Advertisers
TULUYAN naring nilaglag ni dating Pangulo Rody Duterte si Senador Francis “Tol” Tolentino, matapos na kumalas ang senador sa partido ng una na PDP-Laban.
Sa kanyang pagsasalita sa isang programa sa Davao City, ipinagsigawan ni Digong na hindi niya na susuportahan ang reelection bid ni Tol.
“Kung tatanungin mo ako ngayon kung susuporta ako sa kaniya o hindi, eh iniwan niya kami, eh ‘di iiwan ko rin siya…. ako naman, ang laro na ito, iniwan mo ako, eh bakit kita susuportahan,” bira ni Digong sa programang “Bawat Dabawenyo” noong Lunes, Agosto 12.
Kumalas si Tol sa PDP Laban matapos pagsabihan ni Sen. Robin Padilla na mag-resign ito sa partido.
Kung anong rason bakit siya pinagre-resign ni Padilla, sila nalang ang nakakaalam.
Sa panayam kay Tol, sinabi niyang kaya siya lumayas sa kampo ng partido nina Digong ay dahil magkaiba ang kanilang damdamin sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Pero para sa mga political analyst, kaya kumalas si Tol sa partido nina Digong ay dahil nararamdaman niyang wala nang panalo ang Duterte sa darating na 2025 midterm election. Aray ko!
Sa ganang akin, tama ang ginawa ni Tol na umagwat na sa kampo ni Digong nyo. Una, matalino at matino siyang tao para manatili sa kampo ng mga payaso. Pangalawa, pabagsak na ang Duterte.
Wise move, Tol!
***
Tahasang sinabi ni retired Supreme Court Sr. Associate Justice Antonio Carpio na malapit nang mag-isyu ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulo Digong Duterte kaugnay sa imbestigasyon nito sa madugong “drug war” ng nakaraang administrasyon.
Aniya, unti-unti nang lumilinaw ang koneksyon ni Digong sa iba’t ibang isyu kabilang na ang kontrobersiyal na Pharmally, mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang kaugnayan niya sa “drug lord” na si Michael Yang.
“We’re getting a clearer picture of what happened for the past six years,” diin ni Carpio
Si Carpio ang founder ng 1Sambayan, ang united democratic forces for good governance na nagsulong sa kandidatura sa pagkapangulo ni dating Vice President Leni Robredo.
***
Sinabihan ni dating vice presidential spokesperson Atty. Barry Gutierrez si dating Pangulo “Digong” Duterte na “DUWAG” matapos igiit ng huli na walang jurisdiction sa kanya ang ICC.
Halos patapos na kasi ang imbestigasyon ng ICC sa “drug war” ng nakaraang Duterte administration kungsaan sinasabing mahigit 30,000 indibidwal na umano’y sangkot sa iligal na droga ang pinatay. Nasa proseso na nga raw ito ng pag-isyu ng arrest warrant. Araguy!!!
Ang Pilipinas, sa ilalim ng Duterte administration, ay kumalas sa ICC nang simulan ng huli ang pag-imbestiga sa war on drugs.
“Duwag!”, post ni Gutierrez sa X.
***
Pinupuna ng marami ang grabeng pananahimik ni Vice President Sara Duterte sa mga pinaggagawa ng China laban sa mga Pinoy sa West Philippine Sea.
Kung bakit raw hindi manlang narinig si Sara na punain ang mga pangha-harass ng Chinese military at China Coast Guard (CCG) sa mga barko ng ating Philippine Coast Guard at aircraft ng Philippine Air Force.
Maging ang panghaharang ng CCG sa ating mga mangingisda ay dedma lang si Sara.
Maging sa isyu ng mga iligal na POGO ay tameme rin si Sara. Why oh why???