Advertisers

Advertisers

SEC. REMULLA AT GEN. TORRE VS ‘SALOT’ SA CAVITE

0 2,070

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

PINUNA ng grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) ang pananahimik ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jesus Victor “Jonvic” Remulla sa usapin ng mga ilegal sa Cavite.

Si Remulla ay personal na pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang pamunuan ang DILG at ang Philippine National Police (PNP) sa paniniwalang magagampanan nito ang kanyang trabaho bilang tagapamahala ng mga rehiyon, probinsya, lungsod at mga munisipalidad sa bansa.



Pinangangambahan ng grupo ng MKKB na malayong mangyari ang inaasahan ni PBBM kay Sec. Remulla sapagkat hindi nakikitaan ito ng pagpupursigi na masugpo ang korapsyon sa provincial at municipal executives, police commanders, at mga indibidwal na nasa likod ng talamak na operasyon ng iba’t ibang iligal sa Cavite na mismong lalawigan niya.

Tinukoy ng MKKB ang isang “Ka Minong” na wanted ng mga alagad ng batas at may warrant of arrest sa kasong murder, isang “Hero” at isang alyas “Jun Toto” na lantarang mga nag-o-operate ng mga sugalan na front din ng bentahan ng shabu.

Ginagamit nina Ka Minong, Hero at Jun Toto ang pangalan ng mga Remulla sa operasyon ng illegal gambling tulad ng STL bookies, sakla, lotteng, pergalan (peryahan na pulos sugalan) at iba pang uri ng vices, bukod pa sa oil at fuel smuggling at “paihi” na nagkalat sa halos lahat ng lungsod at bayan sa naturang lalawigan.

Si Ka Minong ang kinikilalang godfather ng gambling at drug operations sa Cavite, at nagtalagang “kapustahan” (police tong collector) sa kanang kamay nitong si Hero upang ipangolekta ng “weekly protection money”, ang ilang lokal na opisyales ng pulisya at maging ng Cavite PNP Provincial Police kasama na ang tanggapan ni PNP OIC Provincial Director, Colonel Dwight Alegre.

Hawak din ng puganteng si Ka Minong ang mga killer for hire sa buong lalawigan.



Si Hero ay operator ng mga saklaan, kasosyo ang isang Joji, sa mga bayan ni Amadeo Mayor Reden John B. Dionisio, at kay Mendez Municipal Mayor Francisco “Coco” Mendoza.

Si Joji naman ang umaaktong “poste” o tagapamahala sa sakla joints na may shabuhan sa mga bayan ng Amadeo at Mendez.

Si Joji din ang taga-“timbre” sa mga umo-orbit na pulis at iba pang awtoridad upang ipaalam na ang kanilang saklaan at drug den ay kasama na sa nakadeklara at kinukunan ni Hero ng lingguhang payola para sa Cavite PNP, Region 4A at Camp Crame Police Headquarter.

Ang iba pang sakla dens ni Hero, na araw-araw na nag-o-operate sa mga barangay, lisensyadong cockpit at maging sa mga “tupadahan” ay nagkalat sa mga bayan ng Maragondon, Ternate, Magallanes, Bailen Bacoor at Cavite City kasosyo ang pekeng NBI operative na si “Elwyn” at “Eric Turok”.

Sa Dasmariñas City, kasosyo nina Ka Minong at Hero ang isang fake police “Sgt. Ewang”, at sa Naic ay kasosyo ang babaing drug pusher na si Maricon.

Higit pa sa P750k ang weekly tong collection ni Hero sa lahat na saklaan sa Cavite bukod pa ang intelehencia sa mga saklaan na nasa lisensyadong sabungan at tupadahan.

Tinukoy din ng MKKB ang isang “Jun Toto” na operator ng mga bookies ng EZ2, Peryahan ng Bayan (PnB), lotteng at mga online gambling na may bentahan ng droga partikular shabu sa 72 barangays sa siyudad ng Dasmariñas, at sa halos lahat pang mga lungsod at 16 bayan sa Cavite.

Ang masaklap, nag-o-operate na nga ng mga bookies at online gambling ay ipinangongolekta pa ni Jun Toto ng “protection money” ang babaeng batang gobernador ng Cavite na si Athena Bryana Tolentino.

Mayroon ding paihian/burikian ng petroleum products sina alyas Amang at Violago Group sa Brgy. Bancal, sa hurisdiksyon ni Carmona City Mayor Dahlia Loyola; samantalang may mga peryahan na pulos sugalan sina alyas Lodi sa Brgy. Ibayo Silangan at Ibayo Estacion, Naic, Tetet sa Brgy. Salawag, Dasma at Jessica na nagkalat ang pwesto ng pergalan sa iba’t ibang bayan at barangay sa Cavite.

Nauna nang nanawagan ang MKKB na paigtingin ng mga awtoridad lalo na ng tanggapan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, MGen. Nicolas Torre III, ang implementasyon ng anti- gambling law sa CALABARZON partikular nina CIDG Regional Field Unit Chief Col. Geovanny Emerick Sibalo at Cavite CIDG Provincial Officer LtCol. Mark Jason Gatdula.

Batay sa RA 9287, may 12 hanggang 20 taon pagkabilanggo at multang P5m laban sa mga illegal gambling coddler o protector lalo na sa mga elected government official, kabilang na ang mga gobernador, mayor at iba pang opisyales ng pamahalaan kasama pa ang habang buhay na diskwalipikasyon na humawak ng pwesto o manungkulan sa pamahalaan.