Advertisers
PATAY ang isang buntis nang mabagsakan ng bomba habang lumilikas sa gulo Martes ng gabi sa Barangay Pusao, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Kinilala ang biktima na si Rabiyah Damada Lakim.
Nangyari ang insidente 10:00 ng gabi, batay sa pahayag ng bayaw ng biktima na si Mursid Mamolintao.
Ayon kay Mamolintao, nagpakawala ng mortar ang militar, at habang lumilikas sila ay tinamaan sa leeg ang ginang na pitong buwan buntis at may isa nang anak.
Patuloy ang tensyon sa lugar dahil sa manaka-nakang palitan ng putok sa pagitan ng militar at ng hinahabol nilang teroristang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Matatandaang Lunes ng gabi ay tinamaan din ng mortar ang anim na sibilyan sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao.
Dalawang bata ang sugatan sa anim na biktima na kinilalang sina Adam Tumbe, 15; Mama M Nano, 44, Saad Tumbe, 6; Hamdan Kusain, 20 ; Haris Abdulkarim, 36; at Zahra Mea, 8.