Advertisers
MULING ipinamalas ng mga pinuno mula sa rehiyon ng Visayas ang kanilang matibay na suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pangarap para sa pambansang pag-unlad.
Sa isang makasaysayang pagtitipon sa Cebu Provincial Capitol, na pinangunahan ni Cebu Governor at ‘One Visayas Bloc’ leader Gwendolyn Garcia, nagkaisa ang mga gobernador, alkalde, bise alkalde, konsehal, at mga kinatawan ng barangay mula sa Visayas upang ipahayag ang kanilang pagkilala sa mga tagumpay ng Pangulo sa pagpapatatag ng bansa.
Batay sa nilagdaan nilang manifesto, idiniin ng labing-anim na gobernador mula sa rehiyon ang kanilang ‘di matitinag na suporta sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto sina Cebu Gov. Garcia, Aklan Gov. Jose Enrique Miraflores, Guimaras Gov. JC Rahman Nava, Bohol Gov. Erico Aristotle Aumentado, Antique Gov. Rhodora Cadiao, Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr., at Capiz Gov. Fredenil Castro.
Nakiisa rin sina Gov. Eugenio Jose Lacson, Gov. Manuel L. Sagarbarria mula Negros Occidental at Oriental, Biliran Gov. Gerard Roger Espina, Siquijor Gov. Jake Vincent Villa, at mga gobernador mula sa Samar at Leyte Island, kabilang sina Gov. Sharee Ann Tan, Gov. Edwin Ongchuan, Gov. Ben Evardone, Gov. Jericho Petilla, at Gov. Damian Mercado.
Pinuri ng League of Municipalities sa Cebu ang determinasyon ng Pangulo sa pagbuo ng mga sistema at estratehiya para sa pagpapasigla ng ekonomiya.
Samantala, binigyang-diin ng Philippine Councilors League (PCL)-Cebu Chapter na ang mga hakbang ng administrasyon ay tunay na nagsusulong ng kapakanan ng mga Pilipino.
Nagpahayag din ng suporta ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation, na nagsabing nakikiisa sila sa adbokasiya ng “Bagong Pilipinas” na nakabatay sa katarungan, pagkakapantay-pantay, pananagutan, pagkakaisa, at integridad.
Ang ganitong pagkakaisa ng mga lider ng Visayas ay isang makapangyarihang pahayag ng pagtitiwala sa pamumuno ni Pangulong Marcos.
sa harap ng mga hamon ng modernong panahon, mahalagang mapanatili ang ganitong uri ng kooperasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masigurong maisasakatuparan ang mga programa at proyekto para sa pambansang kaunlaran.
At sa muling pagbibigay ng suporta mula sa mga lider ng Visayas, nagiging mas matibay ang pundasyon ng Bagong Pilipinas na pinapangarap ng Pangulo.
Masasabing ito ang uri ng pagkakaisang kinakailangan ng bansa—isang sambayanang nagkakaisa para sa mas maliwanag na kinabukasan.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.