Advertisers
Ni Archie Liao
BUNTIS si Iya Villania sa kanilang ikalimang baby ng mister na si Drew Arellano at sa Pebrero ay inaasahan siyang manganak.
Ayon sa TV host-actress, hindi planado ang kanyang pagbubuntis sa upcoming baby nila ni Drew.
Katunayan, noong una raw ay hindi akalain ng hubby niya na mabubuntis siyang muli.
Gayunpaman, nang makumpirma raw ang kanyang pagdadalang-tao ay magaang tinanggap ito ng esposo.
Katunayan, itinuturing daw nila itong “welcome surprise.”
“Every time people ask how was this planned, I always tell them, may umaabot ba sa lima na planado?” sey niya. “So no, this was not planned. But it was always a welcome surprise. It was always a welcome accident,” dugtong ng “Chika Minute” host.
Sa tsikahan nila ni Boy Abunda sa Fast Talk, inamin din ni Iya na may balak na silang magpatali ng kabiyak.
“Yes there was a plan,” pahayag ni Iya.
Nang maurot naman ng King of Talk ang TV host kung kailan sila titigil sa pagpaparami ng lahi, kaswal siyang sinagot ni Iya.
“Siguro dito!” natatawang tugon niya.
Pagbibiro pa niya, napapagod na rin daw kasi siyang umiri.
Tungkol naman sa pagpapanatiling fit ng kanyang pangangatawan, ginagawa raw niya ito hindi para sa sarili kundi para sa pamilya at mga anak.
Hirit pa niya, malaking bagay daw na healthy siya para sa kanyang family.
“Malaking bagay that I’m healthy and fit, because then I’m able for my family,” ani Iya.
Paliwanag pa niya, nagagawa raw niya ang herculean task ng isang mom kung physically fit siya.
“One major thing is to get fit and get healthy so that you can use your body and do things with confidence and with strength,”bulalas niya.
Matatandaang noong 2022, naging fitspiration si Iya sa mga kapuwa niya buntis nang magbahagi siya ng kanyang workout routine niya habang preggie siya sa kanilang ikaapat na anak na si Astro.
“I know not every mama is lucky enough to be able to exercise during their pregnancy so I want to encourage those who still can. It’s good for both you and baby. Just be reasonable and don’t do anything your body isn’t used to. And if you need to rest, respect that too,” deklara niya.
Dalawang linggo naman pagkatapos niyang makapanganak ay bumalik na siya sa pagwo-work out, bagay na kinabiliban sa kanya ng netizens.