Dennis ibinida ang pambihirang suporta ni Jennylyn sa ‘Green Bones’; Moira pinakikialaman ng bagong dyowa ang career
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
ISA kami sa piling press people na naimbitahan sa special screening ng pelikulang Green Bones. Dumalo ang mga bidang sina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Nagpaunlak naman ng interview ang dalawang aktor bago magsimula ang Green Bones.
Una naming nakatsikahan si Dennis. Tinanong namin siya kung ano ang pakiramdam niya na kakaunti ang sinehan na naibigay sa kanilang pelikula kumpara sa iba. Sey ng aktor, siya, raw ang tipo ng tao na makukuntento lang kung ano ang binigay sa kanya, pero mas gusto na nga raw niya na kaunting magsimula at madadagdagan nang madagdagan, keysa naman daw marami sa umpisa, pero hindi naman napupuno ang sinehan.
Totoo naman ang sinasabing ito ng aktor, dahil balita nga namin from 47 theaters lang na meron ang Green Bones nung una, ngayon ay 69 cinemas na, at posibleng madadagdagan pa raw ito.
Dahil nga sa ganda ng pelikula, kaya naging word of mouth ito na mas marami ang nanood na naging dahilan para magdagdag nga ng mga sinehan,
Ayon pa kay Dennis, naging iba raw ang atake niya sa role na ginampanan niya sa pelikula. Kalkulado bawat galaw, senyales at linyahan. Yung storytelling daw ng pelikula ay sineryoso nilang dalawa ni Ruru kaya masaya siya sa magandang feedback ng mga nakapanood na.
Binida rin ni Dennis ang pambihirang suporta ng asawang si Jennylyn Mercado. Nakakatuwa raw dahil para sa kaniya ang asawa raw ang numero unong kritiko niya. Bihira raw itong manood ng mga projects niya, piling pili lang. Kaya naman daw nung premiere night kung saan nanood ang aktres ay nakita niya kung paano ito maiyak, as in break down at matagal bago makaget-over kahit tapos na ang pelikula.
Inaasahan ng aktor na sa pamamagitan ng word of mouth ay mas marami pa ang makapanood ng kanilang pelikula.
Well, marami ang nagsasabi at hindi naman kami kokontra dahil napanood na namin ang Green Bones at napakahusay dito ni Dennis, sa totoo lang.
***
IPINAGTATAKA ng mga netizens ang tila paglamlam ng career ni Moira dela Torre. Kumpara kasi dati, wala ng major concerts at sunud sunod na hit songs.
Hanggang sa recently ay may tsikang nagkakaroon daw ng problema ang hugot queen sa kanyang management.
True enough, dahil nakarating din sa sikat na showbiz vlogger/host na si Ogie Diaz ang isyu at ayon sa kanyang source ay binitawan na nga raw ng Cornertstone, ang management ni Moira, ang singer, dahil umano sa attitude at sa pagiging diva nito.
Nagde-demand na raw ito kung ano na ang plano sa kanya ng management.
Ang ikinaloka pa raw ng Cornerstone ay nakiusap pa raw ang singer kung pwede sana ay mag-co-manage na lamang ang sarili niyang team sa kanyang management, ngunit hindi raw pumayag ang Cornerstone.
How true rin daw may kinalaman ang non-showbiz boyfriend ni Moira sa kanyang mga desisyon?.
Nakarating din sa Cornerstone na sinasabihan umano ng singer ang kanyang road manager na sa kanya na sumama at mag-resign na sa talent agency. Narinig pa nga raw ng Cornerstone ang pag-udyok ni Moira sa kanyang RM dahil naka loud speaker phone raw ito habang kausap siya.