Advertisers
Hindi na talaga nagbabago ang estilo ng mga trapong politiko sa Lungsod ng Maynila. Gagawin ang lahat ng maruming taktika para matiyak ang panalo sa halalan.
Mantakin niyo hindi pa man nagsisimula ang kampanya, panlalamang na sa makakalaban ang ginagawa.
Tulad na lang ng masamang karanasan ni businessman Joseph Lumbad na tatakbong kongresista sa ika-2 distrito o Tondo Dos ng Maynila sa kamay ng mga trapo.
Si Mr. Lumbad ay malinis na negosyante, walang inaabuso at tinatapakang tao bukod sa matulungin sa kanyang mga kalugar sa Tondo.
Palibhasa’y lumaki sa hirap at nagsumikap kaya lumaki nang husto, batid ni Lumbad ang pangangailangan ng kanyang mga ka-Tondo dahilan kung bakit hinila pumasok na rin sa politika, sa pagiging kongresista ng lugar na kinalakihan.
Kung tutuusin, hindi naman niya kailangang maging politiko upang makatulong sa bayan, lalo sa kanyang mga ka-Tondo. Matagal na niya ito ginagawa kahit sa simpleng paraan at halos walang nakaaalam.
Ngunit ano ang magagawa niya kung ito ang isinisigaw at nais sa kanya ng mga tao? Mga tao na sawang-sawa na sa trapo nilang kongresman na pulos pangako lang daw ang alam.
Panahon na raw upang mapalitan ang mga trapo ng bago, bata at may mas magandang pangarap para sa mga taga-Distrito 2 ng Tondo sa katauhan ni Joseph Lumbad o JL.
Kaya nga heto, kinakabahan at nanginginig na sa takot ang makakatunggali ni Tol Joseph sa congressional race. Mantakin n’yo naman, filing pa lang ng candidacy e, binaboy na agad nila si Joseph.
May idaraos sanang mini-concert at thanksgiving si Joseph Lumbad sa kalye ng Moriones kamakalawa, kasabay ng paghahain niya ng kandidatura, ngunit binalasubas ito ng mga taga-city hall.
Binawalan ng city hall ang mini-concert ni Lumbad kung kailan marami nang tao sa area dahil wala raw itong permit. Malaki itong kasinungalingan dahil ilang linggo bago ang mini-concert ay humingi na ng permit ang grupo ni JL sa city hall.
Nabitin tuloy ang mga taga-Tondo hindi lang sa pakikinig ng rakrakan ng malalaking personalidad sa music industry, kundi maging sa ilalatag na plataporma ni Lumbad.
At siyempre, galit na galit sila sa mga halimaw na trapo sa Maynila dahil ngayon pa lang ay gumagawa na sila ng “dirty tricks” para lang manatili sa poder.