Advertisers
ANG Bureau of Quarantine (BOQ) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang Manila International Airport Authority (MIAA) ay labis na nababahala tungkol sa nakamamatay na variant ng mpox na kailangang matukoy bago ang pagdating sa paliparan.
Sinabi nI MIAA General Manager Eric Ines, susuportahan nila ang BOQ sa pamamagitan ng mga pasilidad, ambulansya o mga medical personnel kung kinakailangan para tumulong.
Kaugnay nito, isinama ang BOQ sa electronic travel (etravel) na pupunuan ng mga papasok na dayuhang manlalakbay kabilang ang mga Pilipinong aalis at darating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang malalaking paliparan sa bansa upang maiwasan ang pagpasok ng isang nakamamatay na variant ng mpox mula sa ibang bansa, sinabi ng Department of Health (DOH) noong Huwebes.
Ang eTravel form ay isang online documents na nangangailangan sa mga International travelers na mag-fill up bago dumating sa mga paliparan habang ang mga Pilipino ay kailangang mag-fill up bago umalis at dumating sa bansa.
Sinabi ng DOH na dapat suriin ng mga manlalakbay ang “yes/No” kapag tinanong kung sila ay may sakit sa nakalipas na 30 araw, ang mga pantal, vesicles, o paltos ay kabilang sa drop-down list na mga sintomas ng mpox. Kasama sa iba pang karaniwang sintomas ng mpox ang lagnat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, sakit ng ulo, mababang enerhiya, at namamagang lymph.
Hiniling ng Bureau of Quarantine sa paliparan na maging tapat ang mga manlalakbay sa pagsagot sa mga tanong na kasama sa etravel upang malaman ang kasaysayan ng manlalakbay bago dumating sa mga paliparan.
Ang manlalakbay ay tinutukoy na mula sa isang bansang nakalista ng World Health Organization (WHO) bilang isang outbreak area, o mayroon silang kasaysayan ng pagkakalantad sa kaso ng mpox, o mayroon silang anumang mga palatandaan/sintomas, ang etravel.gov.ph system ay “alerto” ang Bureau of Immigration at Bureau of Quarantine sa paliparan para sa mga kinakailangang hakbang o i-refer sa isang akreditadong ospital para sa paggamot.
Sinabi ng WHO na ang highly transmissible Clade 1b strain ng virus ay pumatay ng daan-daang tao sa Democratic Republic of Congo at natukoy din sa Burundi, Kenya, Rwanda, Uganda, at Sweden.
Ang Pilipinas ay may natukoy na 14 na kaso ng mpox mula noong 2022, na may 5 aktibong kaso. Sinabi ng DOH na ang mga lokal na kaso ng mpox ay ang mas banayad na variant ng Clade 2. (JOJO SADIWA)