Advertisers
Umapela si House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) upang tiyakin na magiging patas at mapayapa ang eleksyon sa Pampanga sa Mayo.
Ginawa ni Gonzales ang pahayag sa pagdinig ng Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Rep. Dan Fernandez ng Santa Rosa City sa Laguna kaugnay ng anim na kaso ng political killings sa ikatlong distrito ng lalawigan, na kinakatawan ni Gonzales sa Kongreso.
Dagdag pa ni Gonzales hindi dapat matakot ang mga barangay captain at barangay leaders dahil nandiyan si Gen. Fajardo at ang kapulisan.
Aniya, magiging tahimik ang eleksyon at protektado ang buong Region 3.
Siniguro naman ni Fajardo na lahat ng manpower at logistical support ng PNP sa Comelec ay nakatuon upang matiyak ang isang safe, secure at credible elections.
Nangako rin si Gen.Fajardo na bilang lider ng kapulisan sa Region 3 ay gagawin nito ang lahat para maging maayos at mapayapa ang paparating na halalan.
Kinondena rin ni Fajardo ang mga pagpatay sa distrito ni Gonzales sa pagitan ng Abril 2022 at Nobiyembre 2024.
Sa apat na kaso, sinabi ni Fajardo na nasampahan na ng reklamo ang mga suspek.
Nagpasalamat naman si Fajardo kay Gonzales at sa mga miyembro ng Kamara na nagsusulong ng maayos na halalan.
Nagpasalamat din ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni San Fernando City Mayor Vilma Caluag sa pagsasagawa ng pagdinig.
Sinabi ni Caluag na siya at ang kanyang mga kaalyado ay mayroong mga kalaban na konektado sa “powerful political family in Pampanga” na nagdudulot ng tensyon.
Sa opinyon ng inyong lingkod, ngayon pa lamang ay may concerted efforts na ang administrasyong Marcos Jr. na ikondisyon ang isip ng mga Kapangpangan para palabasing magulo ang pulitika sa nasabing lalawigan at mabago ang liderato ng probinsiya na may ilang dekada na ring pinamumunuan ng pamilya Pineda.
Ang mga Pineda ay sinasabing malapit na kaalyado ng mga Duterte na kalabang mortal naman ngayon ng administrasyong Marcos Jr.
Ang mga Pineda ay pinamumunuan ng Patriarch nito na si Rodolfo “Tatay Bong” Pineda alias Doce,kinikilalang gambling kingpin ng buong Central Luzon.
Nasa Pampanga rin ang Isa pang karnal na supporter ng mga Duterte na si former House Speaker at former President Gloria Macapagal Arroyo.
Suspetsa natin, gustong gibain ng rehimeng Marcos ang moog ng liderato ng mga Pineda sa Pampanga upang walisin ang balon ng boto ng mga Duterte sa darating na 2028 presidential elections kung saan inaasahang lalahukan ito ni Vice President Sara Duterte na pangunahing target naman ngayon ng demolition job ng dalawang sangay ng Kamara.
Obvious naman kung sino ang nasa likod ng paggiba sa mga Pineda ngayong 2025 midterm elections dyan sa Pampanga at ito ay inumpisahan nang gibain ng mga kilalang aso ni Speaker Martin Romualdez na may ambisyon ding tumakbo bilang Pangulo ng bansa.
So mga kabayan,kitang kita na ngayon ng buong sambayanan kung bakit ganito ang mga galawan sa Kongreso sa ngayon .
Parang binu-bulldozer ng mga asong kongresista ni Speaker Romualdez ang mga inaakala nilang sagabal sa ambisyon ng kanilang Speaker.
May kasunod…
Abangan.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com