Advertisers

Advertisers

JOEL CHUA: MATINONG MAMBABATAS

0 44

Advertisers

TANGING si Rep. Joel Chua ng ikatlong distrito ng Maynila ang panauhin sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi. Hindi dumating sa hindi malamang dahilan si Commission on Elections chair George Erwin Garcia. Inimbitahan si Garcia na magbigay ng panghuling ulat sa paghahanda ng Comelec sa 2025 midterm elections.

May dalawang bahagi ang pahayag ni Chua sa mga mamamahayag nang nagpulong sa forum. Sa unang bahagi, hindi nangimi si Chua na bakbakan si Sara Duterte sa uri ng kanyang liderato sa bansa kahit siya ang pangalawang pangulo. Sa ikalawang bahagi, ipinaliwanag niya kung bakit sinusuportahan ng kanyang grupo si Manila Mayor Honey Lacuna sa gitna ng pananakot ni dating Alkalde Isko Moreno na babalik at tatakbong muli bilang meyor.

Tampok sa pagharap ni Chua sa media forum ang isyu ng panukalang budget na P2 bilyon para sa Office of the Vice President (OVP) sa isinumite na panukalang national budget na abot P6.34 trilyon sa 2025. Mukhang malaki ito para sa isang ahensya na wala naman ginagawa. Malaki ito dahil sa malaking security detail para sa pangalawang pangulo, ani Chua.



Binawasan na ang security detail ni Sara pero malaki pa rin dahil abot ito sa 450 katao. Malaki ito para bantayan ang pamilya ni Sara, ani Chua. Kailangan busisiin ito ng Kongreso, aniya. Hindi niya sinabi kung magkano ang ibabawas sa panukalang budget ng OVP.

Kung ikukumpara ito sa budget noong si Leni Robredo ang pangalawang pangulo, malaki ang pagkakaiba. Mahigit sa P700 milyon ang budget ng OVP noong 2022 kahit marami itong ginawa upang harapin ang masamang epekto ng lockdown ni Gongdi. Ngayon, walang ginagawa ang OVP. Wala rin itong proyektong inihaharap sa bayan.

Nilinaw ni Chua na pareho hindi niya kilalang personal si BBM at Sara, ngunit ipinaliwanag niya na ang kanyang paninindigan ay upang kalusin ang pagiging abusado sa poder. Naunang tumutol si Chua sa hindi mabisang liderato sa Deped at hiningi niya ang agarang pagbibitiw ni Sara. Lumipas ang dalawang buwan at tuluyang nagbitiw si Sara.

Sa isyu ng halalang lokal sa Maynila, nilinaw ni Chua na mas pinapaboran ng mas malaking paksyon nila ang kandidatura ni Lacuna. “Iyan kasi ang tama,” aniya. Inakusahan niya ng kataksilan si Isko dahil madalas niyang sabihin na hindi siya tatakbo bilang alkalde sa 2025. Ngunit kamakailan, sinabi niya na plano niyang labanan si Lacuna.
***
BINUO noong Lunes ng hapon ang QuadCom sa Camara de Representante upang siyasatin ng pinagkaisang malaking komite ang mga kabalbalan at kapalpakan ng administrasyon ni Gongdi. Binubuo ang QuadCom ng mga committee on dangerous drugs na pinamumunuan ni Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao de Sur; committee on public order and safety ni Rep. Dan Fernandez, committee on human rights ni Rep. Bienvenido Abante, at committee on public accounts ni Rep. Joseph Paduano ng Davao City.

Batay sa mga paunang pahayag ng apat na co-chair ng QuadCom, nanganganib na madidiin si Gongdi sa mga hindi mabilang na krimen ng kanyang administrasyon. Magkaka-ugnay sa isang konteksto ang mga krimen na iyan. Kasama ang mga maramihang pagpatay kaugnay sa war on drugs at mga krimen sa operasyon ng mga POGO sa bansa.



Ipinaalala ni Barbers na huwad ang madugo pero bigong war on drugs ni Duterte dahil mas lalong dumami ang ilegal na droga kahit maraming patayan noon. Ipinaliwanag ni Rep. Dong Gonzales, ang mambabatas na kumakatawan sa distrito ng Pampanga kung saan nasabat ang P3.4 bilyon ng shabu kamakailan, na may mga Chinese national na nakakuha ng mga pekeng dokumento upang magpanggap na Filipino. Sila ang mga namili ng mga lupa sa Pampanga upang gamitin sa operasyon ng POGO.

Ayon kay Abante, walang opisyal ng PNP ang naharap sa anumang asunto sa husgado kahit mahigit 20,000 ang bilang ng mga napatay noong panahon ni Gongdi. Si Gongdi ang may pananagutan sa mga EJKs, aniya. Siya ang may utos na gawin iyon ng mga pulis, aniya.

Nagdesisyon ang bagong tatag na supercommittee na gawin sa Biyernes ng umaga ang onsite public hearing sa bayan ng Bacolor sa Pampamga. Nagdesisyon rin sila na ipatupad ang rules and procedures ng Camara sa public hearing.

Nakikita namin na iniumang na ang Kongreso ang mga paghahanda sa paghabol kay Gongdi sa mga krimen ng kanyang gobyerno. Kasama na ang sakdal na crimes against humanity na isinampa nina Sonny Trillanes sa International Criminal Court (ICC). Si Ispiker Martin Romualdez ang may initiative na mabuo ang supercommittee.
***
HINDI namin alam kung ano ang paninindigan ni Alfonso Tengco, chair at CEO ng Pagcor, sa sinabi ni Kin. Jinky Luistro sa isang pagdinig ng Camara de Representante na labag sa Saligang Batas ang online gambling. Walang sinabi na sakop ang online gambling sa ilalim ng Executive Order 13 na pinirmahan at inisyu ni Gongdi.

Mukhang hindi rin alam ni Alfonso Tengco ang mandato ng kanyang opisina sa ilalim ng EO 13. Hinihintay namin ang kanyang sagot at paninindigan sa sinabi ni Luistro. Mukhang totohanan na tatanggalin ng ganap ang lahat ng kompanyang POGO sa bansa. Wala kasi silang legal mandate. Hindi ba Alfonso Tengco?
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN:
“Maniniwala ako sa ina ni Carlos Yulo kapag sinabi niya sa publiko na kahit bigyan siya ni Caloy ng balato, hindi niya tatanggapin.” – Choly Maalab, netizen

“Sabi ni Bong Go, rehashed umano ang demanda ni Sonny Trillanes. Sagutin na lang ninyo ang bintang sa husgado.” – George Medina, netizen

***

Email:bootsfra@gmail.com