Advertisers
ITINUWID ng Bureau of Special Inquiry – Bureau of Immigration ang pahayag ng kampo ng nasibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping na siya ay Pilipino.
Sa isinagawang clarificatory hearing ng Board of Special Inquiry-Bureau of Immigration na pinamumunuan ni Atty. Gilbert Repizo,na ipinakita ang mga ebidensiya ng Special Prosecutor na nagpapatunay na hindi Pilipino si Guo Hua Ping o Alice Leal Guo at dinaya lamang nito ang kanyang mga dokumento.
Ayon kay Atty. Repiso, ang hawak na ebidensiya ng Immigration ay mga fingerprint at biometrics ni Guo na personal niyang isinumite sa bureau sa kanyang pagbiyahe paglabas at pagbalik sa Pilipinas.
Sa clarificatory hearing nitong biyernes, binanggit ng abogado ni Guo ang findings ng NBI patungkol sa fingerprint ni Alice Guo at ang birth certificate ni Guo na aniya ay illegal dahil hindi nabigyan ng pagkakataon ang kanyang kliyente na makuwestiyon ang mga naturang dokumento.
Ngunit pinaliwanag ni Atty Repiso na ang ginagamit na ebidensiya ng Bureau of Immigration laban kay Guo ay ang mga nasa data ng kawanihan na personal na kuha kay Guo.
Binanggit din ni Atty Repiso na si Guo ay naisyuhan ng mga pasaporte at tuwing siya ay babiyahe ay kinukunan siya ng larawan, fingerprints at biometrics at lahat aniya ng dayuhang pumapasok at lumalabas ng Pilipinas ay may existing data sa bureau.
Sa pagtatapos ng clarificatory hearing, binigyan ni Atty Repizo ng 15 araw ang kampo ni Guo na magsumite ng controverting evidence na magpapatunay ng kanilang alegasyon. (RONALD BULA)