Advertisers
KUMBINSIDO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa opinyon at paninindigan ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Juan Ponce Enrile.
Ito’y kaugnay ng babala ni Enrile ukol sa posibleng implikasyon kung hindi ipatutupad ang nakasaad sa Saligang Batas hinggil sa mga inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang ambush interview, binigyang-diin ni PBBM na si Enrile ay kabilang sa pinakamahuhusay na legal thinkers sa bansa.
Aniya, tama ang obserbasyon ni Enrile na mandato ng Kamara at Senado na talakayin ang mga reklamong impeachment laban sa bise-presidente.
Gayunpaman, ipinahayag ng Pangulo na sa kanyang opinyon, hindi pa ito ang angkop na panahon para gawin ito.
Paliwanag niya, papasok na ang bansa sa panahon ng kampanya para sa nalalapit na midterm elections sa Mayo ngayong taon.
Dahil dito, ayon sa Pangulo, magiging abala ang mga kongresista at senador sa pangangampanya kaya’t mahihirapan nang makakuha ng atensyon para tugunan ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte.
Dagdag pa ni Pangulogn Marcos, tiyak na magiging mahirap nang makabuo ng quorum upang maiproseso ang mga reklamo kaya’t malabo itong maaksyunan o mabigyan ng sapat na oras sa kasalukuyan. (Gilbert Perdez)