Advertisers

Advertisers

NAUKIT SA ATING KULTURA

0 30

Advertisers

NASA panahon na tayo ng halalan, na kung tawagin ng inyong abang lingkod ang panahon ng sirko, kung saan, tulad ng isang paligsahan, magigisnan natin ang sari-saring mga kalahok, na pagbibidahan, upang makamit ang boto na magluluklok sa kanila sa katungkulan. Dito makikita ng taumbayan ang iba’t-ibang kulay, iba’t ibang plantilya at gimik, na, sa pananaw ng tumatakbo, ay mabisang paraan upang makamit ang tinatamasang boto. Pero matanong ko lamang po: May karapatan ba sila sa tungkulin na tinatamasa nila?

Bilang normal na tao, tayo ay pihikan sa maraming bagay; sa pagkain, sa inumin, sa pananamit; maging sa taong makakapilin sa habang buhay. Ito ay mga bagay na masasabi ko na pangkaraniwan sa matinong pamamalakad ng buhay. Isama na natin dito ang pagpili ng taong iluluklok sa katungkulan. Kung ang pagpili ng trabahante, dumadaan ang isang tao sa masusing pagsusuri ang nagnanais magtrabaho. Dumadaan ito sa masusing pagsusuri mula sa tanggapan kung may kakayahan gampanan ang inatas; kung may hustong katinuan upang matuto, kung may tamang pagiisip, upang hindi maging pabigat o problema sa pinasukang tanggapan. Ganun din po ang pagpili sa pulitiko.

Kung sa ibang binanggit ko mahalaga ito, mahalaga din na matino at may kakayahan na manungkulan ang napupusuan na pulitiko. Tulad sa isang sirko, maraming makulay na tao ang magigisnan sa halalan. Nandiyan ang magaling sa drama; nandiyan din ang magaling sa “song-and-dance”; may magaling sa salamangka, na dinadaan tayo pabilisan ng kamay at ilusyon. Hindi iba ito sa halalan sa ibang panig ng daigdig. Hindi tayo iba.



Isang bagay ang dapat natin bigyan ng pansin; kung ang napupusuan natin ay nararapat maluklok sa pwesto? Opo mga giliw kong tagabasa, maging pihikan tayo, mapanuri at huwag matakot magtanong sa sinumang nakaluklok. Karapatan natin yon bilang mamamayan at nagbabayad ng kanilang sweldo. Alalahanin natin sila ay nagpriprisinta kaya alisin ang pagiging kaibigan o tagasuporta dahil sa huli desisyon natin sa darating na halalan ang magpasya. Alalahanin na nakakaapekto sa kinabukasan ng ating mga supling, ng ating Bayan ang pangalang ilalagay natin sa balota kaya huwag maaliw; huwag malansi sa “clown and monkey show”. Kapag mali ang napili ikaw sa kalaunan ang “naunggoy”.

***



ABSUWELTO sa kasong plunder si Senador Juan Ponce Enrile at Gigi Reyes dahil sa kakulangan ng ebidensya. Sa opinyon ng abang kolumnistang ito resulta ito ng sistemang may kapuna-punang kakulangan sa sistema ng hustisya sa ating bansa. Oo matanda na siya’t mapalad umabot sa edad na 100, ngunit alisin natin ang kanyang pagiging magaling na abogado at mapera, sa palagay ko hanggang umabot siya ng edad 200 sa tingin ko hihimas pa rin siya ng malamig na bakal ng selda niya.

Mantakin, ang impluwensya ng hamag ay halintulad sa AlNiCo magnet; na madikit at makanti, pati ang isang Gigi Reyes na magnetize din! Dalawa ang nararamdaman ko bilang kadugo (opo nobody is perfect) una, natutuwa ako dahil matatahimik din si Tito Johnny sa bumabagabag sa kanyang plunder case. Pangalawa ako ay nalungkot dahil patunay lamang ito na kailangan pa rin ayusin ang sistema ng katarungan natin na nakikitang may kinakatigan.



***

MALAPIT na matapos ang isinagawang pagdinig ng Quad-Committee ng Camara de Representante sa isyu ng POGO. Ito ay makasaysayan sa dalawang dahilan: Una, ang pagsiwalat sa mga anomalya na nagaganap sa COMELEC, PNP, atbp, na kailangan ayusin “in-aid-of-legislation, ibig sabihin, ginagawa ng Kamara ito upang gumawa ng kaukulang mga batas na nagpapalawig sa sa mga batas na kasalukuyang umiiral. Sa pagsulat ng kolum na ito, nakita ng mga mambabatas na kinakailangan amyendahan ang Cybercrime Law para matuldukan ang paglaganap ng online gaming, hacking at mga investment scams.

Nakita na ang RA 9160 o mas kilala na Anti-Money Laundering Act, upang magkaroon ng kapangyarihan ang pamahalaan na agarang gumawa ng paraan kahit wala pang pormal na kasong inihain sa Korte; amyendahan ang RA11232 o ang Revised Corporation Code of the Philippines para masiguro na lehitimong tao o entidad lamang ang maaaring magbuo ng korporasyon; ang pag-amyenda ng RA 7160 o Local Government Code upang amyendahan ang kapangyarihan ng LGU na palitan ang klasipikasyon ng lupa; dapat din amyendahan ang batas sa sertipikasyon ng rehistro ng kapanganakan upang tanging mga Pilipino lang ang mabibigyan ng birth certificate;ang amyendahan ang Land Registration Act upang mga Pilipino lamang ang maaaring mag may-ari ng lupa.

Nakita rin na kinakailangan ayusin ang Civil Registry Act nang magkaroon ng istriktong pagproseso ng mga late registration ng live births, maging ang pag-apruba nito, nang maiwasan ang mapanlinlang o huwad na patunay ng pagka-Pilipino. Nakita rin ng Kamara na kinakailangan palakasin ang RA 6981 o Witness Protection Act nang matiyak ang kaligtasan ng sinuman na saksi sa krimen o pang-aabuso. Repasuhin ang kapangyarihan DFA na magbigay ng bisa sa mga dayuhan, dahil napuna na inabuso ito.

Nakita rin ang pangangailangan na higpitan ang RA 11983 o Passport Act upang tanging tunay na Pilipino lang maaaring magka pasaporte, at ang magpataw ng mas mabigat na parusa sa sinumang dayuhan na magmamay-ari nito. Ang magwala ng bisa sa EO 13, EO 175 at RA11590 na pinayagang maging lehitimong POGO operations ng mga dayuhan. Nakita rin na kailangan repasahin ang death penalty sa mga karumaldumal o heinous crimes.

Huwag na natin pansinin sina Huo Gua Ping, Cassandra On, pati mga pulis na tulad ni Garma at Leonardo; pawang sanay sila magsinungaling; ang mahalaga ay may pagkakataon na naguhin ang sistema sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas mabisang batas. Nasabi ng maliit na kolumnistang ito na makasaysayan ang mga kaganapan sa Kamara. Naging bahagi na ng ating kamalayan ang kultura ng katiwalian. Harinawa, dahil dito, matigil na ang masamang gawain ng mga nasa katungkulan na matagal nang naukit na sa ating kultura. Sana magbago na po. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.

***

Wika-Alamin:

MANDÁDANGKAL – Ito ay isang uri ng kulisap na mas kilala sa Ingles sa pangalang “Praying Mantis”. Ang isa pang tawag dito ay MANDARANGKAL at SAMBÁSAMBÁ. malimit makikita ito sa palayan at damuhankung saan nanghuhuli ito ng ibang peste sa tanim katulad ng tipaklong atbp.

***

mackoyv@gmail.com