Advertisers
INANUNSYO ni Ako Bicol Representative Raul Angelo Bongalon na ang pagpaliban ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa deliberasyon ng panukalang 2025 budget para sa Office of the Vice President (OVP) ay nagpapakita lamang ng malinaw na kawalan ng interes niya sa kanyang mga responsibilidad bilang pangalawang pinakamataas na opisyal sa bansa.
Aniya, kung hindi interesado si VP Sara sa kanyang tungkulin bilang Bise Presdente, makabubuti na magbitiw nalang ito sa puwesto.
Bago ito, sinabi ni House Appropriations Committee chairman Zaldy Co na si VP Sara ay tamad, hindi pumapasok sa opisina nung DepEd Secretary ito kaya puros red flag ang pinaggagastusan ng naging budget nito sa Commission on Audit (CoA).
Si VP Sara ay nag-iwan ng sangkatutak na problema sa DepEd nang magbitiw ito noong Hunyo ng taon.
Binusisi ng House Quad Committee ang mga pinaggagastusan ni VP Sara sa DepEd ngunit wala itong ginawang paliwanag.
Tumanggi rin si VP Sara na magpaliwanag kung paano niya nalustay sa loob ng 11 araw ang P125 million intelligence fund noong 2022.
Ayaw rin niyang magpaliwanag kung saan gagastusin ang hinihingi niyang mahigit P2 billion na pondo para sa kanyang tanggapan sa 2025.
At ngayon nga ay humirit itong si VP sara na ipagpaliban ang deliberasyon ng panukalang 2025 budget ng OVP. Very bad!
Kaya tama itong hamon sa kanya ni Rep. Bongalon: Mag-resign nalang si VP Sara sa kanyang tungkulin. Hindi siya bagay maging pangalawang pangulo ng bansa lalo na siguro sa pagka-pangulo sa 2028. Mismo!
***
Congratulations!!! Major General Nicolas Torre lll.
Aba’y na-promote sa pagiging 2-star General si Torre at hahawakan niya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kapalit ni Maj. General Leo Francisco.
Si Torre ang nanguna sa pagtugis sa puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOCJ) na si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa patong patong na kaso na walang piyansa sa mga korte sa bansa at sa Estados Unidos.
Si Torre ang heneral na sinabihan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na kanyang sasampalin dahil sa mga naging aksyon ng una na palitan lahat ng pulis sa lungsod.
Sa pagkatalaga kay Torre as CIDG Chief, ang unang misyon niya ay hanapin ang puganteng dating presidential spokesman ni former President Rody Duterte na si Harry Roque.
Si Roque ay pinaaaresto ng Senado dahil sa paulit-ulit niyang hindi pagdalo sa mga pagdinig at pagtanggi na ibigay ang mga dokumento na hinihingi ng ilang senador na nauna na niyang ipinangakong ibibigay.
Isa pa sa mga kailangang tugisin ni Torre ay ang dating presidential economic adviser ni Digong na si Michael Yang, na pinaaaresto rin ng Senado dahil sa mga kinasasangkutan nitong mga isyu tulad ng iligal na droga, POGO hubs at Pharmally scam.
Goodluck, Major. General Torre. Mabuhay ka!!!
***
Ipinahayag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na hinihingi na ng Estados Unidos ang ulo ni Pastor Apollo Quiboloy.
Si Quiboloy ay nahaharap sa maraming kasong kriminal sa Amerika. Wanted siya sa Federal Bureau of Investigation (FBI).
Pero ayon kay Romualdez, kailangan munang harapin ni Quiboloy ang mga kinakaharap na kaso sa dalawang korte sa bansa, sa Pasig RTC at Quezon City RTC, sa mga kasong rape, at qualified human trafficking.
Ang mga kasong ito ay ‘no bail’.