Advertisers
Ni CRIS A. IBON
KAWALAN ng aksyon nina Batangas PNP Provincial Director, Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr., at Region 4A LTO chief Elmer Decena ang nagtulak sa malaking grupo ng anti-crime and vice crusaders upang iapela kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na pakilusin ang law enforcing units ng pamahalaan upang sugpuin ang “criminal cops” sa Batangas City, na responsable sa maraming kaso ng pamamaslang at operasyon ng colorum van, illegal terminal at ng malaganap na nakawan ng oil at petroleum producst na kung tawagin ay “paihi” o “buriki”.
Kinilala ng grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) ang “criminal cops” na binubuo ng mga aktibong pulis, karamihan ay may mga ranggong patrolman, patrolman first class, at mga recruit ng Batangas Provincial Police Office na kasama sa quota ng Batangas City Police.
Kilala na ng MKKB ang lahat ng miyembro ng criminal cops na pansamantalang ‘di ibinunyag ang mga pangalan ngunit wari’y inutil naman sina Col. Malinao Jr. at Batangas City Police chief LtCol. Jephte Banderado laban sa mga ito.
Wanted ng tropa ng Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) sa ilalim ni BGen. Warren De Leon ang mga miyembro ng “Batangas Criminal Cops”, ayon sa MKKB.
Kahit minsan ay hindi nakita ang anino o nakapaglingkod ang sinumang miyembro ng criminal cops sa siyudad simula nang mahirang ang mga ito bilang kagawad ng pulisya.
Simula nang maging pulis ay naging bodyguard na lamang sila ng isang police colonel na kilala sa taguring “Colonel Buriki”, na lider ng sindikato na nagnanakaw ng gasolina, krudo, gas, oil products at nagpapasingaw ng Liquified Petroleum Product (LPG) na hinahakot ng mga tanker at capsule truck mula sa iba’t ibang depot sa lalawigan ng Batangas.
Mula sa oil at petro depots ng Uni Oil sa bayan ng Lemery; Insular at Phoenix Oil sa Calaca; Sea Oil sa Mabini; Shell Tabangao Batangas City; at Chevron sa San Pascual; pawang sa probinsya ng Batangas ay idinadaan ng mga kasabwat na tanker at capsule truck driver ang minaneho nilang hauler truck sa mga kuta ng mga paihi/buriki operator.
Tinukoy ng MKKB ang mga paihian/burikian na ino-operate nina alyas Ed Dungao, Jeffer at alyas Rico Mendoza sa tapat ng Toyota Parking area sa Barangay Banaba South, Batangas City; at sa paihian/burikian na pinospostehan ng isang peleng “Sgt. Buloy” sa lote ng isang Tan, malapit sa main gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara at doon binabawasan nang ‘di kukulangin sa 1000 litro ang mga kargamentong petrolyo ng kada dumadaang behikulo at nagbebenta ng nakaw na produkto sa mababang halaga.
Binabantuan ng Methanol ng sindikato ang nabawasang kargamento ng mga truck upang ‘di mahalata ng may-ari ng trucking firm at operator ng suking gasoline station na napagnakawan na ng sindikato ang kargamento.
Ang criminal cops din ang hayagang nagpapatakbo ng operasyon ng biyahe ng colorum van at illegal terminal na nag-o-operate na sa loob ng compound ng Batangas City Pier.
Dati ay pinatatakbo ang operasyon nito ng isang prominenteng negosyante sa Batangas City simula pa sa panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), ngunit nang maupong opisyal ng PNP Region 4A at matuklasan ng PNP colonel alyas “Colonel Buriki” ang bilyones na pinagkakakitaan sa ilegal na aktibidad ay ipinapatay ng Kernel sa kanyang “criminal cops” noong 2017 ang naturang mangangalakal pati na ang katiwala at bodyguard nitong si alyas “Joker”.
Liban sa pagpapatay sa dalawa, ipinalikida din ni “Colonel Buriki” ang alkalde sa isang bayan sa Batangas, na binaril ng isang sniper habang nanonood ng basketball games sa kanilang municipal plaza, at ang isang engineering contractor na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INK) na pinagbababaril ng isang miyembro ng criminal cops sa isang restaurant sa Brgy. Bolbok, Batangas City, malapit sa kanilang kapilya.
Tinodas din ng criminal cops ang isang alyas Edwin na operator ng paihi/buriki sa Brgy. Sampaga ng naturang lungsod na itinumba sa harapan ng kanyang bahay sa Sitio Ibaba, Brgy. Sta. Clara.
Ang grupo din ng criminal cops ang responsable sa pag-ambush at pagpatay sa Brgy. Tanod Chief ng Brgy. Wawa, Batangas City may tatlong taon na ang nakararaan dahil sa pagtutol nitong gamiting bagsakan ng mga nakaw na produktong petrolyo ang kanilang barangay. Ang biktima na Vice-President ng Batangas Varsitarian (BV), Batangas City Chapter ay nagtamo ng walong tama ng .45 sa ulo at dibdib. Pangunahing suspek sa pamamaslang ang Sgt. Buloy at ang criminal cops.
Nahulihan si Sgt. Buloy ng dalawang hindi lisensyadong .45 na pistola sa isang police raid kabilang dito ang ginamit sa pagpatay sa Wawa barangay tanod chief, ngunit pagdating sa Batangas PNP Provincial Police Office ay isa lang na pistola ang pinalitaw ng mga operatiba na nasamsam dito.
Matapos ang sunod-sunod na pamamaslang ay sina “Colonel Buriki” na ang nagpatakbo ng mga paihian/burikian at biyahe ng mga colorum van at illegal terminal sa Batangas City Pier, at maging ng iba pang ruta ng walang prangkisang van sa ibat ibang bahagi ng lalawigan at CALABARZON area.
Gayunman, wari’y inutil sina Col. Malinao Jr. at LtCol. Banderado laban sa mga ito.
Samantala, pinalayas na kamakalawa ng port officials ang mga pumipilang colorum van sa parking area sa loob ng Batangas City pier kasabay ng pagkabunyag na nasa likod ng operasyon nito ang “criminal cops”. Ngunit ginawa namang pilahan ng mga naturang van sa kalsada ng harapan ng 7/11 sa Brgy. Sta. Clara na nagiging dahilan ng matinding pagsisikip ng trapiko sa lugar.