Advertisers
HINAHANAP-hanap na ng mga running enthusiasts sa bansa at little olympians ang mga patakbong fun at competition events sa mga pangunahing kalsada ng lungsod at bayan sa bansa at ang taunang scholastic sports events sa Luzon Visayas at Mindanao.
Kung hindi nagkaroon ng pandemya ng corona virus ay nasa grand final stage na sana ang pinakamalaking running event sa Pilipinas na National MILO Marathon na isang taong singkad ng mga edisyon nito sa mga piling cities at municipalities mula Nothern Luzon, Central Luzon, Kabikulan, Kabisayaan at Kamindanawan.
Umaabot nang daang-daang libong naka-luntiang kulay na running enthusiasts ang mala-dagat ng mga taong kumakaripas na ang misyon ay madiskubre ang kakayahan para sa pambansang koponan, magwagi ng taginting na premyong salapi habang ang iba ay matapos lang ang karera ay tagumpay at tropeo na bilang finishers.
Nasusubok ang kanilang kakayahan bilang 5k, 10k runners, 21k half marathoners at full marathon bets 42k kung saan ang magwawagi sa naturang long distance finals ay tatanghaling MILO Marathon King and Queen at automatikong kakatawan sa mga prestihiyosong International Marathon.
Optimistiko si MILO sports executive Lester Castillo na malapit nang bumalik sa dating sigla ang karera sa kalsada dahil kakayanin nang gapiin ng mga eksperto sa mundo ang covid-19 at magkakaroon na ng pangontra sa virus na vaccine.
Matutunghayan na sa kalsada ang bantog na National MILO Marathon para sa better normal.
“Sana po ay mawala na ang pandemya para makatakbo na uli kami sa pakarera ng MILO. Iba pa rin po pag may aktuwal na kumpetisyon,” pahayag ng grupo ng mga marathoners na naging bahagi na ng kanilang buhay ang MILO.
Lalo ring na-miss ng mga kabataang estudyanteng Little Olympians sa tatlong regional competition mula Luzon, Visayas at Mindanao at ang pinakamalaking MILO LITTLE OLYMPIC sa National Capital Region (NCR) partikular sa Marikina Sports Complex sa Marikina City.
Noong nakaraang taon ay pansamantalang nahinto ang naturang scholastic olympic event ng MILO dahil pumokus ito sa pagsuporta sa nakaraang hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games Philippines 2019 at naging bahagi ang MILO sa tagumpay ng Pilipinas sa pagiging punong-abala at ang makinang na overall championship handog ng Pinoy athletes sa bansa.
Nasundan ito ng pandemya ngayong taong 2020 kung saan ay natengga lahat pati na ang larangang ng sports.
Sa kasagsagan ng krisis-covid ay nagsikap ang MILO na manatiling buhay ang spirit of sports sa pamamagitan ng mga Virtual events na ikinasa habang nag-iingat sa mikrobyong corona.(Danny Simon)