Advertisers
SA linggong nagdaan dalawa ang kaganapan; una dito ang taon-taon paggunita ng sambayanan sa Undas na. Bagama’t ginugunita ng mga Kristyano, partikular ang mga Katoliko, ito ay naging isang kapistahan na ginugunita ng kahit sinuman. Nagpapasalamat ang inyong abang lingkod sa komersyalismong lulan ng ating mga kapatid sa kanluran.
Opo, aminado ang inyong abang lingkod na ako ay isang “closet goth,” na ikinatutuwa ang kapistahan ng Undas ngayon, dahil bukod sa kataimtimang naranasan ko habang namumulot ng tunaw na kandila at nagpapalipad ng saranggola habang maliksing nakikipag patintero sa mga nitso at deboto, ito ay naging karagdagang kulay sa ating nakagisnang tradisyon bago ang Kapaskuhan. Pangalawa, kinagisnan natin sa naganap na Senate hearing. Kung sinabi ko na hindi ako nagimbal sa nasaksihan ko a nagsisinungaling ako. Diretsahan tayo. mistulang Rocky Horror Picture Show ang pulong ng mga kapita-pitagang senador.
Sa buong kasaysayan ng Senado walang pakundangang binastos ng resource speaker si Rodrigo Duterte ang karangalan nito sa pamamagitan ng walang habas na pagmumura na sa kalaunan umamin na inutos niya ang kamatayan ng naging biktima ng kanyang Oplan Tokhang at Double Barrel. Upang maging ganap ang sirko, pinahintulutan ni Kokobanana, na diktahan ni serial killer president ang naratibo. Kakahol dito ang mga kasapakat ni serial killer president bilang “immoral support. Maliban kay Senador Riza Hontiveros halatang obvious na lahat sila ay nagsisilbing pananggalang.
Hindi ako magpaligoy-ligoy. Nakakasulasok ang Senado. Sa opinyon ko, lumamang ng isang milyong pogi-points ang Camara de Representante. Sinabi na ng mga kongresista, sa pagdalo ni serial killer president, hindi nila namatagan ito na namayagpag at ilabas ang ari nito upang bastusin ang dangal ng Camara. Kaya sa ating lahat, panoorin, dahil makasaysayan ito.
***
Si Dietrich Bonhoeffer ay isang ministro ng simbahang Luterano na pinatay ng mga Nazi sa mga huling araw bago magpakamatay at tuluyang bumagsak ang Third Reich. Sa kanyang
Teorya Ukol Sa Mga Hangal, na isinulat ni Jonas Koblin, maiintindihan natin ang saloobin ni Bonhoeffer ukol sa pagiging isang “populist.” Ayon kay Bonhoeffer, mas mapanganib ang mga hangal kaysa sa taong may likas na kasamaan. Ito’y dahil maaari tayong mag protesta laban sa mga taong masasama, ngunit sa mga taong hangal wala tayong laban.
Bingi sila sa pangangatwiran. Ang mga isinulat ni Bonhoeffer ay nagsisilbing babala sa malayang lipunan, na maaaring mangyari ito, kapag nagkaroon ng kapangyarihan ang mga hindi karapat-dapat. Naging madilim na yugto ng Alemanya nang naluklok sa kapangyarihan si Hitler. Dito mga inosente, mapa bata o matanda ay sumailalim sa sa pagyurak sa kamay ng mga Nazi. Dito, nagsimulang magsalita si Bonhoeffer laban sa nangyayari.
Pagkalipas ng ilang taon , kung saan pinilit iyang baguhin ang pananaw ng tao, pag uwi niya sa kanilang bahay, dalawang tao ang nakaabang sa kanya upang dakpin at kunin siya. Sa piitan, si Bonhoeffer ay nagnilay, inisip kung paano ang bansa, na luklukan ng mga palaisip, mga bihasa sa pilosopiya at sining, ay naging bansa ng mga duwag, manlalansi at pusakal. Napagtanto niya na ang kahangalan ang dahilan, hindi kasamahan.
Sa mga liham na isinulat niya sa loob ng karsel, sinabi niya na ang kahangalan ang mas mapanganib, dahil kung maaari nating labanan ang kasamahan; kontrahin at labanan gamit ang dahas, sa harap ng kahangalan wala tayong laban. Maging katuwiran o pwersa, wala tayong mapapala. Mabuti pa mangatwiran ka sa isang bangkay. Ang katotohanan ay isinasa-isantabi dahil walang saysay ito sa isang hangal, na nagiging mapanganib kapag ito ay naiirita. Dagliang pagiingat ang kinakailangan kapag kausap ang isang hangal, lalo na kapag ang kahangalan nito ay pinahiran ng malisya.
Kung nais natin unawain upang mapuksa ang kahangalan kinakailangan aralin at unawain ang kalilikhasan nito, dahil ang kahangalan ay nagbubunga sa usapang moral, hindi intelektuwal. Sa dhila, may mga taong matino, ngunit hangal. At may mga iba na hindi matatalino, ngunit hindi hangal. Hindi namamana o lka sa tao ang kahangalan, ngunit sa kinalalakihan, sa impluwensiyang nakagisnan, nagiaing hangal sila, kadalasan dahil pumayag silang gawin silang isang hangal. Hindi epekto ito sa mgataong mapag-isa, o mapagnilay.
Masasabi ko ang kahangalan ay malmit sosyolohikal kaysa sikolohikal. Dito makikita na kapag may daluyong ng kapangyarihan maging politikal o dahil sa relihyon, malaking bahagi ng lipunan ang tinatamaan ng kahangalan. Nagparang maroong batas na sikolhikal o sosyolohikal na batas kung saan ang kahangalan at kapangyarihan ay nagtututlungan. Hindi dahil nabigo ang katalinuhan, kungdi dahil may pumigil sa likas na kalayaang magdesisyon. At magdesisyon ayon na sariling pagpasya. Ito ay bunga ng mina’y katigasan ng ulo at hindi pagtanggap ng bago at moral na pananaw.
Sumasangayon ang hangal sa retorika, mga simbolo at islogan; patunay na ang mga nabanggit, sinilo ang malayang pag-iisip. Para siya kinulam, nakapiring at inapi. Sa kalaunan siya ay kasangkapan, upang gumawa ng sukdulang kasamaan. Tanging ang matauhan ang hangal ang magpapanumbalik sa kanyang katinuan. Hangga’t hindi niya ito maranasan, ang pagbago sa isang hangal ay hindi maaari. Namatay si Bonhoeffer dahil sa pagkadawit sa tangkang pagpatay kay Hitler noong Abril 9, 1945 sa Flossenbürg Concentration Camp dalawang linggo bago dumating ang mga Amerikano sa naturang kampo.
“Ang pagbabago ay nagmumula, hindi sa sarili lamang, kundi sa kahandaan na i-ako ng responsibilidad. Ito ang huling pagsubok para sa lipunang marangal, lipunang nais natin iwan sa ating mga supling.” Sa mga katagang iniwan ni Dietrich Bonhoeffer, harinawa, makamit din ng susunod na henerasyon ang isang lipunang marangal, makatwiran, at moral. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
mackoyv@gmail.com