Advertisers

Advertisers

Hindi sigurado

0 503

Advertisers

DAHIL minadali ng mga pharmaceutical firm ang pagtuklas ng bakuna kontra coronavirus, hindi nakakasiguro ang buong mundo na magiging mabisa ang mga bakuna na lalabas at ibebenta sa pandaigdigang merkado. Sa kasaysayan ng bakuna, inabot ng ilang taon ang pagtuklas ng isang bakuna na bukod sa mabisa, hindi nakakasama sa kalusugan ng mga taong babakunahan dahil wala masyadong mga side effect.

Hindi ganito ang nangyayari sa mga bakunang tinutuklas ng mga pangunahing kumpanya ng gamot sa buong mundo. Hindi rekomendado ang bakuna na tinutuklas ng Pfizer sa mga taong may kasaysayan ng matinding allergic reaction sa bakuna. Sa pag-aaral ng epekto ng bakuna, mukhang matindi ang side effect sa mga tao allergic sa bakuna.

May matinding epekto rin ang bakuna na tinutuklas ng Sinovac, ang kumpanya na pag-aari ng China. May balita na may namatay sa Brazil kung saan isinasailalim ng pagsusuri ang bakuna. Hindi kumpleto ang datos sa Indonesia at Turkey kung saan may mga clinical test ang Sinovac.



Hind malinaw ang mga datos kung ang bakuna ay epektibo lamang sa mga taong nabakunahan. Hindi rin malinaw kung hanggang kailan epektibo at ilang booster shot ang kailangan upang totoong mapapangalagaan ang mga nabakunahan. Hindi malinaw kung kailangan bakunahan ang mga taong nagkasakit ng Covid-19, ngunit nabuhay.

Sa maikli, napakaraming tanong sa epekto ng bawat tinutuklas na bakuna. Hindi pa malinaw hanggang ngayon ang isinasaad ng mga datos. Sapagkat inabot lamang ng ilang buwan ang pagsasaliksik sa bakuna, hindi masabi kung hanggang saan ang epekto ng mga bakuna. Hanggang maaari iniwasan ang sitwasyon na lalabas na hindi pala totoong epektibo ang mga bakuna na babaha sa pandaigdigang merkado.

Hindi sagot sa pandemya ang pagkalat ng hindi epektibong bakuna. Mas makakasama ito at mas titindi ang pandemya. Hindi maganda sa reputasyon ng pharmaceutical firm na maglabas ng patapon na bakuna. Kikita sila ngunit sira ang mga pangalan.

***

MAY payo na hintayin natin ang bakuna ang galing sa India. Bagaman may mga katanungan kung mabisa ang bakuna na galing India, hindi namin maalis ang magduda kung handang buksan ng gobyernong Duterte ang Fipinas bilang isang open market kung saan maaaring bumili ang mga mamamayan ng mga bakuna na kanilang gusto.



Batay sa pahayag ni Carlito Galvez, ang czar sa bakuna, mukhang manggagaling sa China ang unang bakuna na gagamitin sa Filipinas. Walang tumututol diyan, ngunit sa takbo ng pagsasaliksik sa bakuna, mukhang wala pang makakagarantiya kung totoong epektibo ang darating na bakuna. Paano kung hindi epektibo?

Mukhang bahagi ang pahayag ni Galvez sa isang sabwatan na maging monopolyo ng China ang Filipinas na kanilang bakuna. Mukhang babalik sa gobyernong Duterte ang ginawang paninira ni Percida Acosta sa Dengvaxia. Para mapalabas na masama si PNoy, umimbento si Acosta ng mga kasinungalingan tungkol sa Dengvaxia. Ang pagkakaiba ay mukhang totoong makakasama sa kalusugan ang bakuna na galing ng China.

Kung natiis (o natuwa pa nga) ng gobyerno na makapatay ng ilang libo bilang bahagi ng kanilang madugo ngunit bigong digmaan kontra illegal na droga, mangingimi ba sila na isakrisyo ang ilang libong Filipino sa palpak na bakuna na galing China kung kikita naman sila? Hindi mahirap sagutin ang tanong ito.

***

MASAYA namin na inihalal ang mga Frontline Medical Worker bilang “Person of the Year” ng pamosong Time magasin. Pinaboran namin sila kontra sa apat na nanomina: Dr. Anthony Fauci, hepe ng Communicable Diseases Center sa Estados Unidos, Black Lives Matter, o ang mga mamayan na sumuporta sa kilusan laban sa pang-aapi sa mga itim sa Amerika, mga firefighter or pamatay sunog, at Joe Biden, ang bagong halal na pangulo ng Estados Unidos.

Sa ganang amin, napalaki ng isinakripisyo ng mga obrero sa kalusugan tulad ng mga doctor, nars, medical technologist, lab technician, orderly, at iba pa. Hindi lamang sa Estados Unidos kung saan umabot na sa 15 milyon ang nagkasakit ng coronavirus kundi maging sa buong mundo. Dito sa Filipinas, ilang dosena na ang namatay na manggagawang pangkalusugan upang harapin ang mga nagkasakit ng mapinsalang virus.

Pangalawa sa amin ang Black Lives Matter bilang isang kilusan. Hindi lang ang mga itim ang naglabasan upang tutulan ang rasismo, o pang-aapi sa mga itim sa Amerika. Sinusportahan ito ng mga puti, Latino, Asyano, at iba pa. Nagsama-sama ang maraming lahi upang tutulan ang pag-aapi ng anumang lahi. Isa itong kilusan sa makabagong panahon.

***

1. Pinanood namin ang dokyu noong Miyerkoles ng gabi bilang paggunita sa Pandaidigang Araw ng Karapatang Pantao. Hindi kami tutol sa paggamit kay Leila de Lima bilang mukha ng sistematikong paglabag sa karapatang pantao. Wala kaming angal sa mga pinapatay sa ilalim ng madugo ngunit bigong giyera kontra droga. Totoo ang mga iyan.

Hindi namin nagustuhan ang palabasin na aping-api ang mga kasapi sa LGBTQ+ community sa dokyu. Hindi namin gusto na isama sa ilang transgender sa dokyu at palabasin na sila ay mga inapi. Totoo na may diskriminasyon pero hindi sila inapi. Hindi sila aping-api na nais palabasin ng mga gumawa. Masyadong ekseherado. Hindi na katotohanan.

Hindi namin alam kung maniniwala ang sambayanan na mas suliranin ang mga femi-nazi, o ang mga babaeng nagmamagaling. Sila ang mga tao na ang pakiwari ay inapi sila ng mga kalalakihan. Sa ganang kanila, sila lang ang tama. Pero sa likod ng kanilang pagmamagaling, nangongolekta sila ng donasyon at kontribusyon sa mga mamamayan na walang alam sa kanilang raket. Ano ang masasabi ng tambalang E at Z?

***

HINDI kami bilib sa angas ng ibang mga Filipino na kontra Duterte pero kampi kay Donald Trump. Ang tingin namin sa kanila ay maluwag ang turnilyo. Hindi kapani-paniwala na magkaiba si Trump at Duterte. Parehong mga bastos, walang modo, at walang paggalang sa kapuwa si Duterte at Trump. Mahirap silang tanggapin at lunukin.