Advertisers
SA kahabaan lamang ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) dati ay nag-ooperate ang grupo ng mga dayuhang magpapaihi ng oil at petroleum product, ngunit mahigit tatlong buwan na palang tahimik na napasok ng grupo ng drug pusher ding si alyas Ed Dungao, kasosyong nitong si Jeffer at ilang police scalawag na kilala sa taguring mga ”criminal cops” sa Batangas City, ang lungsod na kinukunsiderang pinaka-malinis at tahimik sa Timog Katagalugan o CALABARZON.
Sa mga lay by areas ng STAR Tollway mula Sto. Tomas City hanggang sa Batangas City Exit, sa pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling security guard ay ilang taon ding namayagpag ang operasyon ni alyas Ed Dungao, ang isang kapatid nito at ilang aktibong tiwaling pulis.
Nagsimulang kumilos ang magkapatid na Dungao noong 2015 o isang taon bago pumasok ang Duterte Administration. Sa pakikipagkutsabahan ng mga tanker driver at kanilang pahinante ay nagkukunwaring nasiraan ang minamanehong mga tanker truck kaya ipinaparada sa mga emergency parking space na lay by areas.
May tinataya na 10 lay by areas ang mahigit sa 41km. na STAR Tollway at mula sa umaga hanggang madaling araw o halos ay 24/7 ay mapapansin ang ilang mga tanker truck na nakaparada sa naturang lugal.
Sa biglang sulyap ay mukhang kawawa ang mga pobreng tanker truck driver at helper pagkat makikitang nagkakandakumahog ang mga ito sa pag-aayos ng kanilang “nasirang sasakyan” habang binabantayan pa ng naka hazard light na STAR Tollway patrol car na minamanduhan ng ilang security guard. Nasa eksena din ang tatlong unipormadong pulis.
Nakaantabay naman sa likuran ng kunwari ay nasiraang tanker truck ang isang malaking closed van na nagpapanggap na naghahatid ng mga piyesa o anumang pangangailangan ng depektibong behikulo. Ang totoo ang mga nakabantay palang sekyu ay nakapayola sa grupo nina alyas Ed Dungao at ang closed van ay siya mismo ang pinagkakargahan ng mga drum at container na sinasalinan ng mga ninakaw o pinaihi, patulo na gasolina, krudo, gas at langis pati na ang ipinambabanto na Methanol sa ninakawan na tanker.
Umabot din ng mahigit sa dalawang taon bago nadiskubre ng SIKRETA ang modus operandi nina alyas Ed Dungao at ito ay naging paksa ng ating pagbubunyag. Naging resulta nito ay ang pagkakaaresto ng pulisya sa ilang tauhan nina alyas Ed Dungao at pagkakumpiska ng mga nakaw ng mga itong produkto.
Akala natin ay nasupil na ang pagnanakaw nina alyas Ed Dungao at nanahimik na ang kanilang grupo, ngunit ang matinding koneksyon ni alyas Ed Dungao sa ilang PNP official, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang government law enforcement unit at kasakiman sa salaping madali kitain ngunit labag sa batas na paraan, ang nagtulak sa grupo ni alyas Ed Dungao na ituloy ang ilegal ng mga itong operasyon.
Bagama’t napaglalangan ay hindi pa din naman huli ang lahat na nadiskubre ng SIKRETA na ang ibinunbunyag nating operasyon ni alyas Rico Mendoza sa tapat ng Toyota Cars Parking area sa kahabaan ng By Pass Road, Brgy. Banaba South ay ang ang tunay na kapitalista ay ang tahirang si alyas Ed Dungao na operator din ng paihian sa San Pedro City at Valenzuela City.
Lumilitaw na sina alyas Rico Mendoza ay ahente at lider pala ng taga-harang ng mga truck na nanggagaling sa ibat ibang depot sa Batangas.
Kasosyo ni alyas Ed Dungao ang isa pang paihi/buriki operator na si Jeffer na kapitalista din ng naturang ilegal na negosyo sa bayan ng Montalban, Rizal at ilang aktibong eskalawag na pulis at dating miyembro ng DDS (Davao Death Squad) na nagbihis anyo bilang Duterte Die Hard Supporter (DDS) na lamang sa pagkabunyag ng mga malawakang pamamaslang na isinagawa ng mga “criminal cops” sa kunwari ay kanilang inilunsad na War on Drugs.
Naging madali ang pagpasok at pagkapag-operate ng grupo nina alyas Ed Dungao at Jeffer sa Batangas City dahil sa balitang kaluwagan at mahinang liderato nina Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao at Batangas City Police Chief LtCol. Jephte Banderado.
Isang alyas Sgt. Adlawan ang nangongolekta ng Php 500k kina alyas Ed Dungao na protection money o weekly intelhencia para sa tanggapan ng ilang Batangas PNP Provincial Office top officials, samantalang isang alyas Sgt. Asi naman ang kumokolekta ng Php 350k para sa opisina ni Banderado?
Hindi papayag sina Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha at Representative Marvey Mariño na pagkutaan ang kanilang mahal na lungsod ng tulad ng grupo nina Ed Dungao, Jeffer at “criminal cops”.
Balita sa katapatan at kasipagan sa pagganap sa kanyang tungkulin bilang police official ang tauhan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) soon- to be MGen. General Nicolas Torre III na si LtCol. Jake Barila, bagong hirang na Batangas CIDG Provincial Officer, kaya naman nais nating tawagan ito ng pansin upang tuldukan na ang operasyon ng tirador ng petro products na sina alyas Ed Dungao, Jeffer at “criminal cops” sa Batangas City. May Karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 0966406614