Advertisers
FORMAL Labor Migrant Workers Council (FLMWC) ang isa sa labing-apat (14) na batayang sektor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Binubuo ito ng dalampu’t-limang mga kinatawan mula sa private sector (15), migrante, o OFW (5), at public sector (5). Ang FLMWC ay konseho ng mga manggagawa na siyang naguusap-usap at tumatalakay sa mga isyung pinapasan ng kanilang hanay.
Bilang konseho, pumipili ang bawat obrero at ibang batayang sektor ng Sectoral Representative (SR) na magiging kinatawan para sa konseho ng 14 na batayang sektor na siyang magpapaabot ng kanilang mga hinaing at isyung lokal tungo sa usaping pang-bansa. Mula dito, pumipili muli ng isang kinatawan para maging vice-chairperson ng NAPC secretariat na siyang magtitiyak na makararating sa kinauukulan ang bawat isyung pinaabot ng bawat sektor.
Sa karanasan, nais bigyan puwang ng Batingaw ang ilan sa mga mahahalagang naiambag ng FLMW sa mga usapin ng mga obrero sa bansa. Sa pangunguna ng kanilang masipag na Sectoral Representative na si Edwin Bustillos, nabigyan pansin ng maraming sangay ng pamahalaan ang mga isyu na nais iparating higit sa lahat sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Maraming resolusyon ang ipinaabot ng konseho para sa kagalingan ng uring obrero. Una, ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga obrero sa mga inspection ng mga industriya o pabrikang hindi sumusunod sa mga regulasyon ng Kagawaran lalo na sa kagalingan, kaligtasan at kalusugan ng mga obrero.
Nang magkaroon ng sunog sa isang pabrika, isinulong ng konseho na magkaroon ng inspection sa lugar ng nasunog upang masuri at matukoy kung may mga paglabag. Sa pagsusuri’y lumabas na may mga paglabag sa regulasyon ng Kagawaran. Napatawan ng parusa ang negosyanteng may-ari ng pabrika.
Ang ganitong insidente ay nagbunsod para gumawa ang Kagawaran ng isang Department Order na magsisiguro sa kaligtasan ng mga obrero sa katulad na negosyo. Kasama rin sa DO ang pagiging bahagi ng obrero sa mga inspeksyon group. At sinundan ito ng mga pagsasanay sa hanay ng obrero kung paano o ano ang gagawin sa inspekson. Di ba’t isang malaking tagumpay ito sa mga obrero at sa FLMWC.
Pangalawa, nais ibahagi ng Batingaw na ang FLMW ang isa sa mga masisipag na grupo na nagtutulak na maipasa ang panukalang batas hinggil sa Security of Tenure o SOT. Ubos oras ang ginawa ng mga kinatawan ng FLMW sa pakikipag-dayalogo sa mga kinatawan ng Lehislatura maging sa Malacañang upang isulong ang panukalang batas.
Hindi umuwi ng luhaan ang mga council members ng ipasa sa dalawang sangay ng Kongreso ang SOT Bill at makarating sa mesa ni Totoy Kulambo para lagdaan. Parang nabantilawang bigas ang mga obrero ng i-veto ni TK ang panukalang batas na isa sa kanyang pangako sa mga obrerong sumuporta sa kanya noong nakaraang halalan. Ito ang pangakong ipinako ng naghihilik sa ilalim ng kulambo.
Pangatlo, ang mariing pagtutulak ng mga kinatawan ng public sector sa FLMW na ipagpatuloy ang SSL4, upang maitaas ang sahod ng mga kawani sa pamahalaan na talagang gipit sa kanilang kabuha-yan. Sa isang pagpupulong mismo kay TK, naitulak ng mga kinatawan nito na mabigyan ng regalo ang mga kawani ng pamahalaan ng ituloy ang implementasyon ng SSL4 na sinang-ayunan ni TK.
Gayundin, ang pagratipika ng Senado sa ILO 151 kung saan nabigyan karapatan ang mga nasa pampublikong sektor sa pagtatayo ng unyon sa kanilang hanay. Bigyan ng isang bagsak ang konseho para dito.
Pang-apat, sa pagsisikap ng mga kinatawan ng mga migrant o OFW council members, isang magandang balita ang pinaabot ng sinertipika ni Totoy Kulambo bilang isang priority bill ang pag-bubuo ng Department of OFW. Isang malaking tagumpay ito sa hanay ng konseho na talagang pinakikingan ang mga galaw na talaga namang may pakinabang sa mamamayan, partikular sa mga obrerong OFW.
Ang paghiwalay nito sa DOLE ang magpapalinaw sa mga kaayusan na maaring gawin sa kagalingan ng OFW. Nariyan ang taunang parangal na ginagawa upang bigyan pugay ang mga natatanging OFW ng bansa.
Ang mga nabanggit ay ilan lang sa mga mahalagang ambag ng FLMW sa kagalingan ng obrerong matagal ng walang boses. Ang mga pangyayaring ito’y isang malaking tagumpay para sa ating mga obrero na masasabi nating nakakahakbang ng malaki upang isulong ang karapatan sa paghahanapbuhay.
Sa ngayon, may kinakaharap na pagsubok ang FLMW at ang 13 batayang sektor dahil sa pagmamadali ng grupo ng OSEC, na nagtutulak na gawin ang National Sectoral Assembly sa unang bahagi ng taong 2021, sa pamamagitan ng virtual scheme. Subalit marami sa mga miyembro nito ang nag-aalinlangan dahil mukhang hilaw pa upang idaos ang NSA at kailangan pa ng mga konsultasyon sa bawat hanay upang itulak ang paraan na balak sa NSA.
May mga nauulinigan ang ilang miyembro ng FLMW na nagbabalak ang ilang mga taga OSEC na isulong ang Party List Group kung saan mayroon silang layon. Hindi tinututulan ito, subalit ang konsultasyon sa mga batayang sector ang isa sa pinakatamang hakbang dahil ito ang naayon sa batas. Sa konsultasyong magaganap, dito huhugot ng desisyon ang mga batayang sektor kung itutuloy o hindi at kailan gaganapin ang NSA. Dahil walang probisyon ang batas hinggil sa virtual scheme ng NSA baka mauwi lang ito sa technicality kung itutuloy ito.
Ilang ulit na ito naantala, subalit bakit parang atat ang OSEC sa pagtutulak nito, ano ang meron bakit minamadali? Sa Secretariat huwag ipilit ang ‘di dapat, huwag ariin ang NAPC na parang sa inyo, lalo na’t ang mga batayang sector dito ang siyang dahilan ng pagkakabuo ng NAPC. Balikan ninyo ang ilang kasaysayan ng Social Reform Agenda (SRA) ng siyang batayan ng pagkakatatag ng ahensya? Attention Haring Shokey pakisilip mo ito…
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayundin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com