Advertisers
Ni Rommel Gonzales
PULITIKO ang ina ni Andre Yllana, ang konsehala ng 5th District ng Quezon City na si Aiko Melendez na isa ring mahusay na aktres.
Kaya tinanong namin si Andre kung siya ba ay hindi nahihikayat na pasukin din ang pulitika tulad ng kanyang ina?
“Hindi ko po… I mean si mommy po kasi lagi niya pong nababanggit sa akin iyon pero right now po kasi… gusto ko siya pero natatakot ako sa responsibility dahil malaki pong responsibility iyan e, and I don’t wanna mess up.
“Kaya tingnan po natin kung matututunan, why not?”
Pero hindi naman siya nagsasalita ng “No”.
“Hindi naman po.”
Unang pelikula ni Andre sa Viva Films ang Pasahero kung saan parte siya mismo ng main cast.
Mahaba at markado ang papel niya sa naturang horror film na kasali sa Sine Sindak: Ang Ika-5 Yugto Horror Film Festival sa mga SM Cinemas mula October 30 hanggang November 5.
“Yes po,” nakangiting pagsang-ayon ni Andre.
Ang huling pelikula na ginawa niya ay ang Expensive Candy nina Julia Barretto at Carlo Aquino para rin sa Viva Films.
Maiksi lamang ang papel niya doon, samantalang dito sa Pasahero ay isa siya sa mga bida.
“Ako po si Martin,” pagpapakilala ni Andre sa karakter niya sa Pasahero.
“Parte po ako doon sa pitong pasahero na kasama doon sa trip na iyon.”
Ang iba pang cast members sa Pasahero ay sina Louise delos Reyes, Yumi Garcia, Katya Santos, Mark Anthony Fernandez, Keann Johnson, Rafa Siguion-Reyna, Dani Zee at Bea Binene.
Nakatuwaan naming tanungin si Andre kung nakasakay na ba siya ng MRT o train sa tunay na buhay.
“Yes po,” nakangiting pakli ni Andre. “Actually nung isang araw lang din po, kasama ko sina Yumi at mga kaibigan namin, wala lang po try lang po.”
Ano ang pakiramdam niya na kasali na siya sa isang pelikula in a full-length role?
“I’m really happy po,” aniya, “tsaka I feel blessed po to be in this movie po,” sinabi pa ni Andre.
Sa direksyon ni Roman Perez Jr., ang Pasahero ay mula sa Viva Films, Viva Studio, JPHLiX Films, BLVCK Films at Pelikula Indiopendent.
Mula rin sa Viva Films, Viva Studio at Happy Infinite Productions, Inc. ang Nanay, Tatay na kasali rin sa Sine Sindak: Ang Ika-5 Yugto na mula naman sa panulat at direksyon ni Roni Benaid
Kasali rin sa Sine Sindak horror film festival ang dalawang foreign horror film na The Thorn: One Sacred Night mula sa Indonesia at ang Japanese film na House Of Sayuri.