Advertisers

Advertisers

Partylists sa Kongreso lusawin lahat!

0 465

Advertisers

SA matinding isyu ngayon ng paglusaw sa ‘Makabayan Bloc’ sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, hindi lang dapat mga militanteng partylist ang buwagin kundi maging ang mga partylist na wala naman talagang kabuluhan. Lusawin nang lahat!

Ang Makaban Bloc, partylist groups ng Bayan Muna, Gabriela, Kabataan at ACT Teachers ay pinamumunuan ng mga militanteng mambabatas na kadalasan ay kontra sa mga programa ng gobierno. Inaakusahan silang kasapi ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ang Bayan Muna Partylist ay kasalukuyang kinakatawan sa House of Representatives o Kamara nina Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat; France Castro sa ACT Teachers; Sarah Elago sa Kabataan; at Arlene Brosas sa Gabriela.



Ang mga militanteng grupong ito ang madalas makitang nagsisigaw sa kalye, sa harap ng Palasyo ng Malakanyang, sa mga gusali ng govt. agency, at sa embahada ng Amerika sa tuwing may disguto sila sa programa ng gobierno ng Pilipinas.

Mula pa panahon ng diktaduryang Marcos ay nandiyan na sila… “nanggugulo” sa gobierno.

Sila ngayon ay subject ng “red tagging” ng militar. Pero sabi ni Pangulong Rody Duterte na dating “bespren” ng NPA sa Davao, hindi na dapat nire-red tag ang mga nabanggit kong partylist groups dahil komunista naman talaga ang mga ito, NPA raw talaga!

Kaya ang hirit ng gobierno sa COMELEC ay i-disqualiy na sa darating na eleksyon itong Bayan Muna, ACT Teachers, Gabriela at Kabataan partylists dahil kalaban daw ito ng gobierno na ang tanging rason ng pagpasok sa Kongreso ay ibagsak ang pamahalaan ng Pilipinas.

Sa ganang akin, malaki rin naman ang naitutulong sa taong gobierno ng nabanggit na partylist groups. Sila ang nagbubunyag sa publiko sa mga maling hakbang ng ating mga lider. Sila ang pumupuna sa hindi parehas na trato ng administrasyon sa mamamayan. Sila ang nagsisigaw kung pinagloloko na tayo ng administrasyon. Sa madali’t salita malaking tulong rin sila para maging matuwid ang gobierno. Pag nilusaw ang grupong ito, sino pa ang magsisigaw sa kalye para ibunyag ang maling gawain ng administrasyon?



Itong ibang partylist tulad ng Ako Bikol, Kalusugan, 1Pakman, Ang Probinsiyano, Duterte Youth, etc…, ano ang pakinabang ng mga mamamayan dito? Eh karamihan sa kumakatawan sa mga ito ay mga negosyante, may mga personal na interes, sunud-sunuran lang sa gobierno kahit mali ang direksyon dahil ang mahalaga sa kanila ay maprotektahan ang kanilang negosyo at matawag silang mambabatas o “Cong!” Mismo!

Sa totoo lang, mga pare’t mare, waste of taxpayers money lang itong partylists sa Kongreso. Mantakin mo, wala silang constituents pero may pork barrel na P70 million? a year!

Eh mayroon naman tayong district congressman at senador, bakit pa maglalagay ng partylist representatives na dagdag budget lang sa gobierno?

Kaya kung lulusawin itong Makabayan Bloc, aba’y buwagin nang lahat ang partylists. Alisin nalang ito sa ating Saligang Batas. Mismo!

Oo nga pala… nagtataka ako rito sa Office of the Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP). Binuking ng CoA na nagkaroon ito ng P53 million unliquidated cash advances. Paano nangyari ito eh matagal nang pinahinto ni Pangulong Duterte ang peace process? Ano ito, hindi nagtatrabaho pero kumukubra sa pera ng publiko? Tsk!