Advertisers

Advertisers

Politika ng bakuna

0 395

Advertisers

WALANG puwang sa mga pulitiko ang panahon ng pandemya, lalung-lalo na kung ang nais ng mga ito ay ang manatili sa kinauupuang trono na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan at kasaganahan. Marami sa mga ito’y masasabi natin na hindi na maghihirap ano man ang dumating na unos sa buhay.

Siniguro nila ang kinabukasan kahit lisanin ang puwestong inupuan sa ano mang paraan. Sa kanila, walang puwang kung walang landasin si Juan Pasan Krus sa hinaharap basta’t matiyak ang kinabukasan ng lahing naghahari sa kasalukuyan. Walang mga pake ito kung magkabaon-baon sa utang si Mang Juan basta’t mataba at malusog ang kanilang kaban.

Sa paglakad ng panahon ng pandemya, huwag na tayong magbulag-bulagan na may iilan diyan na talaga namang nakinabang. Kahit bumagsak ang kabuhayan ni Mang Juan, maging ang mga negosyanteng may malalaking pangalan, hindi nila ito alintana sapagkat sa bawat galaw na kanilang ginagawa masisilip ang kasiyahan sa mata dahil sa mga pondong nailalaan.



Habang nagdudusa ang marami sa epekto ng pandemya, tuloy lang ang ligaya at pagtatalaga ng mga tao sa pwesto at kinakasangkapan para sa sariling pakinabang. Tulad na lang ng PhilHealth na kung saan halos taon-taon na lang pinapalitan ang CEO sa panahon ni Totoy Kulambo subalit patuloy pa rin ang nakawan ng bilyon-bilyon pisong halaga ng pondo.

Sa pagdating ng bakuna, ang kasiyahan ng tao sa mundo’y hindi mawari na para bang dumating ang pinakasikat na tao sa mundo. Hindi maipinta ang saya ni Mang Juan dahil sa wakas may kalutasan na sa kinatatakutang pandemya. Ngunit sa galaw ng mga tao sa pamahalaan hindi mawala ang tanong kung saan kukuha ng bakuna na bibilhin ang bansa?

May pahayag si TK na aangkat ang bansa ng bakuna sa Tsina at may pahabol na sa Pfizer. May iba pang nagnanais na maipasok ang kanilang bakuna sa bansa subalit parang nakapagpasya na si TK hinggil dito. Sa mga bansang naglalabas ng bakuna ‘di naman malinaw kung ano ang pagkakaiba nito sa uri at halaga?

Ayon sa mga eksperto wala naman ipagkakaiba itong mga bakuna dahil ang efficacy ng mga ito’y lagpas sa mga threshold na binabanggit. Ito ang kanilang ginawang batayan. Subalit, walang tuwirang makapagbanggit kung ano o meron bang side effect ang mga ito.

Base sa kabatiran ni Mang Juan, maging ng mga dalubhasa na sa gamot, ang branded ay mas mabisa kontra generic. At sa pagkakataong ito, ano ang pwede nating sabihing branded at ano ang generic?



Sa ganitong kaayusan, hindi malabo na makulayan ng politika ang pagbangon ng kabuhayan ng bansa. Ang paggamit ng bakuna na SINOVAC ang minamataan na gagamitin sa tulad ni Mang Juan na umaasa sa ayuda ng pamahalaan. At sa mga kapanalig, kakampi, kaklase, maging sa sundalo at pulis ang maaring gamitin ay ang gawang Pfizer. Bakit, ito ba’y paniniyak sa side effect?

Sa kabilang banda, sa ‘di umaasa sa pamahalaan ni Totoy Kulambo ay kukuha ng kanilang bakuna sa ano mang payo ng eksperto upang masiguro ang kawalan ng side effect. Sa ganitong sitwasyon nakaka-kaba isipin na baka gamitin ng pamahalaan ang bakuna na panghila ng mga botante para sa darating na halalan.

Sa kasalukuyan tila nangungusap ang mga galaw ng pamahalaang ito na nagnanais na manatili sa poder sa matagal na panahon. Ang mga kilos nito sa paglabas ng bakuna’y parang bumubulong ng isa pa nga sa 22. Hindi man tuwirang sinasabi o ipinapahayag, ngayon pa lang ang halalan na ang pinaghahandaan ng mga nais tumakbo lalung lalo na sa Pambansang position.

Nariyan sila at dahan-dahan ng pinapasok ang mga balwarte ng magiging katunggali at todo pakilala kahit walang dala. At nariyan na ang pambabato ng putik sa tingin nilang kalaban.

Sa kaayusang ito, nakikiusap si Mang Juan na huwag gamitin ang bakuna sa politika. Alam niyang siya ang habol ng mga ito, at ang bakunang pangako ang magpapako sa kanya sa kumunoy ng kahirapan at karahasan.

Bukod dito ang salaping gagamitin upang mapa oo si Mang Juan ay siya ring kinita sa bakuna na pinulitika. Huwag magtaka kung makita ni Mang Juan na double jeopardy ang inabot niya sa pandemya at sa bakunang gagamitin sa pulitika.

Kaya Mang Juan buksan ang mata’t isipan, huwag na tayong paisa sa kakandidatong ang gawa’y iba sa sinasabi. Iwaksi ang marahas na lipunan sa Bayan ni Juan.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan , gayundin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com