‘Ugnayan’ ni Mayor Honey, VM Yul kasama si Konsi Bong Marzan tuloy-tuloy ang pag-arangkada sa Distrito IV
Advertisers
TULOY-TULOY ang pag-arangkada ng ‘Ugnayan’ nina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at ang buong Asenso Manileño family kasama si Konsi Bong Marzan sa ika-apat na distrito ng Maynila.
Ayon kay Marzan ang ‘Ugnayan’ ay isang forum kung saan nagsisilbing venue upang iparating sa mga residente ng lungsod ang mga programa at proyekto ng pamahalaang lungsod.
Nabatid pa kay Marzan na isa rin itong pagtitipon kung saan direktang naipaparating ng alkalde, bise alkalde, mga konsehal at mga opisyal ang tamang impormasyon nang walang labis at walang kulang. Sa ganoong paraan ay naitutuwid at naitatama ang mga maling impormasyon na ikinakalat ng ilang grupo sa social media na layuning linlangin at lituhin ang mamayan sa kung ano ang totoong issue.
Sa kanilang ikalawang linggo sa taong 2025 ng ‘Ugnayan’, na ginanap sa Nazareth Covered Court, kasama nina Lacuna, Servo, Marzan, sina Dr. Gissele Maceda, congressional candidate para sa dist. IV at maybahay ni incumbent Cong. Ernest Maceda at mga kandidato para Konsehal na sina Councilor Science Reyes, Dr. Dianne Nieto, Christian Floriendo, Ch. Freddie Bucad, Roy Bacani at ang 523 na head of the families (HOF) mula sa Brgy. 408.
Nitong Sabado, Jan. 25 tinatayang nasa mahigit dalawang libong mga HOF naman mula sa apat na barangay sa Dist. IV ang mga bisita ng ‘Ugnayan’ na ginanap sa Galas Covered Court.
Napag-alaman na dahil sa dami ng mga HOF na bisita sa ‘Ugnayan’ ay ginawa itong dalawang batch, isa sa umaga at isa sa hapon.
Para sa unang batch sa umaga at nagsama ang mga HOF mula sa Brgy. 533 na nasa 405 ang kabuuang bilang at Brgy. 539 na nasa 660 naman ang bilang para sa total na 1065. Noong hapon naman ay magkasama ang Brgy. 538 kung saan ang HOF ay nasa 457 habang ang bilang naman ng HOF ay nasa 640 para sa kabuuang 1097.
Ang lahat ng mga bisitang HOF ay tumanggap ng P1K bawat isa at tatlong kilong bigas.
Sa nasabing pagtitipon ay isa-isang nagsalita at nagpaliwanag ang bawat isang miyembro ng Asenso Manileño family kaugnay ng mga kasalukuyang usapin ngayon sa Maynila, kabilang na ang pagkakaroon ng P17.8B utang ng Maynila na iniwan ng nakaraang administrasyon at kung paano masinop na binabayaran ng pamahalaang lungsod ang nasabing utang.
Sa bahagi ni Marzan ay ipinaliwanag niya ang pagsisikap ng administrasyon na makapagpatayo ng mga vertical mass housing tulad ng Pedro Gil Residences sa Dist. 5 at San Sebastian Residences sa Dist . 3 nang hindi kinakailangan na mangutang basta magkasama at nagtutulungan ang local at national officials. (ANDI GARCIA)