Rx din tayo na magdudulot ng karma. Haharapin ng lahat ang epekto ng kanilang mga ikinilos noon at ngayon.

Dahil may Mercury Rx na rin, kailangang mag ingat sa mga sasabihin o ilalahad ang bawa’t isa, dahil nga magkakaroon ito ng mali-maling interpretasyon. Kaakibat ng pabalik na paggalaw ng planetang ito ang kapalpakan sa komunikasyon, gaya ng matunog na pinag-usapang hidwaan ng mag-inang Yulo kung saan ay ang daming marites na sumawsaw.

Yun muna. Ipinararating natin, higit sa lahat, ang ating pagbati sa tagumpay na nakamit ni Carlos Yulo at idinulot sa ating bansa, dahil sa pagkakawagi niya sa kauna-unahang pagkakataon ng dalawang medalyang GINTO sa Paris Olympics, para sa mga larong Men’s Artistic Gymnastics floor exercise at men’s vault, at pati na rin kay Aira Villegas sa kanyang medalyang BRONZE naman, para sa Women’s 50kg Boxing. Mabuhay kayo at ang lahat ng atletang Pilipino na nakalahok sa pinakaprestihiyosong pandaigdigang kompetisyon ng mga pinakamagagaling sa larangan ng isports!

Ang tagumpay ninyo ay tagumpay ng bawa’t Pilipino!

Maraming salamat sa pagbabalik ninyo ng dangal sa ating lahi at pagbibigay inspirasyon sa lahat ng kabataang nais kayong tularan. Nawa’y magbukas ito ng pintuan sa iba pang isports na hindi napapansin, subali’t mas angkop sa ating likas na kagalingan.

Subaybayan ninyo at lumagda sa pahina ng Nickstradamus sa Facebook/Meta at sa magiging bagong channel nito sa YouTube. Ugaliing magpusu-puso at magbigay ng kuru-kuro lagi sa mga posts na hindi lamang masasaya kundi may mga aral ding mapupulot.

Nakapost na ang ilang patikim na bidyos ng konsiyertong musikal na pinamagatang Timeless 2.

Para sa mga taga ibang bansa, maaari ninyo pa ring mapanood ito via online link. May libreng tarot reading pa kayo at makatutulong din kayo ngayong Kapaskuhan sa Hospicio de San Jose. Magmensahe lamang kung paano kay Grace Almazan, at magpadala ng sulatroniko sa ariel1996mermaid@gmail.com. Yan din ang email kung may mga katanungan kayo tungkol sa astrolohiya, crystals, at iba pang uri ng kababalaghan.

Abangan ang inaayos nating bagong channel at website ng Nickstradamus at ang mga serye ng Stories of the Unknown sa 89.5 The Playroom, para mas matuto at matuwa kayo sa mga inihahandog naming paksa, kasama ang chikahan ng maraming OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hanggang sa muli, Light Love and LIfe, lalo na kay R, Namaste!