Advertisers

Advertisers

TAGUMPAY ANG QUAD COM

0 30

Advertisers

UNAHIN muna natin ang Quad Com. Mas mahalaga paksain ang super body na binuo ng Camara de Representante upang alamin ang mga kalokohan. Mas mahalaga ito sa bayan imbes na ang rali para sa kapayapaan ng Iglesia ni Cristo (INC) . Natuwa ang mga lider at kasapi ng Quad Com sa resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia na nagsabing 61% ng mga Pinoy ang pabor sa imbestigasyon ng QuadCom.

Kasalukuyang nagsisiyasat ang Quad Com sa mga isyu ng illegal Philippine offshore gaming operators (POGO), illegal drug trade, land grabbing ng Chinese nationals at extrajudicial killings na pawang inuugnay sa pamilya mamatay tao. “This overwhelming support from the Filipino people strengthens our resolve to go after those responsible for these systemic abuses. The people demand justice, and we will not back down,” ayon kay Kin Robert Ace Barbers, ang presiding chair ng super committee.

Kinabibilangan ang Quad Comm nina Barbers ng Surigao del Norte bilang lead chairman; Kin. Dan Fernandez ng Laguna, Kin. Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng Abang Lingkod Party List, at Kin. Bienvenido Abante ng Maynila bilang mga co-chairman; at Kin. Romeo Acop ng Antipolo City bilang senior advisor.



Iginiit ni Barbers at mga kasamang mambabatas na ipakita nito ang kumpiyansa ng publiko sa kanilang tungkulin sa Quad Comm upang maungkat ang iba’t ibang ilegal na aktibidad na inuugnay sa administrasyong Gongdi at upang mapanagot ang mga ito sakaling mapatunayang ‘guilty’ sa mga alegasyon.

“This overwhelming support from the Filipino people strengthens our resolve to go after those responsible for these systemic abuses. The people demand justice, and we will not back down,” ani Barbers.
***
HINDI kami nasisindak, nagugulat, o natutuwa sa dami ng mga tao na dumalo sa tinaguriang “prayer rally for peace.” Mas lalong hindi kami nababahala. Kahit na makapal ang mga tao sa rali na pinamunuan ng Iglesia ni Cristo an sinalihan ng mga DDS, or mga grupong sumusuporta kay Gongdi at Sara Duterte, hindi kasi malinaw ang sagot sa katanungan ng isang netizen na nangangalang Rafael Naluz Sioc. Hindi namin siya kilala personal.

Ani Sioc: “Ang tanong, sino ba ang nanggugulo sa ating bansa at kailangan ninyong [magdaos ng] prayer rally for peace? Hindi nasagot ang tanong na iyan bagaman sa huling sandali inamin ng isang tagapagsalita ng InC na suporta kay Sara ang rali. Hindi nila naitago na sumusuporta ang InC kay Sara dahil nahaharap siya sa malagim na katotohanan na maaari siya alisin ngayong taon sa pamamagitan ng impeachment.

Ito ang dahilan kung bakit sumama ang mga DDS sa rali umano ng InC. Kaya ito lumaki dahil magkahalo ang mga kasapi ng InC at DDS. Hindi totoo ang ipinangangalandakan ng InC na tanging mga kabilang lang sa InC ang sumama sa rali. Nandiyan ang malaking bilang ng mga DDS. Pawang hinakot at binigyan ng pagkain.

Malaki ang nagastos ng pamilya ni Gongdi sa rali. Kunsabagay, hindi pa naipapaliwanag ni Sara kung saan niya dinala ang P612-M confidential fund. Takot na takot siyang magpaliwanag at ginamit niya ang InC upang makawala sa mga bintang sa kanya. Magandang basahin ang ang sinabi ni Sonny Trillanes:



“”Ang mga krimen ni Sara:
1. Nagwaldas ng daan-daang milyong pera ng bayan sa DepEd at OVP.
2. May ill-gotten wealth na daang milyong piso.
3. Tumanggap ng pera sa druglord.
4. Nagbanta na ipapatay si PBBM.
Ano quits lang? No way!
IMPEACH SARA!!!”

Samakatuwid, sinusuportahan ng InC ang tiwali. Isang relihiyon ng tiwali ang InC. Kailangan magmuni-muni ang mga kasapi ng InC dahil sa katotohanan na inililihis sila ng kanilang pamunuan. Hindi sila dinadala sa maayos.

Dahil sa suporta, malakas ang loob ni Sara na ipahayag na tatakbo siyang pangulo sa 2028. Masyadong maaga iyan. ‘Day. Hitik tayo sa karanasan sa pulitika na hindi nananalo ang mga nagmamadali. Hindi nanalo ang lahat ng dinala ng InC. Marami sa kanila ang natalo.
*
NGAYON pa lang, pinili ng InC si Sara na isang tiwaling lingkod bayan. Binitiwan si BBM sa walang malinaw na dahilan. Ang tingin namin hihingi ng pabor ang InC upang itakwil si Sara sa dakong huli. Kabilang ang InC – sa pula, sa puti. Doon sila sa mananalo. Hindi namin nakikita na mananalo si Sara sa dakong huli.

Nakikita namin siya na tatangalin sa poder sa impeachment trial at dahil dito, hindi na siya muling makakatakbo kahit tagasilo ng asong gala sa barangay. Hindi siya patatawarin ng kampo ni BBM. Kasama diyan si Sen. Sherwin Gatchalian na gustong tumakbo bilang bise ni Sara. Dalawang ambisyosong pulitiko na parehong mapurol ang pag-iisip.

***

Email:bootsfra@gmail.com