“Tsapa” ni Gen Quesada at Col Revita, nabili na nga ba ng mga gambling operator sa Oriental Mindoro?
Advertisers
IPINANGANGALANDAKAN ng ilang gambling operators sa Oriental Mindoro na umaabot na diumano sa 60% ng kanilang kita sa iligal na sugal ay napupunta sa ilang tiwaling opisyal ng kapulisan bilang ‘goodwill’ at ‘weekly payola’.
Anila, kailangan nilang makisama sa ilang government officials sa nasabing probinsya para mapanatili ang “gambling operation” ng walang bumubulabog kaya’t mistulang mga mini casino na nagsulputan sa ilang bayan ang mga perya na may sugal tulad ng “color games, baklay at drop ball” na matatagpuan sa mga bayan ng Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Naujan, Victoria, Pinamalayan, Roxas, Bongabong, Socorro, Gloria, Bansud, Mansalay, Bulalacao at Victoria at Calapan City.
Bukambibig ng mga iligalista na kasangga nila ang ilang mga matataas na opisyal sa pamamagitan diumano nina alyas Sgt Raymond, Sgt Leynes, Sgt Guco at Sgt Hernandez o Nonoy mga nagpakilalang sagradong tauhan diumano ng S2, R2, RSOG at CIDG.
Ayon naman sa isang “texter” na nagpakilalang PNP official na ayaw banggitin ang kanyang pangalan na totoo itong ating mga ibinabalita at ibinubulgar. Sinabi niya na nabili na ang “tsapa” ng kanyang mga kabaro sa nasabing probinsya ng mga kilala at bigtime na mga gambling operators at patunay umano ang paglaganap ng iligal na sugal.
Ang tanong, alam kaya ito nina Oriental Mindoro Provincial Director PCol Edison Revita, PRO MIMAROPA Regional Director Police Brigadier General Roger Quesada at CIDG Director PMaj Gen. Nicolas Torre?
Ayon naman sa ilang residente at religious group simula umano na maitalaga ang mga nabanggit opisyal lumalala na ang nakawan at patayan sa lalawigan ni Governor Humerlito Dolor.
Base sa classified information na natanggap ng pitak na ito, umabot na sa higit P500,000 ang lingguhang intelihensya mula sa iligal na sugal ang nakokolekta ng mga kolektong mula sa iligal na sugal na patuloy na namamayagpag sa naturang lalawigan.
Kumbaga pakuya-kuyakoy na lamang sa kanilang mga opisina ang ilang opisyal na sangkot sa illegal vices.
“Isa sa mga dahilan kaya namamayagpag ang sugal sa Oriental Mindoro dahil sa mga garapal na mga “bagman” na nagpapahirap sa mga peryante.” – wika ng ilang residente
“Sinong gagong tao ang maniniwalang hindi patong sa opisyo ng iligal na sugal ang mga matataas na opisyal na yan kung ganireng kaming mga residente sa Oriental Mindoro ang kumokondena sa mga inu-umagang sugal sa perya.” – pahayag ng isang galit na galit na residente
Anyare nga pala sa “marching order” ni SILG Sec Jonvic Remulla sa mga protektor at programa at estratehiyang ni PNP Chief, Rommel Francisco Marbil na kanyang palalakasin ang kampanya kontra sa lahat ng klase ng iligal at kriminalidad sa pamamagitan ng pakikipag tie-up sa mga ahensya ng pamahalaan.
Speaking of iligal PNP Chief Marbil Sir, hindi lamang drop ball baraha at color games ang lantad ang presensya sa nabanggit na probinsya kundi maging ang pamamayagpag ng jueteng ng mga magkakasosyong pulitiko sa first district ng Oriental Mindoro.
Dapat paimbestigahan ni Marbil at Remulla ang direktang paglapastangan at pambabastos sa batas na PD 1602 at RA 9287 dahil mismong ang mga tagapagpatupad ng batas ang bumabalewala dito?
Nitong nakaraang taon (2023-2024) ibinunyag na natin ang hinaing ng mga taga Oriental Mindoro, kaugnay sa perwisyo at salot na gabi-gabing sugal sa perya, Hanggang ngayon (2025) na nandyan pa at patuloy na namamayagpag dahil sa proteksyon na ibinibigay ng ilang tiwaling opisyal ng kapulisan at maimpluwensiyang pulitiko.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.