Advertisers

Advertisers

OVP BUDGET NANGANGANIB SA SENADO

0 43

Advertisers

HINDI natapos ang isyu ng panukalang budget ng OVP. Kahit sa Senado, nanganganib ito na tapyasin pa. Kahit binawasan ng Camara de Representante sa P733 milyon ang panukalang budget na P2.037 bilyon ng OVP na isinumite ng DBM sa Kongreso, maaari pa itong bawasan, kung pakikinggan ang salita ni Sen. Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Sherwin, maaari pa ibahin ng Senado ang desisyon ng Camara. Malamang lumipat sa bicameral committee ang labanan sa pagtatakda ng pinal na budget ng OVP. Hindi katanggap-tanggap, ani Gatchalian, na magkaroon ng malaking budget ang OVP. Hindi trabaho ng OVP na mamudmod ng salapi ng sambayanan. Hindi rin nito tungkulin ang pagmamanman ng malayang mamamayan dahil sa isyu ng pambansang seguridad. Hindi ito trabaho ng OVP.

Titingnan ng Senado kung ano ang itinaguyod ni Sara Duterte na mga simulain bilang batayan ng budget ng itinakda ng Senado para sa OVP, ayon kay Sherwin. Pakikinggan ang paliwanag pero hindi nangangahulugan, papaniwalaan ng Senado, aniya.



***

MAGIGING matinding isyu sa susunod na halalan ang kabiguan ng Kongreso na magpasa ng isang batas kontra sa dinastiya pulitikal sa bansa. Galit ang sambayanan sa mga pamilyang pulitikal na sa kanilang paniwala ay tanging pansariling interes lang ang dala. Ang pagbatikos sa mga dinastiyang pulitikal ang itataguyod ng Makabayan Bloc na naghaharap ng 11-katao kandidato sa senador.

Inaasahan ang tuligsa sa mga malalaking pamilyang pulitikal na walang na trabaho sa kanilang kasapi at kamag-anak kundi tumakbo sa bawal halalan. Ipinagbabawal ng Saligang Batas ang dinastiya pulitikal ngunit binigyan ng poder ang Kongreso upang magpasa ng batas na magbibigay liwanag kung ano ang dinastiya pulitikal.

***

PABAGSAK ang popularidad ng tatlong kilalang malapit kay Gongdi. Habang paiinit na ang paghahanda sa 2025 midterm elections, nanganganib na hindi muling mahalal sina Bong Go, Bato dela Rosa, at Francis Tolentino. Nasa dakong ibaba mula pang-11 hanggang 17 sina Bong Go, Bato, at Francis. Hindi kinikilala ng mga botante ang kanilang pagiging malapit kay Gongdi. Laos na si Gongdi.



Palakas ang tsansa ni Bam Aquino at Kiko Pangilinan ng Liberal Party na tipong umangat sa survey. May pag-asa ang kandidatura ni Kins. France Castro at Arlene Brosas, at Teddy Casino ng Makabayan Bloc. Umingay rin ang kandidatura nina Luke Espiritu at Sonny Matula.

***

WALANG hadlang upang dakpin at ikulong si Harry Roque, ang dating tagapagsalita ni Gongdi, na inorder ng nag-iimbestigang QuadComm na dakpin dahil sa pagtangging humarap sa Camara de Representante. Tumanggi ang Korte Suprema na magbigay ng writ of amparo na hiningi ng mga anak ni Roque na ibigay sa kanya upang hindi na siya siyasatin.

Mistulang fixer ng mga kompanyang POGO ang papel ngayon ni Roque. Itinatangggi niya ang anumang papel sa mga POGO. Hindi siya pinaniniwalaan dahil maraming ebidensiya ang nagpakita na may malaking papel si Roque.

***

MAY mga nagsasabing tila sumosobra na ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa kanilang mga imbestigasyon. Ang mga pagdinig na ito, na dapat sana’y “in aid of legislation,” ay tila nawawala na sa tamang konteksto at sa halip na makatulong, nagiging sanhi ng kahihiyan at kaguluhan sa bansa.

Marami talagang nakakahiyang eksena sa nasabing mga pagdinig – hindi lang para sa mga iniimbestigahan kundi pati na rin sa mga nag-iimbestiga. Sino ba ang hindi sasakit ang ulo at mapapailing nang alukin ni Manila Rep. Benny Abante si Alice Guo ng hopia noong nakaraang linggo? At nang tumanggi si Guo, binulalas ni Abante na: “Chinese ka, hindi ka kumakain ng hopia?” Isang eksenang tila wala sa lugar sa isang seryosong imbestigasyon, kaya hindi nakakapagtaka na marami ang nadismaya.

Ikinagulat at ikinabigla naman ni dating Senadora Nikki Coseteng na isang Chinoy, ang magulo at tila telenovelang mga pagdinig sa Kongreso at Senado. “Hindi ako tutol sa hearing. At hindi ko inaatake ang Kongreso. Bahagi ako ng institusyong ito noon. Pero ang nangyayari, nagiging katawa-tawa na tayo sa mata ng buong mundo. At ang text sa akin ng mga kaibigan sa abroad ay bastos!” Paano nga ba tayo igagalang ng ibang bansa kung mismong tayo ang nagpapakita ng kawalan ng tamang pamumuno at disiplina?

Ang mga ganitong eksena ay sintomas ng mas malalim na problema: Ang kakulangan ng mga lider na may malinaw na panuntunan at kakayahang ipatupad ito. Noong mga nakaraang henerasyon, may mga lider na kayang magtakda ng mga hangganan at magbigay ng nararapat na parusa. Pero ngayon, imbes na seryosong tutukan ang mga isyu, nagiging oportunidad pa ito para sa ilang mambabatas na magpasikat o magpakitang-gilas. Hindi maiiwasang isipin na malapit na ang eleksyon at tila libreng exposure ang mga ganitong hearing.

Dagdag ni Coseteng: “Kauuwi ko lang mula ibang bansa, at sa lahat ng nakausap ko, pinagtatawanan ang Pilipinas. It’s an embarrassment. Ang dapat na hinahabol ng mga awtoridad ay hindi sila Alice Guo, Cassandra Ong, et al., dahil malinaw na mga instrumento, kasangkapan, at sangkalan lamang sila. Dapat habulin ng gobyerno ang mga kawani nito na sangkot sa mga ganitong operasyon at alamin kung sino ba talaga ang utak at mga taong nasa likod nito.” Hindi kandidato sa anumang posisyon si Coseteng.

Sa naturan ding mga pagdinig, may mga tanong na parang lumihis na sa isyu at humantong pa sa mga personal na usapin. Ang ilang mambabatas ay nagiging malaswa pa sa kanilang mga tanong na para ka lang nanonood ng “soap opera” na hindi na akma sa isang seryosong pagdinig.

Kung aasahan nating gumulong ang hustisya sa Pilipinas tulad ng dati, baka isang henerasyon pa ang lumipas bago lumabas ang buong katotohanan at maparusahan ang mga tunay na may sala. Kahit pa may sapat na ebidensya para patunayang nagkasala ang mga sangkot, ang ating sistema ng hustisya ay patuloy na naaapektuhan ng pulitika, negosyo, at maging ng impluwensya ng mga relihiyosong grupo.

***

MGA PILING SALITA: “I am explicitly campaigning against Pia Cayetano, Camille Villar, and Erwin Tulfo. Allan Peter Cayetano, Mark Villar, and Raffy Tulfo are still in the Senate. Hindi family affair ang Senado. Ipakita natin sa kanila na hindi okay sa taumbayan ito. No to family dynasties!” – Dino Singson de Leon, netizen, kritiko