Advertisers

Advertisers

QUADCOMM TULOY-TULOY ANG PUBLIC HEARING

0 37

Advertisers

HINDI pa tapos ang public hearing ng QuadComm sa Camara de Representante. Magkakaroon ito ng pagdinig sa ika-8 ng Oktubre at maaaring dalawang pagdinig ang idadaos sa buwan na ito, ayon kay Surigao del Norte Kin. Robert Ace Barbers, ang presiding officer ng QuadComm.

Hindi makakawala sa detensyon sina Col. Royina Garma, dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Col. Edilberto Leonardo, commissioner ng National Police Commission (Napolcom). Parehong silang idineklara “in contempt” ng Quadcomm at nakadetine dahil sa “pagsisinungaling,” ani Barbers.

Binubuo ng apat na komite sa Camara ang QuadComm: illegal drugs, public order and safety, human rights; at public accounts. Tinatalakay ng QuadComm ang mga iniwang pamana ng administrasyong Duterte kay BBM tulad ng maramihang patayan, o EJK, sa ilalim ng madugo pero bigong giyera kontra droga, paglago ng POGO, at mga krimen ni Gongdi.



Inamin ni Barbers na gusto na sana na tapusin ng Quadcomm ang public hearing bago nagdaos ng recess ang Kongreso noong katapusan ng Septiyembre, ngunit hindi ito posible dahil may sumulpot na mga isyu kaugnay sa mandando ng Quadcomm, ani Barbers. Walang itinakdang panahon si Barbers kung hanggang kailan tatagal ang pagdinig ng Quadcomm.

Tutuloy ito hanggang may mga lumalabas na isyu, ani Barbers. Inamin ni Barbers na patuloy na didinggin ang mga kumpisal na naglalabasang saksi. Hindi ito inakala ng QuadComm, aniya. Wala ito sa plano, aniya.

Namangha ang QuadComm nang lumabas si Lt. Col. Santi Mendoza at ikumpisal sa harap ng bansa na kasama siya sa mga nagplano at nagpatupad ng pagpatay kay Brig. Gen. Wesley Barayuga, dating board secretary ng PCSO na nakaalitan umano ni Garma. Itinuro ni Mendoza si Garma at Leonardo na pangunahing suspect sa pagpaslang kay Barayuga.
***
HUWAG maniniwala sa mga survey. Hindi ito ang magdidikta kung sino ang mananalo sa mga kandidatong senador sa 2025. Mayroon pang kampanya at dito nakasasalay kung paano hahabol ang mga naiwan sa survey at manalo.

Nararamdaman namin ang matinding galit ng mga botante sa usapin ng pangingibabaw ng mga pamilyang pulitika o dinastiya sa ating pulitika. Hindi sila natutuwa sa pagkakaroon ng magkapatid at mag-ina sa Senado at kahit sa Camara at pamahalaang lokal. Lubusan nasasakal ang sambayanan sa mga dinastiya.

Ipinagbabawal ng Konstitusyon ang mga political dynasty ngunit hindi nagpasa ang Kongreso ng enabling law upang bigyan ng laman at lakas ang probisyon kontra dinastiya. Hindi ito maipatupad sa mahigit na 30 taon mula ng ipatupad ang Saligang Batas.
***
HINDI namin alam kung paano iimpluwensiyahan ni Sara ang halalan para sa Senado at Camara. Hindi namin nakikita na may impluwensiya pa siya maliban kung bubuhos siya ng salapi sa mga pinapaboran niyang kandidato. Hindi na malakas ang kanyang hatak at kamandag upang panaluin ang mga napiling kandidato. Bistado na siya



Wala na siyang confidential fund na pagkukuhanan ng salaping pang-ayos sa mga kandidato. Bistado na rin na malaki ang kahinaan ni Sara sa maraming usapin sa bayan. Hindi siya magaling. Walang itinatagong galing, ayon sa mga tagamasid.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “We oppose the new VAT on digital services which will only be passed on to consumers. In a time of severe economic crisis, and amid widespread corruption and misuse of public funds, any new taxes on the people is simply unconscionable. Pabigat sa tao.” – Renato Reyes,Bayan

“NAGMADALI si Francis Tolentino noong Martes sa pagsumite ng CoC sa halalan ng 2025. Malas at nasabay siya sa mga nuisance bets.” – PL, netizen, kritiko
***
NATAWA kami nang supalpalin ni Barbers si Harry Roque, ang kinasusuklaman manananggol ng karapatang pantao na bumaligtad upang hagkan ng tuluyan at ipagtanggol ang madugo pero bigong giyera kontra droga ni Gongdi. Hindi ka malaking tao, ani Barbers bilang sagot sa pahayag ni Roque na inaapi siya umano ng QuadComm.

Paraan ito ni Barbers upang ibalik sa lupa si Roque na ang pakiwari sa sarili ay malaking tao siya upang pagtulungan ng mga mambabatas na bumubuo sa QuadComm. Sa totoo, hindi ganap na sineseryoso ng QuadComm si Roque dahil wala silang natitirang bilib at paghanga sa kanya. Mababa ang tingin sa kanya.

Mahilig si Roque na bumilib sa sarili. Ito ang problema sa pagkatao ni Roque. Dahil bilib sa saril, mahilig mang-api. Hindi nakakalimutan ng maraming netizen ang ginawa niyang pag-aapi kay Leila de Lima noong siya ang nasa poder.

Ngayon, bistado si Roque na nagpayaman noong nasa poder. Ginamit ang kapangyarihan upang magkamal ng milyong pisong salapi mula sa mga kompanyang POGO. Tama ang tingin sa kanya na isang fixer ng mga POGO.

***

Email:bootsfra@gmail.com