Advertisers
Nagmistulang isang palabas na sirkus ang naging imahe sa TANGHALANG SENADO na pilit inililihis ng mga matatapat na tagasunod ni EX-PRESIDENT RODRIGO DUTERTE ang tunay na isyung pagkasadlak sa maramihang pagpatay ng mga pulis kapalit ng REWARD SYSTEM sa nakaraang administrasyon para sa ipinangpo-prontang WAR ON DRUGS CAMPAIGN.
Sa pagdinig ng SENATE BLUE RIBBON SUBCOMMITTEE nitong nakaraang Lunes (October 28, 2024) ay tila nanood lamang ang mamamayan sa pagkukuwento ang EX-PRESIDENT sa estratehiyang mailihis ang publiko sa tunay na isyu.., na ang REWARD SYSTEM ang nag-uudyok sa mga pulis na pumatay kapalit ng pera at promosyon.., na kamakailan ay ibinunyag ni LT. COL. ARNULFO IBAÑEZ sa CONGRESS QUAD COMMITTEE (CQC) HEARING na ang sistema ang nagtulak sa mga pagpatay; subalit ilang araw matapos ang kanyang pagbubunyag ay bigla itong bumaliktad sa pagsasabing “PINILIT” umano siya ng ilang CQC member na magbigay ng ganoong pahayag.
Ang naitaon na pagbaliktad ay nagdudulot ng maraming tanong lalo na’t napapaboran si DUTERTE at sa mga tagasuporta nito sa SENADO.., dahil malaking benepisyo ito para kay DUTERTE at kanyang mga kaalyado ang magmukhang walang katotohanan ang testimonya ni IBAÑEZ.., na kung mapapaniwala ang publiko na ito ay pinilit lamang ay maaaring makaiwas ang mga tao ni DUTERTE sa pananagutan. Gayunman ang biglaang pagbaliktad ng pahayag na ito ay mukhang isang pinagplanuhang hakbang upang maprotektahan ang imahe ni DUTERTE at maitago ang katotohanan sa ating sambayanan.
Ang katotohanan tungkol sa DRUG WAR ni DUTERTE at ang REWARD SYSTEM nito ay tila ikinukubli sa isang sirkus ng mga kasinungalingan sa pangunguna ng kanyang malalapit na kaalyado. Ang SENATE BLUE RIBBON SUBCOMMITTEE HEARING na sana’y isang patas na imbestigasyon ay pinamumunuan nina SENATOR BATO DELA ROSA at SEN. BONG GO na mga pinakamatapat na tagasuporta ni DUTERTE.
Si SEN. BATO na dating PNP CHIEF ang nanguna sa drug war habang si SEN. GO ay matagal nang kanang-kamay ni DUTERTE.., ay nasangkot din umano sa REWARD SYSTEM batay sa mga testimonya ng ilang saksi sa CQC hearing.., at ngayon ay sila ang nangunguna sa diumano’y imbestigasyon.., kaya’t hindi na nakapagtataka pa ang pagbaliktad ng kwento ni IBAÑEZ.
Sa gayung eksena ay halatang-halata ang CONFLICT OF INTEREST na paanong magtatagumpay ang isang imbestigasyon na pinamumunuan ng mga kaalyado ni DUTERTE sa paglalantad ng katotohanan? Kaya naman ang hearing nitong nakaraang Lunes ay mistulang entablado lamang na ginamit para baluktutin ang mga kwento, itago ang katotohanan at protektahan ang DUTERTE’s LEGACY.
Sa halip na isang patas na imbestigasyon.., ang SENADO ay nagmistulang isang palabas na may layuning linlangin ang publiko. Libo-libong mamamayan ang nawalan ng buhay sa BLOODY WAR ON DRUGS ni DUTERTE at marami pang pamilya ang nawalan ng mga mahal sa buhay.., subalit tila ang hangarin ng pagdinig sa pamumuno ng mga kaalyado ni DUTERTE ay burahin ang mapait na katotohanan at gawing palabas ang lahat upang sa gayun ay makalimutan ng mamamayan ang kanilang naging hinagpis.
Ang DUTERTE DRUG WAR ay tungkol sa pag-abuso ng KAPANGYARIHAN at REWARD SYSTEM.., na hindi mabubura ang mga buhay na nawala dahil lamang sa isang SENATE CIRCUS.., ika nga ay nakikita ng sambayanan ang kanilang pagpapanggap at hindi na
dapat pang magpapalinlang.., na ang katotohanan tungkol sa MADUGONG LEGACY NI DUTERTE at sa naging PAGHARAP NI DUTERTE SA TANGHALANG SENADO ay hindi na mapagtatakpan kahit ano pang gawing paglilihis ng mga kaalyado ng EX-PRESIDENT!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com para sa inyo pong mga panig.