Advertisers
HINDI ito nangyari noong araw. Nang natapos ang rehistrasyon ng mga kandidato noong Huwebes at nalaman ng sambayanan ang mga kandidato, kagyat na umikot ang kampanya kontra mga malalaking pamilyang pulitikal or mga dinastiya, at mga oportunistang pulitiko na tinawag na “trapo,” o basahan ng pulitika.
Maituturing na daluyong ang daloy ng mga batikos laban sa mga dinastiyang pulitikal at trapo na hindi nahiyang ilaban ang kanilang mga ibang kaanak bilang kapalit sa mga kapamilyang patapos ang mga termino sa 2025. Matindi ang pagkasuklam ng sambayanan sa mga dinastiya dahil walang pagkakataon ang ibang kandidato na sumagupa.
Kailangan magkaroon ng negative campaign laban sa mga pamilyang iyan, ani Prof. Bayani Santos, isang netizen, mamamahayag, at titser ng journalism. Iminungkahi niya ang kampanya sa pamamagitan ng liham upang himukin ang maraming botante na huwag iboboto ang mga kinikilalang kapamilya ng mga dinastiya at trapo.
Inaasahan na babalong ang kampanya laban sa mga malalaking pamilyang pulitikal at trapo sa mga susunod na araw. Tumindi ang galit ng sambayanan dahil walang pinanday na batas ang Kongreso upang ipatupad ang probisyon ng Saligang Batas laban sa mga dinastiyang pulitikal. Ito ang balikwas ng sambayanan sa katamaran ng Kongreso.
Inupuan ng Kongreso ang batas na magbibigay katuparan sa probisyon kontra dinastiya sa Konstitusyon. Paano mangyayari iyan kung mahigit 80 porsyento ng mga kasapi ng Kongreso – Senado at Camara de Representante – ay kabilang sa mga dinastiyang pulitikal? Ito ang post ni Alex Allan, isang retiradong mamamahayag at netizen.
***
UMANI ng mga reaksyon ang aking post sa social media: “Destiny belongs to the underdogs. Watch out for guys – Kiko, Bam, France, Arlene, Teddy, Heidi, Luke, Jerome, Leody, Sonny, etc…” Binigyan diin ko na may magandang kapalaran ang mga kandidatong itinuturing na “underdog” o dejado sa wikang Kastila. Silang mga hindi pinapaboran.
Tungkol ito sa susunod na halalan sa Senado. Dahil kasapi ng mga malalaking dinastiyang pulitikal ang tatakbo sa Senado, nagbigay ako ng pangalan na marapat lamang suportahan. Hindi ako nangiming ipanukala ang mga kandidatong tulad ni Kiko Pangilinan at Bam Aquino. Hindi ko kinalimutan si Heidi Mendoza, dating commissioner ng Commission on Audit (CoA) na tumatakbong independiyente.
Iminungkahi ko rin si Kin. France Castro ng ACT Teacher Partylist at Kin. Arlene Brosas ng Gabriela Party List. Hindi ko tinalikdan si Teddy Casino, dating mambabatas, at ang baguhang Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Kasama sila sa 11-katao tiket ng Makabayan Bloc na pawang tumatakbo sa Senado.
Ipinanukala ko rin ang mga ibang kandidato tulad ni Luke Espiritu, Leody de Guzman, at Sonny Matula na pawang mga lider obrero. Walang isyu tungkol sa kanilang kakayahan, integridad, at komitment na maglingkod sa sambayanan. Malayong malayo sila sa mga ibang kandidato na mga mangmang, bobo, tanga, at walang kakayahan sa trabaho ng mambabatas. Hindi ko na babanggitin ang kanilang mga pangalan dahil sisikat lang ng walang dahilan.
***
SA WAKAS, may nagpaliwanag sa amin sa kakatwang pangyayari kung saan libo-libong pager na sumabog ng sabay-sabay sa Lebanon noong kalagitnaan ng Setyembre at kumitil sa buhay ng 11 katao at pumilay sa mahigit 3,000 iba pa. Umpisahan natin ang kuwento sa desisyon ng pamunuan ng Hezbollah na nakabase sa Lebanon na huwag gumamit ng cellphone dahil na-hacked ito ng intelligence ng Israel upang tambangan sa pamamagitan ng drone ang kanilang pamunuan at mga kasapi.
Iminungkahi na gumamit na lang sila ng pager imbes na cellphone. Mas ligtas umano ang pager sa pakikipagtalastasan. Iyan ng kanilang malaking pagkakamali. Lingid sa kanilang kaalaman, alam ito ng Mossad, ang intelligence agency ng Israel na katumbas ang CIA ng Estados Unidos. Napasok nila ang kompanyang Taiwanese na gumagawa ng pager.
Sa production line, nilagyan ng mga operatiba ng Israel ng bomba ang bawat pager na order ng Hezbollah. Bahagi ng baterya ang bomba sa bawat pager. Tumtimbang ito ng 50 gramo kaya hindi halata. Nilagyan ng programa na sumabog sa takdang panahon kapag naging aktibo sa pamamagitan ng remote control.
Ikinalat ng mga operatiba ng Israel ang tsismis na may plano na gamitin ang mga cellphone upang tuluyan silang puksain. Ito ang dahilan upang magbilihan ang mga Hezbollah ng pager. Mas ligtas ito sa kanilang pakiwari kahit phaseout na ang pager mahigit 30 taon ang nakalipas. Wala ng gumagamit ng pager sa kasalukuyan, ayon sa mga eksperto sa telekomunikasyon.
Ika-15 ng Setyembre, habang abala ang mga mamamayan sa Lebanon (kasama na ang mga kasapi ng Hezbollah) sa kanilang mga gawain, ginawang aktibo ng mga operatiba ng Israel ang mga pager. Sabay-sabay itong sumabog. Sa pamamagitan ng remote control, sabay-sabay na tumunog ang mga pager. Sumabog ang bawat isa sa sandaling pinindot ito ng sinuman may hawak.
May mga namatay at marami ang malubhang nasaktan. May mga nabulag, naputol ang kamay, at nabiyak ang sikmura. Hindi maipaliwanag kung bakit sumabog ang mga pager. Hind inamin ng Israel ang kanilang operasyon. Walang matwid upang aminin. Hinayaan nila ang mga kasaping Hezbollah na kumapa sa trahedya nila.
***
MGA PILING SALITA: “Mother Theresa once said: ‘Doubt is an integral part of faith.’ For her, it’s unavoidable that even men and women of the strongest faith have their doubts about God’s existence and eternal goodness. But for her, it’s exactly during those times of the most debilitating doubt that the strongest faith emerges. This is the paradox of faith.” – PL, netizen kritiko