Advertisers
TATLONG Chinese national ang inaresto ng mga awtoridad makaraang masangkot ang mga ito sa kriminal, drug-related, at firearms law offenses habang nagsasagawa ang huli nang pinaigting na anti-criminality operations sa lungsod ng Parañaque.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) PMGen Sidney S Hernia, Acting Regional Director, gumawa ng makabuluhang hakbang ang mga awtoridd sa pinaigting nitong anti-criminality operations at patuloy na labanan ang iligal na droga na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong chinese national.
Ang mga suspek ay sina Zhenhua Ye, 30, Zhi Chen, 29, at Miu Yi, 26. Sila ay mga lalaking walang trabaho na naninirahan sa Imperial Plaza at Sunny Place residences sa Diosdado Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City. Sila ay naaresto noong Oktubre 24, 2024, bandang 7:58 AM, sa tabing kalsada ng Diosdado Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng police visibility at patrolya ang mga pulis mula sa Parañaque City Police Station sa kahabaan ng Macapagal Boulevard nang mapansin ang pagpapalit ng plaka ng mga suspek sa dalawang sasakyan.
Dahil sa kahinahinalang kilos ay nilapitan ng mga pulis ang mga suspek para i-verify ang sitwasyon. Sa pag-verify, nabigo ang mga suspek na magpakita ng mga dokumento ng pagmamay-ari para sa mga sasakyan at drivers license subalit pinaandar agad nila ang kanilang sasakyan upang makaiwas sa pag-aresto. Nagkaroon ng maikling habulan, ngunit nahuli ang mga suspek.
Bilang Standard Operating Procedure, nagsagawa ng pat-down search ang mga arresting officer na humantong sa pagkakarekober ng mga ebidensiya, na kinabibilangan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu at isang Bersa.380 caliber pistol na may magazine na kargado ng limang bala na hawak ni Ye.
Mayroon ding tatlong sachet ng hinihinalang shabu at isang posas, isang cable-tie posas, at tatlong pala mula sa kanyang sasakyan na isang Mitsubishi Expander ni Chen. Narekober din ang anim na magkakaibang numero ng lisensya mula sa mga sasakyan nina Ye at Chen.
Isang Taurus 9mm pistol na may magazine na puno ng sampung live na round mula sa pag-aari ni Yi at isang bloke ng pinatuyong marijuana mula sa kanyang sasakyan nito na isang Geely Emgrand.
Tinatayang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu ang kabuuang tinatayang bigat ng mga narekober na ilegal na droga, na may street value na P394,000.00, at humigit-kumulang 1 kilo ng umano’y marijuana na nagkakahalaga ng P120,000.00.
Nabigo ang mga suspek na maipakita ang kanilang mga pasaporte sa imbestigasyon. Ipinaalam din sa kanila ang kanilang mga karapatan sa konstitusyon sa pamamagitan ng Google Translate sa isang wikang alam at naiintindihan nila.
Itinurn-over sa SPD Forensic Unit ang mga nakuhang iligal na droga, at isinailalim sa firearms verification ang mga narekober na baril, habang isinailalim sa drug testing ang mga naarestong suspek. (JOJO SADIWA)