Advertisers
SA makasaysayang Quad Com ng Camara de Representante, napakaraming nadukal, lalo na ang malawak na sapot. Hindi lang ang pagkadawit ng ilang nagpapanggap na Pilipino, sa tulong ng kanilang kasapakat sa pamahalaan, ang POGO, ang panghihimasok ng pulahang tsina, maging ang mga sindikatong Intsik; ang iba’t-ibang sangay ng malawakang sapot ay napatunayang nagdugtong-dugtong, at umaabot sa loob ng bulwagan ng pamahalaan, at Malacañan.
Opo mga giliw kong sumusunod sa munting kolum na ito, malawak, at mapanlinlang ang naturang sapot. Bagkus na nakadagdag ng karunungan, pinupurol nito ang ating utak. Marahil mahimasmasan ang karamihan sa nangyari sa ating bansa; siguro nakita na ng karamihan, na ang naluklok dahil sa “showmanship” at “entertainment factor” ay nagbunga ng napakasaklap na kalagayan sa atin ngayon; ang ipinagpalit marangal at marunong sa mababaw at magulang. Sige mapapatawad ko pa ang nabudol at nadala; pero ang pinipilit pa rin ang kahangalan wala nang kapatawaran, at wala nang ospital yan.
***
SA Quad Committee nadawit ang dalawang taong malapit na kasapakat ng dating pangulong serial killer Rodrigo Roa Duterte. Sila si Bong Go at Bato dela Rosa, dalawang senador na nahalal sa administrasyon ng serial killer president. Idinawit ni dating Davao City Police chief at dating PCSO chair Col. Royina Garma si Bong Go dahil sangkot sa EJKs bilang tagasubaybay o “overseer” at “coordinator” ng mga anti-drug operations ng pulisya. Nalaman din sa Quad Commna si Go ang nagpondo sa “rewards system. Nadawit si Bato dela Rosa dahil siya ang nagsagawa ng Oplan Double Barrel ana nagresulta sa EJKs na ikinamatay ng libu-libong tao. Sinabi niya na magsasagawa siya ng sariling imbestigasyon.
Mabuti na lang ubos na ang kape, at tasa na lang inihagis ko sa dingding. Saan ka nakakita ng pasimuno na magsasagawa ng imbestigasyon sa sarili? Maliwanag na wala siyang karapatan na magsagawa ng anumang imbestigasyon dahil siya ang pangunahing nagpairal nito at pangalawa sa serial killer president kasama siya na may pakana nito. ‘Eka nga ng karakter ni Leo Martinez sa pelikulang Mongolian Barbecue “PAGTATATANGA MO GA? Nagpapaumanhin po ako sa inyong lahat sa maanghang na pananalita pero KAYO GA’Y ANO?
Papayag ba tayo na mangibabaw ang ng mga ganitong walang pakundangan sa pagyurak sa atin? Tandaan pwede magkamali, ngunit walang gamot ang katangahan. Sa pagkakamali may naaaning aral na makukunan ng karagdagang karunungan. Maging aral nawa ito sa atin sa darating na halalan. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
NAGMANMAN ang Hukbong Pandagat ng Republika ng Pilipinas na mula Oktubre 7 hanggang Oktubre 13 at humigit kumulang 34 na sasakyang pandagat mula sa Pulahang tsina kasama ang kanilang bantay-dagat ang nasa Ayungin (‘Second Thomas Shoal), Sabina (Escoda Shoal), at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal). Bagama’t nabawasan ang dami ng kanilang barko, nananatili ang ilegal na pananatili nila sa ating teritoryo.
Humupa ng bahagya ang pambu-bully, subalit hindi pa rin sila umaalis. Ang ganitong taktika ay ginagawa ng pulahang tsina upang makuha ang ating teritoryo. Sinubukan nila ito kamakailan sa karagatan ng South Korea, na humantong sa paghuli ng mga mangingisdang intsik at pagkumpiska ng mga kagamitan nila. Maliwanag na kapag sinuklian ang kanilang panghihimasok ng marahas na hakbang bahag ang buntot nila. Paumanhin po sa lahat ng may buntot.
Isa lang ang masasabi ko: duwag ang pulahang tsina. Alam lang nila ang galawang patraydor. Mapalad sila hindi tayo naging parang mga Ruso, na kinakanyon ang barko nila kapag pumasok sa kanilang hangganan, pero hindi tayo mga Ruso. May alituntunin tayong sinusunod, at matimpihin tayo. Ngunit ang timpi ay may hangganan.
***
mackoyv@gmail.com