Advertisers
IBINISTO ni Sonny Trillanes ang plano ng humigit kumulang na walong retiradong heneral na nais palitan ang gobyerno ni BBM ng isang transition council na pamumunuan umano ni Gongdi. Sa panayam ni Christian Esguerra sa programang “Facts First” noong nakaraang linggo, kasalukuyang umiikot sa chat group ng mga opisyal ng AFP ang panawagan na gibain ang kasalukuyang gobyerno at palitan si BBM at Sara.
Ito umano ang dahilan kung bakit dumistansiya ang grupo ng mga demokratikong mandirigma tulad ng Magdalo at Akbayan sa mga ilang grupo na ibang-iba ang political agenda. Ayaw nilang makilala na kasama sila sa mga grupong ito.
May pakiwari si Trillanes na nais nilang magtatag ng junta na papalit sa kasalukuyang gobyerno. Kung magtagumpay, inamin ni Trillanes na nakikita nila na si Gongdi ang mamumuno sa junta. Ito rin ang dahilan kung bakit iginiit nila ang impeachment ni Sara sa kanilang rali.
Naniniwala kami sa isiniwalat ni Trillanes. Sa hiwalay na rali ng mga alagad ng Simbahan sa EDSA Shrine, nakita namin ang nakapaskel na “Resign All.” Sa amin, isang malaking kahangalan iyon dahil kung magbibitiw ang lahat ng lider, sino ang magpapatakbo ng gobyerno? Saka bakit may ganyang mensahe samantalang ang isyu ay ang impeachment ni Sara.
Tama ang paglayo ng Akbayan at Magdalo sa mga grupo na may ibang agenda. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na igiit ng sambayanan na patalsikin si Sara sa pamamagitan ng impeachment. Hindi dapat ibalik ang mga Duterte sa poder.
***
TAHASANG inamin ni Benny Laguesma, kasalukuyang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), na humina ang unyonismo sa bansa. Bagaman hindi siya nagbigay ng anumang datos sa kanyang pagharap sa Saturday News Forum, sinabi ni Laguesma na hindi nalalayo sa 200,000 manggagawa na kasapi ng mga unyon ang may umiiral na collective bargaining agreement (CBA) sa mga may-ari ng negosyo.
May mga bagong polisiya sa gobyerno upang bigyan ng sigla ang unyonismo tulad ng pag-aalis sa polisiya na nagtatakda ng isang ikatlo, o 1/3, ng kasapian ng unyon upang maglunsad ng pag-aaklas. Ngunit sadyang humina na rin ang unyon dahil may ibang paraan rin upang maresolba ang hidwaan ng paggawa at management sa mga sigalot, aniya. Mas kinakapitan ng paggawa ang mekanismo ng pakikipagdiyalogo imbes na ang pag-aaklas, aniya.
Ipinaliwanag ni Laguesma na hindi rin nababahala ang gobyerno sa banta ng pagpasok ng artificial intelligence (AI) sa bansa. Kinilala niya ang kakayahan ng mga manggagawang Filipino na umaangkop ang kanilang kakayahan na harapin ang AI. Binanggit niya bilang halimbawa ang mga telephone operator ng PLDT na gumawa ng mga paraan nang kunin ng automatic dialing ang kanilang gawain. Hindi sila ganap na nawala, ani Laguesma. Bagkus, may ibang tungkulin silang ginampanan sa kanilang kompanya.
***
LABIS kaming natatawa sa mga sinasabi ni Victor Rodriguez, ang dating executive secretary na sinibak ni BBM dahil sa bintang ng kurapsyon. “Hindi ko masikmura ang kurapsyon sa Palasyo,” ani Rodriguez bilang tugon sa tanong kung ano ang dahilan at umalis siya bilang executive secretary ni BBM. Maraming lumapit sa kanya at humingi ng political favor, aniya. Teka, hindi na bago ito. Talagang ganyan ang takbo ng pulitika sa bansa. Parang asukal na nilalanggam ang sinuman maupo sa poder.
Hindi binanggit ni Rodriguez ang mga bintang ng kurapsyon laban sa kanya. Hindi tahasang hinarap ang bintang na siya ang kurap. Binaligtad niya ang usapan. Kurap ang Malakanyang maliban sa kanya. Hindi na bago sa amin ang ganitong istilo. Ganito rin ang istilo ni Gongdi sa pagharap sa isyu. Binabaligtad ang lahat.
Tuluyang umanib si Rodriguez sa pangkat ng Davao City. Dahil sa mga balitang kurap siya umano, hindi siya tinatangkilik ng sinuman. Hindi siya katanggap-tanggap sa grupo ng demokratikong mandirigma. Hindi siya lalapitan ng sinuman sa grupong iyan. Hindi rin siya katanggap-tanggap sa grupong maka-Kaliwa. Si Gongdi lang ang tatanggap sa kanya.
***
TULAD ng mga ibang kaibigan at kakilala, tinitingnan ko rin ang kandidatura sa Senado ni whistleblower Heidi Mendoza. Hindi matatawaran ang kanyang kakayahan na suyurin ang mga masalimuot na dokumento na mga transakyon sa gobyerno upang tuklasin ang mga anomalya at kalokohan – at katiwalian.
Nananalig kami na siya ang bagong mukha na biglang bubulaga sa atin sa halalan. Rekomendado namin siya. Isinusumpa rin namin ang ibang kandidato na kabilang sa mga dinastiya pulitikal tulad ng mga Villar, Revilla, at Lapid. Huwag na huwag ihahalal sila.
***
Email: bootscra@yahoo.com