Advertisers
Taas-noo ang mga taga-Maynila ngayon dahil sa galing ng kanilang bagong alkalde, sa katauhan ni Mayor Isko Moreno.
Hindi lamang ito dahil sa nakabubusog-matang kagandahan ng kapaligiran ngayon sa buong Maynila, kundi dahil na din sa sunod-sunod na award na tinatanggap ng lungsod dahil sa galing ng mga serbisyo ng pamahalaang-lokal.
Kelan lang ay hinirang ang Maynila bilang ‘Most Competitive City’ sa buong bansa sa ginanap na 8th Regional Competitiveness Summit ng Department of Trade and Industry, bukod pa sa ‘Most Competitive in Infrastructure Award in Highly-Urbanized Cities’ at ‘Most Competitive in Government Efficiency Award for Highly- Urbanized Cities.’
Nakuha din ng Maynila ang ikatlong puwesto bilang Most Competitive in Resiliency for Highly Urbanized Cities at Most Competitive in Government Efficiency.
Bago niyan ay nakakuha ng ikalawang puwesto ang Maynila sa kategoryang ‘Best in Customer Empowerment G2C’ at ‘Occupational Permits and Health Certificate Integration System’ ng Digital Governance Awards 2020. Iginawad ito sa Maynila sa pamamagitan ng National ICT Confederation of the Philippines (NICP), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Information and Communications Technology (DICT). Dahil ‘’yan sa pangunguna ni Moreno sa paglulunsad ng sistemang ‘online’ sa pagbabayad ng mga buwis sa lungsod.
Bago niyan, nitong nakaraang buwan lang ay nakuha naman ng Maynila ang Seal of Good Financial Housekeeping na mula rin sa DILG, batay sa mga epektibong programa ng lungsod kaugnay ng disaster preparedness, social protection, peace and order, business friendliness and competitiveness at tourism, culture and the arts.
Tapos niyan, ilang araw lang ang nakararaan ay kinilala naman ang Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla bilang isa sa top awardees ng “Gawad Bayaning Kalusugan” ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Association of Allied Health Organizations of the Nation (AAHON) at Health Educationalist, Advocates and Leaders Philippines (HEAL Phils). ‘Yan ay dahil sa kalidad ng serbisyong ibinibigay ng nasabing ospital sa panahon ng pandemya at kabayanihang ipinakita ng mga medical frontliners nito.
Ang “Manila COVID Warriors” team ni Padilla ay nagkamit din ng pagkilala bukod pa sa cash prize.
Nakatutuwa na bagama’t hindi kelan man hinangad ni Mayor Isko na humakot ng mga parangal para sa kanyang mga ginagawa para sa mga taga-Maynila, nariyan at patuloy na umuulan ang mga papuri at parangal.
Talaga namang kabibiliban mo ang kasipagan at dedikasyon ni Mayor Isko Moreno sa kanyang walang-tigil na pag-iisip kung paano patuloy na mapo-proteksyunan ang mga taga-Maynila laban sa COVID-19.
Hindi siya halos natutulog sa kaiisip at makikita naman ng lahat ang magagandang resulta dahil minsan, tila nauungusan pa nga ni Mayor Isko ang mga awtoridad ng national government pagdating sa mga hakbanging kaugnay ng COVID-19 at maging sa iba pang proyekto na layuning padaliin ang buhay ng mga mamamayang nasasakupan niya.
Dahil din sa ipinamamalas na kagalingan ni Mayor Isko kung kaya’t umuulan din ang mga tulong at donasyon mula sa mga kapwa Pilipino dito at sa abroad at maging mula sa mga banyaga, bagay na hindi nangyayari sa ibang lungsod sa bansa.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.