Advertisers
Ni Archie Liao
HALOS iisa ang naging reaksyon ng mga nakapanood ng “Idol: The April Boy Regino Story” sa premiere night na ginanap sa isang hotel na swak ang bidang si John Arcenas sa role ng namayapang OPM icon.
Katunayan, nabigyan niya ng justice ang role ng nasabing iconic singer-songwriter.
Obserbasyon pa ng iba, tila raw sinapian si John ni April Boy dahil kuha nito ang nuances ng novelty singer.
Biniro naman namin kay John, mas pogi siya kesa kay April Boy.
Hindi naman kataka-takang naitawid niya ang nabanggit na role dahil talaga raw inaral niya ang buhay ng singer na nagpasikat ng mga awiting “Paano ang Puso Ko”, “Umiiyak ang Puso Ko’t Sumisigaw”, “Sanaý Laging Makapiling”, “Di Ko Kayang Tanggapin” at iba pa.
Ani John, nag-audition daw siya sa role ni April Boy.
“Kilala ko po si April Boy even before,” aniya. “Idol po kasi siya ng tatay ko kaya familiar po ako sa songs niya,” aniya. “Noong nagsisimula naman po akong kumanta, naririnig ko na ang mga songs niya lalo na po iyong “Di Ko Kayang Tanggapin”, dugtong niya.
Hirit pa niya, masaya raw siya dahil siya ang nabigyan ng pagkakataon na magampanan ang life story ng kanyang idol.
“Alam kong big responsibility iyong ibinigay na chance sa akin to portray him kaya naman, hindi lang iyong mga kanta niya ang inaral ko. Nanood din po ako ng videos para maaral ko ang kanyang nuances at mannerisms lalo na iyong pagsusuot niya ng baseball cap,” paliwanag niya.
Bilang paghahanda rin daw sa kanyang role ay sumailalim din siya sa voice lessons.
“Nag-attend po ako ng voice lessons kasi medyo mahirap po ang timbre ng boses niya kasi very distinct po siya. Ayoko naman po na lumabas na ini-impersonate ko siya kaya naging maingat po ako kaya naging meticulous po ako sa lessons ko,” pagbabahagi niya.
Sey pa niya, nakatulong daw naman ang pagiging tunay na singer niya para magampanan niya ang papel ni April Boy.
Kasama ni John sa pelikula ang kanyang leading lady na si Kate Yalung na ginagampanan ang role ni Madelyn, ang asawa ng singer.
Nasa supporting cast naman sina Hero Bautista bilang recording executive na si Tony Ocampo at John Nite bilang German Moreno. May special participation din ang multi-awarded songwriter at hitmaker na si Vehnee Saturno.
Tampok din sa pelikula sina Dindo Arroyo, Tanya Gomez, Rey “PJ” Abellana at Irene Celebre.
Ang mga kapatid ni April Boy na sina Vingo and Jimmy ay kasama rin sa pelikula.
Ang batang April Boy naman ay ginagampanan ni Jaodencio Llanto.
Mula sa produksyon ng WaterPlus Productions ni Marynette Gamboa at sa direksyon ni Efren Reyes, Jr. ang “Idol: The April Regino Story” ay mapapanood na sa mga piling sinehan simula sa Nobyembre 27.