Advertisers
Ni Blessie Cirera
HINDI naitago ni Jericho Rosales ang narararamdaman kay Janine Gutierrez sa special screening/media conference ng teleserye ng ABS-CBN na Lavender Fields sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin at prinudyus ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment.
Panay ang nakaw na tingin niya sa dalaga at sa mga tuksuhan ay sakay na sakay ang aktor. Panay din ang tawa ni Echo habang nakatingin kay Janine kaya hindi rin matigil ang tukso sa kanila.
Natanong pa si Janine kung saang bulaklak niya ihahalintulad ang sarili na sinagot niya ng sunflower.
Sey naman ni Echo na sunflower daw ang favorite flower niya na nagbunsod ng masigabong tawanan at palakpakan mula sa audience.
Sabi pa ni Echo, gigil na gigil umano siya kay Janine na nagdulot pa ng biruan sa pagitan nila.
Samantala, inamin ni Janine na nanibago anya siya sa pagganap bilang kontrabida ng bidang si Jodi Sta Maria sa Lavender Fields.
Natakot anya siya na kamuhian ng mga manunuod ng serye kaya nung una ay ayaw niya itong gawin,
Nagpaturo pa raw si Janine kay Dimples Romana kung paano maging isang kontrabida na ginawa naman nito.
Maliban kina Janine at Jericho, nasa Lavender Fields din sina Jodi, Albert Martinez, Edu Manzano, Jolina Magdangal, Lotlot de Leon at Ms. Maricel Soriano.
Palabas na ang Lavender Fields sa Netflix sa August 30 at ngayong Sept 2 naman, 8:45 ng gabi matapos ang Batang Quiapo sa A2Z, TV5 at Kapamilya Channel.
***
TAGUMPAY ang idinaos na movie premiere ng pelikulang Mamay: A Journey to Greatness, The Marcos Mamay Story, Martes ng gabi sa SM Megamall Cinema 1.
Tunay na buhay ito ni Nunungan, Lanao del Norte Mayor Marcos Mamay at pinagbidahan ito nina Jeric Raval, Ara Mina,TJ Marquez, Victor Neri, Julio Diaz, Polo Ravales, Sabrina M, Devon Seron at marami pang iba.
Ang biopic ni Mayor Mamay ay ukol sa pag-ahon niya upang maging isang lider ng kanyang komunidad.
Pinakita sa movie ang mga paghihirap at pagsubok na nagbunga ng kanyang tagumpay sa buhay.
Itinaas din ng alkalde ang kanyang pelikula na nagsasabi na ang kagutuman ay hindi hadlang para magtagumpay sa buhay.
Sey ni Mayor Mamay, “This is a very inspiring movie. I want people, especially those who belong to the marginalized sector, to know that there is always hope and opportunities to reach your dreams if you focus all your energies on it.
Dagdag pa ng alkalde, “Kailangan din na magsumikap ka para maabot ang anumang pangarap mo.
Pinagmamalaki naman ni Jeric na sa edad niya ay nagbida pa siya sa nasabing pelikula na kapupulutan anya ng aral ng lahat. Happy rin ang beteranong aktor na nagampanan niya nang maayos ang role niya bilang Mayor Mamay.
“I am honored na ako ang napili ni Mayor Mamay na gumanap bilang siya sa pelikulang ito. Hanga ako sa mga pinagdaanan ni Mayor. Truly inspiring,” lahad pa ni Jeric.